|
NORDIS
WEEKLY November 13, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Alyansa ng magsasaka ng Abra itinatag |
||
BAGUIO CITY (Nov. 12) — Matagumpay na itinatag ang Tignayan dagiti Umili a Mannalon ti Abra: Depensaan Rekursosna (Tumakder), ang pamprobinsyang alyansa ng mga magsasaka sa Abra sa pamamagitan ng isang isang kongreso na ginanap noong Oktubre 22 hanggang 23. Ang nasabing kongreso ay dinaluhan ng mahigit 100 delegado mula sa mga bayan ng Tayum, Bangued, San Quintin, Bucay, Licuan, Lacub, Malibcong, Sallapadan at Tubo. Uminog ang dalawang araw na konggreso sa temang “Labanan ang lahat na pagsamantala sa mga magsasaka, depensahan ang likas-yaman. Patalsikin na si Gloria.” Tinalakay ng mga kinatawan ng Alyansa dagiti Pesante iti Taeng Kordilyera (Apit Tako), ang panrehiyong alyansa ng mga magsasaka ang kasalukuyang papatinding kahirapan ng mga magsasaka sa buong bansa at sa Kordilyera, sa ilalim ng pamumuno ni Gloria Macapagal-Arroyo (GMA). Nagdaos din ng workshop, kung saan nabuo ang itsura ng partikular na kalagayan ng mga pesante sa kabundukan at kapatagan ng Abra. Naging matingkad sa workshop ang pare-parehong kalagayan ng mga magsasaka ng probinsya na atrasado ang produksyon; mababa ang pasahod sa mga manggagawang-bukid; mataas ang renta sa mga kagamitan at interes sa pautang; mababang pagpepresyo sa mga produktong agrikultural; mataas na pagpepresyo sa mga agricultural inputs at kulang ang serbisyong pang-agrikultura ng pamahalaan. Maliban dito may banta ng malalaking kumpanya ng minahan na nagtatangkang agawin ang lupa ng mga magsasaka at mayroon pa ring suliranin sa “warlordismo”. Bunga ng pagtalakay ng mga isyung kinakaharap ng mga magsasaka sa Abra, nabuo at pinasinayaan ang oryentasyon at tunguhin ng bagong tatag na alyansa. Sa ikalawang bahagi ng konggreso, tinalakay ang konstitusyon at programa ng alyansa at naghalal ng mga kinatawan ng bawat munisipyo sa probinsyal na konseho. Naisagawa ang panunumpa sa tungkulin sa pamamagitan ni Julian Gayomba, Chair ng Apit Tako. Nailahad rin ang kasaysayan at oryentasyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) bilang nasyonal na pederasyon, at ng Apit tako bilang rehiyonal na pederasyon na nagtatahi sa mga isyung kinakaharap ng mga magsasaka sa buong Kordilyera. Pormal na nagpahayag ang buong kapulungan ng konggreso na ang Tumakder ay magiging probinsyal na balangay ng Apit Tako at KMP. # |
||
Previous | Next |