By
EPOY*
Di yata´t nalinlang mo yaring buong masa.
Binola´t binilog, at saka binalasa.
Ang simpatiya nami´y pilit mong kinutsaba.
Tayo na sa EDSA at mag-alsa, makibaka.
Agawan ang hari, ang trono ng tiranya.
Pangako mo sa amin, sumpa mo sa madla.
Kapag nakaupo´t, nasa Malakanyang ka na.
Liligaya ang lahat, ang buhay sa iyo´y gloria.
Dahil nga kami´y sabik sa lipunang malaya.
Laon nang pangarap, paligid na sagana.
Malaya laban sa magnanakaw, laban sa mandaraya.
Mandarambong sa bayan, garapal sa pulitika.
Kaya sa pangako mo, kami´y nagpadala.
Pagka’t inakalang ang buhay nga sa iyo´y gloria.
Dahil sa batid mong kami´y sagad na.
Sawa na ang bayan sa sistemang malaswa.
Labis na paghihirap, buhay na mapakla.
Kawalang katarungan, bulok na sistema.
Gobyernong pinagpipistahan ng mga buwaya
Ayaw na namin sa nilalarong hustisya.
Maging kalayaang inilalako sa banyaga.
Kaya nga kami´y uhaw, sabik na sa gloria.
Sa labis na uhaw, sa nangangalit na EDSA.
Doo´y nagpatiuna ka´t ipinangako mo ang gloria.
Na kapag naupo´y, babaguhin raw ang sistema.
Dinawit mo pati pangalan ng Diyos na Bathala.
Upang masungkit mo damdamin naming balisa.
Subalit pagdakma mo sa iyong dambana.
Matapos mong makuha ang lahat ng iyong nasa.
Nalimot mong lahat, lalo na ang masa.
Na siyang nagluklok, sa pangarap mong Gloria.
Tinalikuran mo silang, parang walang nakita.
Sa bulok mong hangaring, maagaw ang korona.
Parang walang pinagsamahang, itinaob natin ang Edsa.
Pagkaupong-pagkaupo, sa kinasasabikan mong trono.
Daig mo pa si hudas, ang masa´y agad pinagkanulo.
Pati hindi pa lumalabas, na mga apo ng aming lolo.
Naibinta mo nang lahat, sa mga mapuputla mong amo.
Kahit dugo ng mga kubrador, kinatas ng pamilya mo.
Marahil nangamba kang,baka hindi kaagad mapuno.
Ang malalim na baul ng mahal mong esposo.
Totoo ngang gloria, nagpakagloria kayong totoo.
Sagad nga sa buto, ang iyong pagkukunwari.
Kung makapagsalita ka, daig mo pa ang mga pari.
Aming mga paghihirap, para bang di mo nawari.
Ang iyong mga pandinig, tila nagteyngang kawali.
Sa aming mga kaapihan, sa aming mga pagdadalamhati.
Ang mga sumpaan natin, nauwing lahat sa pusali.
Sabagay totoo ngang sa piling mo´y Gloria
Maligaya ang lahat, kumpol ng iyong kakutsaba.
Nagbundatan ang mga tiyan, sabay-sabay na nagpyesta.
Sa kaban ng bayan, lahat sila´y nagtamasa.
Sa dugo ng bayan, mga asong baliw na nagpasasa.
Kaya ang lipunan, nagbutot-balat ang mistula.
Sa iyong kasakiman, di ka pa nakuntento.
Para kang tuko kung makakapit sa iyong trono.
Ginawa mo ng lahat, kahit na manluko.
Nilabusaw mo´t binaboy, ang boto ng mga tao.
Daig mo pa ang salamangkera sa paggawa ng pakulo.
Kaya ang resulta, mga tuta mo´y nagka hello-hello (garci).
Pumutok ang tsismis, nabisto kang totoo.
Ngayon ang mga tao, muli na namang nag-aalimpuyo.
Kaya tama na Gloria, lumayas ka na sa iyong trono.
Agad nang takasan, nangangalit naming mga puso. #
* Epoy is a member of Pinoy in Austrian Society
for Integrity Reform and Social Transformation (FINAS FIRST).
He has been living in Vienna Austria for 16 years.
Post
your comments, reactions to this article