NORDIS WEEKLY
November 13, 2005

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Realidaya* (Realidad na dinaya)

Ika-9 ng Nobyembre

Gabi. Nagbaba ng utos si City Director Isagani Neres ng Baguio City Police ukol sa maaaring mangyari kinabukasan. Binigyan niya ng babalang ‘red alert’ ang kapulisan ng Lungsod ng Baguio upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa pagdating ni PGMA. Ang kanyang pagdating ay sa pagpapaunlak bilang pangunahing tagapagsalita sa 31st Top Level Management Conference (simula ika-9 hanggang ika-12 ng Nobyembre) ng Kapisanan ng mga Brodkaster (KBP) sa Camp John Hay Manor.

Ika-10 ng Nobyembre 2005

Alas-otso ng umaga. Ang tagpuan – Pook-pasyalan ng Burnham. May mga nakapulang tao. May mga nakabughaw na uniporme. Tila pare-pareho silang may hinihintay.

Alas-diyes ng umaga. Ang tagpuan – Convention Center ng Camp John Hay (CJH), Lungsod ng Baguio. Mga mamamahayag, mga brodkaster. Inaantay magsalita si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo (PGMA).

Ang Pagtitipon

Bandang alas-otso ng umaga nang magsimulang magtipon ang humigit kumulang na 70 katao mula sa mga progresibong organisasyon ng Baguio sa picnic area ng Burnham Park. Nagtipon ang kanilang mga bandila, mga streamer, banner at placard - lahat ng iyon ay upang ipakita kay PGMA ang kanilang mga hinaing, ang mga isyung nais nilang mabigyan ng pangulo ng karampatang pansin.

Inumpisahan nilang mag-usap sa kung papaano ang kanilang larga. May apat na dyipning magdadala sa kanila sa bukana ng Scout Barrio, sa pagnanais na makita sila ni PGMA bago o matapos itong magbigay ng kanyang talumpati sa loob ng CJH.

Pasakay pa lamang sa kani-kanilang dyipni, hinarang na sila ng ilang kapulisan. Ayaw payagang makaalis ang kanilang mga sasakyan. Pinipigilan sila umanong manggulo, lumapit kay GMA.

Negosasyon. Maayos kausap ang mga nakaharang na pulis. Minabuti ng mga raliyista na maglakad na lamang. Dala-dala ang kanilang mga kagamitan, nagsimula silang bumuo ng hanay ng tigdadalawang tao.

Tila isang parada. Pinapaligiran ng mga pulis ang hanay ng mga militante. Sabay-sabay silang naglalakad mula Burnham Park, patungo sa harap ng University of the Cordilleras. Patuloy ang kanilang paglalakad, ngunit pilit silang pinipigilang makausad ng mga pulis.

Dumaan ang isang car mobile. Di maiwasang mapansin ang nakasulat sa kanilang kotse, “To Serve and Protect”. Sabi ng isang raliyista, “Sino ba ang pinoprotektahan nila?”

Simula ng sigwa

Ang payapang simula ng pag-uusap sa pagitan ng mga militante at ng kapulisan ay tila unti-unting nagiging mainit.

Pagdating ng mga militante sa tapat ng Sunshine Park, isang trak lulan ang mahigit kumulang dalawampung pulis at sampung pulis na may hawak na truncheon ang humarap sa kanila. Ayaw na silang pausarin pa sa kanilang paglalakad. Minabuti ng kanilang central commander Chie Galvez na makipag-usap muna sa mga pulis bago pa may mangyaring hindi ayon sa kagustuhan ng magkabilang partido.

Ahitasyon. Makatlong beses nakiusap si Galvez kung maaring paraanin ang kanilang hanay. Ngunit ni isa sa mga pulis ay walang sumasagot o nagsasalita sa panawagan ng mga militante.

Minsan pa muling nagtanong ang mga militante kung maari nilang ituloy ang kanilang pagmamartsa. Isang pulis ang nagsalita at sinabing sa Sunshine Park na lang sila magsagawa ng kanilang programa. Pinakiusapan nilang umikot na lamang sa itaas ng Session Road, ngunit hindi pa rin pumayag ang kapulisan.

Minabuti ng mga raliyista na dumaan na lang sa Governor Pack Road at tahakin ang Session Road. Nagsimula na ang ilan na tumakbo dahil sa takot sa mga nakaambang truncheon ng mga pulis.

