NORDIS WEEKLY
March 12, 2006

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Karahasan sa Cagayan tumitindi

2 progresibong lider tinangkang patayin

TUGUEGARAO CITY (Mar. 10) — Dalawang opisyal ng mga progresibong organisasyon sa Cagayan Valley ang nakaranas ng matinding pandarahas mula sa mga pinaniniwalaang mga elemento ng militar, sa magkahiwalay na insidente sa loob ng isang linggo.

Si Gina Ricardo, information officer ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan-CV) ay tinutukan ng baril sa kanyang tagiliran. Isang lalaki ang tumabi sa kanya sa sinakyan niyang van papuntang Santiago, Isabela bandang 9:00 ng umaga noong Marso 3. Tinutukan siya dahil ayaw niyang ibigay ang envelope na naglalaman ng mga imbitasyon para sa gaganaping forum sa Marso 4. Bumaba ang salarin matapos niyang mausisa ang mga envelope.

Pinagtangkaan naman ang buhay ni Elena “Baby” Mendiola, secretary general ng Bayan Muna-Isabela sa harap mismo ng kanyang bahay noong Marso 10. Tatlong beses siyang pinaputukan ng dalawang lalaking naka-motorsiklo. Hindi natamaan ng mga ito si Mendiola na naglilinis sa harap ng kanilang bahay sa pagitan ng 9:00 hanggang 10:00 ng umaga.

Ayon kay Mary Grace Bautista, secretary general ng Karapatan-CV, matagal nang napapansin ni Mendiola na may sumusubaybay sa kanya. Aniya noong ideklara ang Presidential Proclamation 1017 (PP 1017), tumindi ang mga atake sa karapatang sibil at pulitikal na mamamayan. Dagdag pa niya, kahit na binawi kamakailan ni GMA ito, malinaw na ginagamit pa rin ito ng armadong pwersa ng pamahalaan, at ang banta nito ay nananatili lalo na sa mga kasapi ng progresibo at militanteng organisasyon.

Kasama si Mendiola sa inilunsad na People’s Forum against PP 1017 noong Marso 4 na dinaluhan ng mga abogado, law students, taong-simbahan at mga mamamayan ng Cagayan Valley at isa siya sa mariing nagbigay ng pahayag ng pagkundena sa marahas na pamumuno ni GMA sa buong bansa.

Mariing kinondena ni Fr. Emery V. Cadiz, chairperson ng Karapatan-CV ang mga paglabag sa karapatang pantao na gaya ng mga ito. Aniya, ito ang paraan ng pamahalaan upang takutin ang lumalawak na bilang ng mga mamamayang tumutuligsa sa pamahalaan.

“Pinapakita lamang nito na nakarating na sa ating rehiyon ang ‘kampanyang pantahimik’ ng pamahalaang Arroyo sa pamamagitan ng pananakot at pagpatay sa mga kritiko nito. Habang tumitindi ang karahasan ng estado, lalo ring titindi ang pagkadismaya at pagkaligalig ng mamamayan lalo na dahil sinisikil at niyuyurakan ang mga demokratikong karapatan ng mamamayan,” dagdag ni Cadiz.

Ayon sa Karapatan, lalo pang dumarami ang kaso ng paglabag ni GMA sa karapatang pantao at nararapat nang pag-usapan at bigyan ng kagyat na tugon sa Human Rights Joint Monitoring Committe ng GRP at NDFP. Nananawagan din ang Karapatan sa mga mamamayan ng Cagayan Valley na paigtingin ang kampanya laban sa karahasan at panunupil ng pamahalaan at ang pagpapatalsik kay GMA sa lalong madaling panahon. # via NORDIS

Post your comments, reactions to this article


Home | Back to top

Previous | Next