|
NORDIS
WEEKLY February 26, 2006 |
|
Previous | Next |
||
Kabataan ng Hilagang Luzon tutol sa Cha-cha |
||
BAGUIO CITY (Peb. 23) — Kinondena ng mga kabataang mula sa Cordillera at Lambak Cagayan ang Charter Change (Cha-cha)na isinusulong ng administrasyon ni Gloria Macapaagal-Arroyo (GMA). Ayon kay Cris Barcena, chairperson ng Anakbayan-Lambak Cagayan, isa sa nakakabahalang panukalang mga pagbabago sa konstitusyon ay ang pagpapahintulot ng 100% na pagmamay-ari sa mga malalaking dayuhang kompanya. Aniya, sa pamamagitan ng Philippine Mining Act of 1995 ay ibinukas na ng pamahalaan ang joint venture sa mga dayuhang korporasyon ng pagmimina, kaya ngayon pa lamang ay kinakamkam na ng mga dayuhang kompanya ang yaman ng bansa. Dagdag pa ni Barcena, kapag nagtagumpay ang Cha-cha ay lalong lalala ang kahirapang dinaranas ng mga Cagayano. Aniya, libu-libong Cagayano sa Kasibu, Nueva Viscaya; Quirino, Claveria at Sanchez Mira, Cagayan; Cauayan at Benito Soliven, Isabela ang pinangangambahang palayasin sa kanilang mga lupain dahil sa patuloy na operasyon ng mga dayuhang minahan. Ayon pa kay Barcena, kapag natuloy ang Cha-cha magiging bulnerable ang Pilipinas sa pagsasamantala ng mga dayuhan na magreresulta sa mas malalang paghihirap ng mga Pilipino. Bilang simbolo ng pagtutol, inilunsad ng nasabing mga grupo ng kabataan ang “Stand Up for Our Sovereignty (S.O.S.) Oppose Arroyo’s Cha-Cha!” campaign. Nanawagan si Barcena sa lahat ng mga makabayang kabataan na magsuot ng mga S.O.S pins na nakalagay sa bandila ng Pilipinas. “Ang bandila ng Pilipinas ay nagtataguyod at sumisimbulo ng pambansang patrimonya at kalayaan, ito ang gustong ibenta ni Arroyo sa pamamagitan ng kanyang Cha-Cha,” sabi ni Barcena. Ang grupong ito ng mga kabataan ay nanawagan din ng pagbabasura ng Visiting Forces Agreement (VFA) at pagtutol sa napipintong pagsasagawa Balikatan exercises sa Cagayan at sa buong bansa. “Tulad ng inilunsad na symposium sa CSU-Tuguegarao hinggil sa pagtutol sa Balikatan, magsasagawa rin ng iba’t ibang tipo ng aksyong protesta sa loob at labas ng mga eskwelahan ang mga kabataan upang ilantad at labanan ang maniobra ni GMA upang manatili sa poder. Anumang balakin ni Arroyo para manatili ay sasalubungin ng pagtutol at protesta ng kabataan sa rehiyon at sa buong bansa,” pagwawakas ni Barcena. Samantala sa isang press conference sinabi ni Efren Victor Soliman tagapagsalita ng Youth Demanding Arroyo’s Resignation (YouthDare) Baguio-Benguet na nakakabahala ang mga ipinapanikalng pagbabago sa Konstitusyon. Aniya ilan sa mga ito ay ang pag-alis sa probisyon na nagsasabing dapat gawing prayoridad ng pamaalaan ang edukasyon sa pambansang badyet. Idinagdag niya na maging ang probisyon na nagsasabing ituro sa mga pamahalaan ang nasyonalismo sa kabataan ay gusto ring burahin. Bukod pa dito sinabi ni Soliman na ang isinusulong na no election (No-el) ay malinaw lamang na maniobra ni GMA para manatili sa pwesto. Aniya, hindi makikinabang ang mamamayan sa No-el at Cha-cha. Tanda ng kanilang mariing pagtutol, sumama ang iba’t ibang mga organisasyon sa ilalim ng YouthDare sa isang kilos protesta noong Pebrero 24 upang ipanawagan ang pagpapatalsik kay GMA. # via NORDIS Post your comments, reactions to this article |
||
Previous | Next |