Tensyon. Unti-unting lumalala ang kiskisan sa pagitan ng magkabilang panig. “Tuloy ang laban,” sigaw ng mga militante.

May nakasunod sa kanilang isang pulis na naka-motorsiklo. Pagdating nila sa Kilometer 0, baba ng Session Road, nakapalibot na roon ang kapulisan. Nagroronda ang isang trak ng mga pulis. Umiikot-ikot ang kanilang car mobile at ang kanilang motorsiklo. Nakaposte sa iba’t-ibang lugar ang mga pulis, kasama ang mga interns ng criminology.

Ito ang unang pagkakataon na ganoon karami ang kapulisan na nakapaligid sa isang mobilisasyon ng mga progresibong organisasyon dito sa Baguio. Iyon kaya ang una’t huli?

Pansamantalang Pananahimik ng sigwa

Halos magkakatabi ang magkabilang pwersa. Isang raliyista sa tabi ng isang pulis. Maaaring kakatwang tignan ngunit mas kakatwa ang esensya ng pangyayari para sa mga militante.

“The police see the legitimacy of what we are doing. Parang test ito sa kanila. Naiintindihan naman natin ang gawain nila at makikita din namang sympathetic sila. Pero out of duty, gagawin nila ang kagustuhan ni GMA.” ani Jeannette Ribaya ng COURAGE- Baguio (Confederation for Unity Recognition and Advancement of Government Employees).

Sa tingin ng mga raliyista, isa itong hakbang upang magkaroon ng alitan sa pagitan ng mamamayan laban sa kapwa nito mamamayan na parehong niloloko ng pamahalaan. Ito diumano ang tunggalian na nalilikha dahil kay GMA.

Kumpara sa mobilisasyon sa Maynila, makikita na relatibong iba ang treatment ng kapulisan sa mga raliyista dito sa Baguio. Maging ang ilang interns mula sa University of the Cordilleras ay hindi sang-ayon sa ginagawa ng kapulisan sa Maynila.

“We have our own ways on freedom of expression. May rights sila, bakit iproprohibit silang magrally?,” anila.

Ayon naman kay Chief inspector Wilfredo Palaci Cayat ng Station 7 BCPO, kailangan ang maximum tolerance. “Dapat nariyan ang highest degree ng humanitarian considerations. Respeto sa karapatan ng bawat isa. Wala nang dahas. Kaya compared sa baba, peaceful talaga dito. Kaya lang kanina di na talaga [sila] pinayagan makapunta sa John Hay. Kaya yun, may konting takbuhan.”

Para sa mga militante, tila unang patikim ito ng CPR (calibrated preemptive response) dito sa Baguio.

Nagsagawa ang mga raliyista ng isang programa. Nagpahayag ang mga organisasyong dumalo. Naroon ang iba’t-ibang organisasyon ng kabataan- Tanghalang Bayan ng Kabataan sa Baguio (TABAK-Baguio), Student Christian Movement of the Philippines, Anakbayan, League of Filipino Students, Alliance of Concerned Students, Youth Demanding for Arroyo’s Removal (DARE). Ang ORNUS, CPA-TTU, Gays and Lesbians for the Immediate Tsugi of Gloria (GALIT-Gloria), Dinteg at Innabuyog-Gabriela.

Si Galvez ang nagsalita bago matapos ang programa, “Hindi ka na pwedeng magrally dahil mayroong CPR. Hindi ka pwedeng tumestigo dahil may EO 464. Hindi ka pwedeng sumali sa mga progresibong organisasyon dahil sa pambansa at sistematikong pamamaslang.” Makikita sa kanyang mga kasama na tuloy ang kanilang pakikipaglaban at patuloy pa rin silang maninindigan.

Ani Ribaya dahil sa panghaharang ng mga pulis sa kanila, hinahadlangan ni Arroyo ang katotohanan upang protektahan ang kanyang sarili. Hindi naririnig ang katotohanan.

Realidaya. Realidaya. Realidad na dinaya. Realidad ngang dinadaya. # Pink-Jean F. Melegrito para sa NORDIS

* pasintabi at salamat sa kanta ni Nico Gabay


Home | Back to top

Previous | Next