|
NORDIS
WEEKLY January 22, 2006 |
|
Previous | Next |
||
Kabataan nagprusisyon, nanawagang patalsikin si GMA |
||
BAGUIO CITY (Enero 20) — Naglunsad ng isang prusisyon ang mga militanteng organisasyon dito sa lungsod sa pangunguna ng Youth Demanding Arroyo’s Removal (Youth Dare) sa kahabaan ng Session Road bandang alas sais ng hapon upang muling igiit ang panawagang patalsikin sa pwesto si Gloria Macapagal Arroyo (GMA). Kagaya ng Stations of the Cross na isinasagawa tuwing Semana Santa upang gunitain ang mga paghihirap ni Hesu Kristo patungong Calvary kung saan siya ipinako, ganito ang naging prusisyon ng mga militante. Nagkaroon ng pitong istasyong hinintuan ng mga militante. Sa bawat istasyon ay ipinaliwanag ng mga militante ang kanilang mga dahilan sa pagpapanawagan ng pagpapatalsik kay GMA. Ginunita nila sa bawat istasyon ang mga pahirap na idinulot ng mga polisiyang ipinatupad at mga pangakong hindi tinupad ni GMA. Kabilang sa mga polisiyang tinuligsa ng mga militante ay ang pagkaltas sa badyet pang-edukasyon , expanded value added tax (EVAT) at visiting forces agreement (VFA). Ayon kay John Panem, chairperson ng National Union of Students in the Philippines (NUSP), sa panukalang 2006 badyet, pangatlo lamang ang edukasyon sa laki ng alokasyon na taliwas sa isinasaad ng Konstitusyon. Aniya pambayad utang pa rin ang may pinakamalaking alokasyon na sinundan ng badyet para sa sandatahang lakas. Ayon kay Aldwin Quitasol ng Kilusang Mayo Uno (KMU), mula nang maupo sa puwesto si GMA dahil sa matagumpay na pagkilos ng masang Pilipino noong People Power 2, hanggang sa muli siyang maluklok sa poder dahil sa pandaraya umano sa 2004 eleksyon, wala pa ring napala ang mga manggagawa dahil sa kanyang mga polisiya. Aniya lalo lamang lumawak ang tanggalan sa trabaho at kawalan ng trabaho sa ilalim ng pamumuno ni GMA. Mariin ding tinututulan ng mga militanteng grupo ang isinusulong na Charter Change at Anti-Terrorism Bill. Ayon kay Gelo Guison ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP), walang ibang naghahasik ng terorismo kung hindi ang pamahalaan sa pamamagitan ng mga paglabag sa karapatang pantao at pagpapatupad ng mga mapanirang proyekto at polisiya na pumapatay sa mamamayan. Aniya kabilang dito ang walang habas na pagpatay sa mga lider at miyembro ng mga progresibong organisasyon, mamamahayag at aktibista. Ayon naman kay Emy Careon mula sa Cordillera Peoples Alliance (CPA), ang Charter Change ay hindi kasagutan sa tumitinding krisis pampulitika at ekonomiya ng bansa. Aniya hangga’t nananatili sa poder ang mga pulitikong ganid sa kapangyarihan, ilang ulit mang baguhin ang Konstitusyon, hindi mareresolba ang kasalukuyang krisis pambansa. Ayon pa kay Careon, ang unang hakbang patungo sa tunay na pagbabago ay ang pagpapatalsik kay GMA at pagtataguyod ng makabayang konseho (Transition Council) kung saan maisusulong ang mga lehitimong kahilingan at interes ng mga pinagsasamantalahang sektor sa lipunan. Ang nasabing prusisyon ay dinaluhan ng mga estudyante mula sa University of the Philippines Baguio, University of Baguio, Saint Luis University, University of the Cordilleras, Baguio Central University at BETI School of Technology. Dumalo rin ang kinatawan ng ilang progresibong organisasyon dito sa Baguio. # Kimberlie Olmaya Ngabit para sa NORDIS Post your comments, reactions to this article |
||
Previous | Next |