NORDIS WEEKLY
January 29, 2006

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Balo ng mga pinaslang na aktibista nanawagang patalsikin si GMA

BAGUIO CITY (Jan. 25) — Muling kinondena ng mga naiwang maybahay nina Romy Sanchez at Albert Terredaño ang sunud-sunod na pagpatay sa mga aktibista sa isang press conference dito kamakailan. Kaugnay ng pagkondena ay nanawagan ang mga ito na bumaba sa puwesto si Gloria Macapagal-Arroyo (GMA), bilang presidente at commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ibinunyag sa nasabing talakayang-masmidya ang pagbubuo ng isang alyansa ng mga naulila para pabilisin ang paghatol ng hustisya at makalikom ng anumang suporta para sa mga biktima ng pulitikal na pagpaslang.

Humarap sa mga miyembro ng masmidya ang dalawang balo. Si Elvira Sanchez ay maybahay ni Romy na binaril sa gitna ng pamimili sa palengke dito noong Marso 9, 2005. Si Albina Terredaño ay maybahay ni Albert na binaril ng mga nakamotorsiklong lalaki noong Nobyembre 29, 2005 sa Bangued, Abra.

Si Romy ay panrehiyong koordineytor ng Bayan Muna sa Ilocos, samantalang si Terredaño ay lider-empleyado ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) sa Department of Agrarian Reform sa Bangued.

Parehas pa ring nagdadalamhati ang dalawang byuda sa di napapanahong pagkamatay ng kani-kanilang mga mahal sa buhay, at sa pagkawala ng ama ng kani-kanilang mga anak. Si Elvira ay may limang anak at si Albina naman ay may dalawa.

“Dalawang buwan pa lang ang nakalilipas mula nang mawala si Albert kaya halos hindi pa kami nakakarekober,” ang tanging tinuran ng naiiyak na Albina. Dinagdag pa niyang hindi pa rin makapaniwala ang kanyang mga anak sa nangyari. “Ang bunso ay umiiwas na pag-usapang patay na ang kanyang ama,” aniya.

Idinugtong ni Elvira na 10 buwan pagkatapos mabaril si Romy, wala pa ring nangyayari sa kaso nito. Inilahad niyang may pinalabas nang warrant of arrest para sa suspek na si Dennis Binuya. Hanggang sa kasalukuyan ay nanatiling malaya ang salarin.

Ayon kay Atty. Randy Kinaud, secretary-general ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA), nagkaroon agad ng pre-conference sa kaso ni Sanchez kung saan kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) ang pagkakalabas ng warrant laban kay Binuya. Aniya, nabuo ang isang Task Force Romy Sanchez na pinamunuan ni City Director Isagani Nerez ng Baguio City Police Office (BCPO). Hanggang sa kasalukyan, wala pang iniusad ang kaso, aniya.

Nananatiling mga haka-haka pa lang ang nahahagilap hinggil sa kaso ni Terredaño, ayon kay Kinaud. Wala pa umanong nagsasalita sa mga taong nakasaksi ng brutal na pagpatay. Kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa lokal na pulis ng Bangued ang CHRA para sa paglikom ng mga datos hinggil sa kaso.

Kaugnay nito sinabi kamakailan ni Gen. Leonardo E. Dionisio, direktor ng panrehiyong tanggapan ng Philippine National Police (PNP) na kailangang pabilisin ang imbestigasyon dahil habang ito ay tumatagal, lalong mahihirapang resolbahin ito.

Ang pagpatay naman kay Jose Manegdeg III noong Nobyembre 28, 2005 sa San Sebastian, Ilocos Sur ay kasalukuyan ding iniimbestigahan. Tanging cartographic sketch ng pangunahing salarin ang naipalabas ng Task Force Pepe Manegdeg.

Hindi nakadalo sa press conference ang kanyang maybahay na si Florence dahil sa isang pampamilyang okasyon. Dalawang anak din ang naiwan ni Pepe sa kanyang maybahay.

Pare-parehong naghahanap ng hustisya ang mga naulila. Kahit ang mga bata ay patuloy na nagtatanong: “Bakit siya pinatay?”

Nagkakaisa sa pagtingin ang mga byuda na sistematikong pagpatay sa mga lider-masa at mga pinuno ng lehitimong mga organisasyon tulad ng Bayan Muna at iba pang pampulitikang organisasyon ang dahilan ng pagkamatay ng kanilang mga asawa.

“Walang ginawang masama sina Romy, Albert at Pepe, pero bakit sila pinatay?” tanong ni Elvira. “Tiyak na nakasama sila sa mga planadong pagpaslang sa mga aktibista,” aniya. Ginunita niyang bago paslangin si Romy, napaslang si Fr. William Tadena sa Tarlac, at pagkatapos naman ay marami pang iba ang pinaslang ng mga hinihinalang sundalo ng AFP sa iba’t-ibang sulok ng bansa.

“Sapat na ang mga pagpaslang para ipanawagan ang pagbaba sa puwesto ni GMA,” ang mariing deklarasyon ni Elvira. Desperado na sa mga pangyayari ang presidente. Itigil na niya ang pagpatay sa mga lider. Kawawa ang mga bata,” ang huling sinabi ni Elvira bago tuluyang napaluha.

Sa pakikipagtulungan ng CHRA, bubuuin ng mga naulilang pamilya ang isang alyansa para sa pagkondena sa mga pagpaslang. Ito rin ay upang makalikom sila ng sapat na suportang moral at pinansyal para sa mga biktima ng karahasan ng estado. Ibinunyag ng mga byuda na balak nilang mag-ikot sa hanay ng mga relihiyoso, estudyante, propesyonal at mga manggagawa’t magsasaka para itaas ang kaalaman ng mga ito sa nangyayaring pulitikal na pagpaslang sa bansa.

Layunin ng bubuuing alyansa na makamit ang hustisya para sa mga biktima ng pulitikal na pagpaslang. # Lyn V. Ramo para sa NORDIS

Post your comments, reactions to this article


Home | Back to top

Previous | Next