NORDIS WEEKLY
March 12, 2006

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Pauwiin na ang mga naka-welgang OFW sa Riyadh — Migrante

BAGUIO CITY (Marso 10) — “Immediate repatriation” ang nananatiling panawagan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nakawelga sa kanilang trabaho sa Annasban Sub-contracting Group sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia (KSA).

Samantala, anim sa mga ito ang nakabalik na sa bansa at patuloy na humihiling sa pamahalaan para sa kagyat na pagpapauwi sa mga naiwan sa Riyadh.

Nakipagdayalogo kamakailan ang mga dating migranteng manggagawang galing sa Riyadh at kapamilya ng mga nagpoprotestang OFW sa lokal na tanggapan ng Public Employment & Services Office (PESO) dito para muling igiit ang hiling nilang gumawa ito ng kongkretong hakbang para sa pagpapauwi sa mga naiwang OFW na kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng organisadong tigil-paggawa laban sa employer nilang Annasban Sub-contracting Group.

Sa nasabing dayalogo kay Romelda Frances Escano ng lokal na PESO, naigiit ng mga Migrante at mga pamilya nila na sulatan nito ang Placewell Recruitment Agency para aksyonan ang hiling ng mga pamilya na kagyat na pagpapauwi sa mga OFW. Tinangkang magdahilan ni Escano na wala sa jurisdiction ng PESO ang kaso ng mga Migrante, ngunit sa panggigiit ni Flora Belinan, koordineytor ng Migrante-Cordillera, nangako itong susulat sa naturang recruiting agency.

“Kung sa usapin ng kagalingan at karapatan ng mga manggagawa sa labas ng bansa, pinagpapasa-pasahan ka. Ang linaw-linaw sa mga government agencies kung ang pinag-uusapan ay ang pagluluwas ng lakas paggawa, madulas at nakaka-enganyo pa ang pagharap nila. Pero kapag ang usapin ay ang karapatan at kagalingan ng mga ito, ikaw pa ang sisisihin,” sabi pa ni Belinan.

Sa kabuuang 38 na migranteng nagpasyang tumigil sa pagtatrabaho dahil sa unfair labor practice at pagmamaltrato, 14 ay mga taga-Cordillera at anim pa lang sa mga ito ay nakauwi. May walong taga-Cordillera na nananatili pa sa rooftop ng isang villa at walang katiyakan kung ang kanilang pag-uwi ay inaasikaso ng kanilang recruitment agency. Kabilang sila sa libu-libong manggagawang napangakuan ng malaking kita nguni’t bumagsak sa isang mala-aliping sistema ng paggawa sa Saudi Arabia.

Humarap din ang mga dating OFW at mga pamilya nila kay Sen. Jamby Madrigal noong Marso 7 at hiniling nila sa senadora ang maagang pagpapauwi sa mga naiwang OFW sa Riyadh.

Bago sila nagwelga, sumulat ang mga OFW na ito sa mga Kongresista ng Baguio at Benguet, sa Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para ipaabot ang problema sa kanilang amo. Dahil sa tagal na walang aksyon ang mga ito at tumitindi ang kanilang kinakaharap na problema, ang 38 na manggagawa ay nagkaisa na tumigil sa trabaho noong January 22. Magdadalawang buwan na, nasa rooftop pa rin ang mga ito.

Ang naranasan ng Migrante Metro Baguio sa PESO ay hindi naiiba sa iba pang karanasan nila sa ibang agensya ng gobyerno, ayon kay Belinan.

“Kaya hindi kataka-taka kung maraming mga manggagawa sa labas ng bansa ang naabuso at namamatay dahil ang ating gobyerno mismo ay walang paki-alam. Malinaw na wala tayong maasahan sa gobyerno kundi pagsasamantala lamang,” ayon pa kay Belinan. Bagama’t sinasabi ni GMA na ang OFW ay “modern economic heroes,” sa katotohanan, tayo ay kanyang “modern economic slaves”, dagdag pa niya. # Lyn V. Ramo para sa NORDIS

Post your comments, reactions to this article


Home | Back to top

Previous | Next