|
NORDIS
WEEKLY November 6, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Welgista sa Luisita, sinimulang bungkalin ang asyenda |
||
HACIENDA LUISITA, Tarlac City ( Nov. 4 ) — “Lupain ng Hacienda Luisita, bungkalin!” Ito ang matagal ng ipinaglalaban ng mga mamamayan ng Hacienda Luisita sa Tarlac. Isang taon na ang nakakaraan nang magsimula ang welga ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita Incorporated (Luisita) at manggagawa ng Central Azucarera de Tarlac (CAT). Mag-iisang taon na rin sa ika-16 ng Nobyembre ang ginawang pagpaslang sa mga manggagawang ang tanging hiling ay makatarungan at makabubuhay na sahod at benepisyo, at ang pamamahagi ng lupaing matagal nang ipinagkait sa kanila. Inumpisahang bungkalin at tamnan ng mga manggagawang bukid ang ilang maliliit na bahagi ng lupa noong unang linggo ng Hulyo, taong kasalukuyan. “Inumpisahan naming magbungkal noong Hulyo. Bente (20) katao kaming nagtulong-tulong sa pagbubungkal, at dahil sa abala rin ang mga tao sa welga, anim na lang ang natira para ipagpautuloy ang pagtatanim,” pahayag ni Lek Baniqued, isang manggagawang bukid. Aminado si Lek na hindi pa ganu’n kalaki ang kita nila sa pagtatanim ng mani at iba pang gulay. Subali’t malaking tulong na rin iyon para may pangsustena sa welga at pangsuporta sa pamilya habang hindi pa nareresolba ang problema sa pagitan ng management at ng unyon. Ayon naman kay Ronald Santos, isa ring manggagawang bukid, sa kada 900 square meters na sukat ng lupa, namumuhunan sila ng P1,000 para makapagtanim ng mani. “Sa katunayan, kumita na kami ng walong daang piso sa mga unang ani naming,” pagsisiwalat ni Ronald. Sa humigit-kumulang na 300 square meters ng kabuuang 900 square meters na taniman ng mani, halos bawi na ang puhunan ng mga manggagawang bukid. Ito ang nagbibigay ng inspirasyon at lakas ng loob sa mga manggagawang bukid para ituloy ang laban hanggang tuluyang mapasakanila ang mahigit 6,000 ektaryang lupain ng Luisita. “Noon isang araw lang ang trabaho at sumasahod lang kami ng P9.50 sa loob ng isang linggo dahil sa mga kaltas gaya ng utang sa ospital at iba pa. Ngayon kahit papaano nakakapagtrabaho kami ng pitong araw sa isang linggo,” dagdag niya. “Tunay na repormang agraryo ang tanging sagot sa kasalukuyang krisis ng mga magsasaka hindi lamang sa Hacienda Luisita kundi sa buong bansa. Habang hindi pa nadedesisyunan ng Presidential Agrarian Reform Council ang usapin kaugnay ng Stock Distribution Option at pamamahagi ng lupa, patuloy kaming magbubungkal at magtatanim. Sayang naman at nakatiwangwang lang,” ito naman ang naging pahayag ni Francing, isa ring manggagawang bukid. # Joel Capulong para sa NORDIS |
||
Previous | Next |