Ni
ALDWIN QUITASOL
Bumuhos na naman
Mga tubig, mula sa kalangitan…
Simula na ng tag-ulan.
Mga magsasaka’y dapat magdiwang,
At nabasa ang lupang tigang.
Ngunit bakit ‘di yata sila natutuwa
At tagtuyot ay tapos na?
Siguro nga, ano ba ang dapat ipagsaya,
Ng mga taong wari nga bang itinadhana,
Na magtiis sa kanilang pagkadusta
At walang karapatang guminhawa.
Sairin man ang tubig ng sandaigdigan,
Isama pa ang galing sa karagatan,
At idilig sa kabukiran,
Hindi rin naman nila matitikman
Ang kanilang pinagpaguran.
Dahil nga sila’y alipin ng mga panginoon,
Subukan nilang magreklamo
At sila’y buhay na ibabaon…
Ngunit… pagbuhos ng ulan,
Sila’y… babangon,
Pagkauhaw ay maiibsan,
Lalakas, pipiglas at mag-aaklas.
At sa inipon nilang lakas
Sila’y… kakawala ,
Pagkatimawa’y wawakasan,
Lalaya… sa wakas!