|
NORDIS
WEEKLY December 25, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Nang mabulag sina Juan at Juana sa Pinilakang Tabing |
||
Kritik sa mga pelikula ng kasalukuyan By PINK-JEAN FANGON MELIGRITO Movies
create an enchantment that there is someone we could depend on. Tila bahagi na ng tradisyong Pinoy na manood ng mga pelikula na gawang Pinoy din bago umusad sa bagong taon. Yan ang tampok na deklarasyon ng Baguio Film Festival (BFF). Ang mga pelikulang nakapaloob sa BFF ay siya ring mula sa Metro Manila Film Festival (MMFF); kung bakit Baguio ang taguring ngalan ay dahil dito sa siyudad mismo mapapanood ang mga pelikulang kasabay na ipapalabas sa Maynila. Nitong nakaraang linggo, dumayo ang mga artista ng MMF dito sa lungsod at nagparada sakay sa mga float na may dekorasyong ang tema ay ayon sa kani-kanilang pelikula. Bongga! Kakaiba! Starstruck, ‘ika nga sa unang pagkakataong makakita ng artista na sa telebisyon o sa sinehan mo lang dati nasisilayan. Idolo. Tagapagtanggol. Bayani. ‘Yan na ang tingin sa mga artistang tila biniyayaan ng talino, lakas at kakaibang kapangyarihan. ‘Yan ang tema ng karamihan sa mga pelikula sa naturang film festival. Isang package ng tuwa, pantasya at ilusyon. Ngunit ano nga ba ang pelikula? Ito ba ay may mahika? Salamangka? Ang pelikula ay isang instrumento upang humubog ng kaisipan. Isa itong ideolohikal na aparato, na ayon kay Louis Althusser, ay isa lamang pormasyon ng imahinasyon. Ang ideolohiya (ng pelikula) ay hinugot mula sa isang ilusyon o inimaheng relasyon ng isang tao sa kanyang tunay na kondisyon ng materyal na eksistensya. Itinuring din ni Althusser na ang ideolohiya (ng pelikula) ay isang sistema na may sariling lohika at pleksibilidad ng mga representasyon ng mga imahe, mito, ideya at iba pang sangkap sa pagbubuo ng kaisipan. Ito ang sistemang nagiging batayan sa pagkilos na maaaring makaapekto sa tranpormasyon ng ugnayang panlipunan at/o pagbubuo ng isang panibagong lipunan. Sa madaling salita, ang pelikula nga ay napakahalaga upang hubugin ang pag-iisip ng isang tao. Kung sa pelikula, Super si Man, Fantastic ang Four, Magiting sina Mulawin at Exodus, masarap umasa lang sa mga “taong” nasa loob ng pelikula. Masarap maging katulad nila. (Pero hindi ko naman sinasabi na ang lahat ng tao ay nagnanais ng pakpak at lilipad gaya ni Alwina.) Hindi lang naman sa fantasy films nalilinlang ang isang manonood. Lalo pa sa mga reality-based films na isang malaking halimbawa ay ang war films o ang mga pelikulang pang-giyera mula sa lupaing ‘Merika. Siglo pa ng kanuno-nunuan mo, nagsimula na ang ilusyon ng mga Amerikano bilang tagapagligtas ng mga Pilipino. Ayon kay Clodualdo Del Mundo, “J. Stewart Blackton and Albert Smith produced their film version of The Battle of Manila Bay. These partners reconstructed the battle by using cutouts from photographs of the American and Spanish fleets that were sold on New York streets. [Thus] concealed the illusion behind clouds of smoke and sold it as an original and exclusive war film.” Sa gayong particular na sitwasyon, malinaw na sa paggawa pa lang ng pelikula, mayroon nang panlilinlang. At higit sa lahat, sa manonood, ang impresyon ay ang mga Amerikano na naman ang bayani, ang may kakayahan na iligtas ang mga Pilipino mula sa mga Kastila. Ito ang karaniwang tema ng mga pelikulang nililikha ng mga Amerikano: nagpapakita ng isang pagtatangi o ‘admiration’ sa kanilang mga nagawa para sa/o sa loob ng Pilipinas. Sa kabilang banda, may ilang pelikula naman na makakakitaan ng ahitasyon. Ang pelikulang Minsa’y Isang Gamu-Gamo ay isang epektibong repleksyon ng nakaraan para sa kasalukuyan. Tandang-tanda ang linya mula sa pelikula, “My brother is not a pig! Ang kapatid ko ay tao!” Napag-isipan mo ba kahit minsan kung bakit n’ya nasabi ‘yun? Iyon ang tanging nasambit ni Corazon (karakter na ginamoanan ni Nora Aunor) nang makita niyang duguan ang kanyang kapatid. Ang lahat ng kanilang pangarap na pumunta sa Amerika ay biglang nawala. Dahil ang kumitil sa buhay ng kanyang kapatid ay isang sundalong Kano. Depensa ng Kano, napagkamalan daw na isang baboy-ramo ang kapatid ni Corazon. Eksakto sa kasalukuyan. Inakalang isang baboy rin ang kamakailan lang na ginahasang babae sa Subic ng ilang marine soldiers. Kakatwa, ang pelikula ay realidad na nga ba? Ang realidad ay pelikula na nga ba? Ang mga pelikulang Rambo First Blood (Sylvester Stallone, 1982), Saving Private Ryan (Tom Hanks, 1993), Heaven and Earth (Tommy Lee Jone, 1996), Independence Day (Will Smith, 1996), Black Hawk Down (Josh Hartnett, 2001), We Were Soldiers (Mel Gibson, 2002), Windtalkers (Nicolas Cage, 2002) at maging ang gawa ng Pilipino na Operation Balikatan (Eddie Garcia, 2002) ay ang ilang maiigting na manipestasyon na kulob pa rin tayo sa imahe ng Amerika bilang magiting na tagapagligtas ng mga Pilipino, ng mga Asyano at ng sanlibutan. Hindi pa naman sumasabog ang Hollywood studios kung kaya’t tuloy pa rin ang ligaya (nila). Masaklap. Ang akala mong isang inosenteng kumpas ng magic wand, pagaspas ng mapuputing pakpak, isang kasa ng baril ay lahat bahagi ng pagkabulag. Pagkamanhid nina Juan at Juana. Mayroon kang magagawa. Pumikit habang nakadilat. # Sanggunian: - Ang ilang bahagi ay mula sa aking tisis, Ang Pagkamanhid nina Juan at Juana Dela Cruz sa Pinilakang Tabing ni Joe: Isang Pagsipat sa mga Pelikulang Pang-giyera bilang Aparatong Ideolohikal na Nagpapatibay sa Gahum ng Amerika, Marso 2004 - The “Philopene” Through Gringo Eyes: The Colonization of the Phils. In the Early American Cinema and other Entertainment forms 1898-1904, Clodualdo Del Mundo. |
||
Previous | Next |