MIGRANTE MONITOR
NORDIS WEEKLY
March 19, 2006

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Contemplacion ginunita, GMA pinapababa

BAGUIO CITY (Mar. 16) — Sa paggunita sa ika-11 anibersaryo ng pagkamatay ni Flor Contemplacion, nanawagan ang Migrante-Metro Baguio ng pagpapababa kay Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) dahil sa patuoy na pagpapabaya nito sa mga overseas Filipino workers (OFW).

Isang photo exhibit at forum ang inilunsad ng Migrante dito sa lungsod noong March 17 upang gunitain si Contemplacion at igiit ang karapatan at kagalingan ng lahat ng mga OFW at pamilya.

Ang nasabing forum ay dinaluhan ng mga OFW, kapamilya nila at mga kinatawan mula sa Department of Labor and Employment (DoLE), Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Ayon kay Flora Belinan, chairperson ng Migrante ang paggunita kay Contemplacion ay paggunita sa paghihirap ng milyun-milyong OFW sa buong mundo. Aniya, sa kabila ng malaking naiambag ng mga OFW sa ekonomiyang ipinagmamalaki ni GMA patuloy pa ring napapabayaan ng pamahalaan ang kanilang karapatan at kagalingan.

Muling kinondena ni Belinan, ang mga programa ni GMA tulad ng labor export program nito. Aniya, ang mga OFW ay naging bahagi na ng mga “trade fair” ng pandaigdigang kalakalan sa diwa ng globalisasyon.

“Ginagawang puhunan ang OFW bilang kalakal upang itaguyod ang pansariling kapakanan ng pekeng pangulong si GMA,” sabi ni Belinan.

Iginiit ni Belinan ang pagpapabaya ni GMA sa mga OFW at sa pagpapataw ng mga hindi makataong polisiya at programa na nagpapahirap sa sambayanang Pilipino labi-labis na dahilan upang patalsikin siya sa pwesto. # via NORDIS

Post your comments, reactions to this article


Home | Back to top

Previous | Next