NORDIS WEEKLY
May 21, 2006

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Aktibistang pinatay sa Isabela, inilibing

ECHAGUE, Isabela (Mayo 18) — Inilibing na ngayong umaga si Elena “Baby” Mendiola, ang pinaslang na secretary-general ng Bayan Muna sa Isabela, samantalang nakaburol pa ang kanyang asawang kasama niyang binaril at pinatay ng mga di nakilalang nakamotorsiklong salarin noong May 10. Kabilang sa mga nasa lamay at libing sina Bayan Muna Representative Satur Ocampo, Isabela Gov. Grace Padaca, Cong. Rodito Albano at iba pang personalidad sa Isabela.

Pagkatapos ng misa sa St. Joseph the Workers Church sa Echague, ginawaran ng parangal si Baby Mendiola na dinaluhan ng iba’t-ibang organisasyon at prominenteng indibidwal na nakasama niya sa kanyang pagkilos.

“Hindi kayang tapusin ng punglo ang ipinaglalaban ni Tita Baby. Ang kanyang ala-ala ay mananatiling buhay sa mga magsasakang binigyan niya ng lakas ng loob, sa mga manggagawang nakasama niya sa mga pagkilos at sa lahat ng sector na labis niyang minahal,” pahayag ni Reginald Ugaddan, secretary-general ng Bagong Alyansang Makabayan ng Cagayan Valley (Bayan-CV).

“Siya (Baby) ay isang bayani, martir ng bayan na di matatawaran. Kailanman ay hindi siya makakalimutan ng masang kanyang pinaglingkuran,” wika ni Fr. Jerry Sagun ng Iglesia Filipina Independiente.

Personalidad, nakiramay

Personal na nakiramay si Rep. Satur Ocampo ng Bayan Muna. Dumating si Ocampo sa Tuguegarao City noong May 17. Sinundo siya sa Tuguegarao Airport nina Isabela 1st district Representative Rodito Albano at Ilagan Mayor Jojo Albano at nag-convoy patungong Echague.

“Ibinuwis niya ang kanyang buhay alang-alang sa kanyang tungkulin,” ani Ocampo sa isang press conference pagkatapos ng libing. Ikinuwento nitong sa unang tangka sa kanyang buhay, pumunta si Mendiola sa Manila pero pagkatapos ng ilang araw bumalik siya sa Isabela dahil marami siyang trabaho. Sinabi ni Ocampo na alam ni Mendiola na mapanganib ang pag-uwi pero ginawa niya dahil sa kanyang pagmamahal sa mga inaapi at pinagsasamantalahan.

Sa kabila ng tangka sa kanyang buhay, sumama sa libing si Ocampo. Nakimartsa siya mula sa simbahan patungo sa sementeryo.

Iginiit ni Ocampo na handa ang Bayan Muna na dalhin kahit hanggang sa United Nations ang kasong pagpatay sa mga kasamahan nila. Ayon pa kay Ocampo may mga nakahanda umano silang tulong para sa mga naulila ng mga kasamahan nila.

Nauna nang nakiramay si Isabela Gob. Grace Padaca at nagpahayag din ito ng pagkadismaya at pagkalungkot sa karumal-dumal na kamatayan ng mag-asawa. Matatandaang si Mendiola ang isa sa pangunahing kritiko ng dating gobernador ng Isabela na si Faustino Dy at ang pamilya nito. Matapang na nanindigan noong 2004 na eleksyon si Mendiola para sa pagpapabagsak sa dinastiya ng mga Dy sa Isabela at isa siya sa pangunahing nanguna sa labang ito. # Michael Agonoy for NORDIS

Post your comments, reactions to this article


Home | Back to top

Previous | Next