|
NORDIS
WEEKLY March 5, 2006 |
|
Previous | Next |
||
31 bahay sa Ilocos iligal na pinasok, hinalughog ng Army |
||
BANAYOYO, Ilocos Sur (Peb. 24) — Sa inilunsad na fact-finding mission (FFM) ng Ilocos Sur Human Rights Advocates (ISHRA) sa Sitio Maagub, Brgy. Banbanaal, Banayoyo, Ilocos Sur, panibagong kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga elemento ng 50th Infantry Battalion Philippine Army (IBPA) ang naitala. Iligal na hinalughog at pinasok ang 31 kabahayan sa naturang sitio upang hanapin ang mga miyembro diumano ng New Peoples Army (NPA). Ayon sa ilang residente, isang text message na binasa sa isang lokal na istasyon ng radyo na nagsabing may mga elemento ng NPA na nag-iwan ng baril at nakipista sa Poblacion na siyang naging batayan ng mga militar sa kanilang operasyon. Bandang 5:45 ng hapon noong Pebrero 16, dumating ang isang tangke at dalawang trak ng militar lulan ang mahigit 60 na armadong tropa ng 50th IBPA, ayon sa mga residente. Matapos ang pagsisiyasat sa paligid ng baryo at walang nakitang mga NPA, isinunod ng mga sundalo ang mga bahay ng mga residente upang hanapin umano ang mga naiwang baril ng mga hinihinalang NPA. Tinawag itong Operation Kapkap na ayon sa mga may bahay ay wala namang search warrant na naipakita. Tumutol ang mga residente at sinabing makipag-ugnayan muna ang mga sundalo sa mga opisyal ng barangay bago pumasok sa mga bahay. Kasama ang mga opisyal ng barangay, pumasok ang mga elemento ng militar sa mga bahay sa sitio. Hinalungkat nila lahat ng sulok at kagamitan sa mga bahay. Maging ang isang bahay na wala ang may-ari ay pinilit nilang buksan. Sinira ng mga sundalo ang pinto ng nasabing bahay. Wala silang natagpuan na baril sa nasabing mga bahay. Bandang 7:30 ng gabi nang matapos ang operasyon. Bago sila tuluyang umalis ay bumalik ang tatlong sundalo sa bahay ng isa sa mga hinihinala nilang nagpapakain sa mga NPA at binalaan na huwag silang magpakain ng mga NPA sa kanilang bahay. Ayon din sa ilang residente, sinabihan sila na huwag silang lumabas sa loob ng 17 gabi dahil minamanmanan nila ang kilos ng mga NPA at baka mapaghinalaan silang suporter ng mga ito. Base sa ulat ng FFM na inilabas ng ISHRA, illegal search, harassment, pananakot at violation of domicile sa mga bahay at residente ang ginawa ng mga millitar. Ang nasabing insidente ay nagdulot ng matinding takot sa mga residente ng nasabing barangay. Ayon naman sa pahayag ng Ilocos Human Rights Advocates (IHRA), hindi ito nalalayo sa iba pang kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa rehiyon ng Ilocos. Mayroon nang 75 na kasong naitala ang IHRA mula sa 2001 hanggang 2006; humigit-kumulang 200 biktima sa 17 munisipyo ng Ilocos Sur. Ayon pa sa pahayag, ang lahat ng kasong ito ay naitala sa panahon ng rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo, ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pang kagyat na solusyon ang rehimen dito. # Rod Tajon for NORDIS Post your comments, reactions to this article |
||
Previous | Next |