NORDIS WEEKLY
May 7, 2006

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Cagayano nagkaisa kontra mina, kinondena si GMA

GAMU, Isabela (Apr. 28) — Dumadagundong ang pagtutol ng mga Cagayano laban sa programang pagmimina ni Pangulong Grloria Macapagal-Arroyo (GMA) sa nakaraang 1st Regional Mining Summit noong April 20-21 sa St. Ferdinand Cathedral dito.

Ayon sa deklarasyon na pinirmahan ng iba’t-ibang organisasyon, indibidwal at pulitiko na dumalo sa nasabing summit, ang agresibong paglalako ni GMA sa likas na yaman ng bansa sa malalaking dayuhang kompanya ng pagmimina ay nagbigay-daan sa paglawak at pagdami ng mga aplikasyon ng pagmimina sa Lambak Cagayan.

Kinondena rin sa nasabing deklarasyon ang pagbawi ng Supreme Court sa nauna nitong desisyon na ilegal ang Financial Technical Assistance Agreement (FTAA) na probisyon ng Philippine Mining Act of 1995.

Ayon sa deklarasyon, ang Lambak Cagayan ang may pinakamalawak na sakop na exploration permit sa bansa na may 161,294 ektarya. Pumapangalawa ang Region XIII na may 86,569 ektarya.

Iginiit nga mga nagkakaisang grupo na hindi pagmimina ang salot sa kahirapan kungdi ang tunay na reporma sa lupa. Kasabay sa panawagan nilang palayasin ang mga sundalong nakaposisyon sa mga proyektong ito ay ang pagbasura sa Mining Act of 1995.

Nakasaad din sa deklarasyon ang malakihang pagmimina ay magdudulot lamang ng pagkaabuso at pagsasamantala sa likas na yaman ng rehiyon. Naniniwala ang mga Cagayano ang pagmimina ay magbibigay daan sa pangangamkam sa lupa at paglabag sa karapatang pantao.

Ayon kay Celso Pagatpatan, professor ng Our Lady of the Pillar College-Cauayan City (OLPC), sa kasalukuyan ay nasa proseso ang PNOC-EC sa paghingi ng environmental compliance certificate (ECC) para sa Coal Mine Mouth Power Plant sa Isabela at Manganese and Magnetite Mining sa Cagayan.

Dagdag ni Joan Jaime ng KAMPI, sa kanilang isinagawang pananaliksik iba’t-ibang kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga sundalo na nakahimpil sa mga baryo ang naitala. Aniya, maging ang mga mananaliksik ng KAMPI ay nakaranas ng pandarahas sa kamay ng mga sundalong nakabantay sa Climax Arimco Mining Corparation sa Nueva Vizcaya. Dagdag pa aniya, sinabihan ng mga sundalo ang mamamayan sa nasabing lugar na hindi makipagtulungan sa KAMPI upang mapagtakpan ang nagawa nilang mga paglabag sa karapatang pantao.

Sa Isabela, umaangal ang mga mamamayang nasasakupan ng Coal Mine Mouth Power Plant dahil nanganganib na maagaw ang lupain ng mga magsasakang matagal nang naninirahan sa Naguilian, Benito Soliven at Cauayan City dahil sasakupin ito ng nabanggit na proyekto.

Sa ngayon, mahigit 500,000 hectares ang sasakupin ng pagmimina sa rehiyon. Tinatayang 20% ito ng kabuuang kalupaan ng rehiyon at 50% ng mga lupaing ito ay produktibo at pangunahing pinagkukunan ng ikinabubuhay ng mga mamamayan. # via NORDIS

Post your comments, reactions to this article


Home | Back to top

Previous | Next