|
NORDIS
WEEKLY October 30, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Demolisyon itigil! — Baguio vendors |
||
BAGUIO CITY (Oct.17) — Nagtipon-tipon kamakailan lang ang grupo ng SAMAKANA (Samahan ng Maralitang Kababaihang Nagkakaisa), sa tanggapan ng ORNUS (Organisasyon dagiti Nakurapay nga Umili iti Syudad) para pag-usapan ang isyung demolisyon at kung ano ang kanilang gagawin sa ganitong sitwasyon. Isa sa mga tinalakay ay ang sistema ng tulungan kung may demolisyon at pagpapalakas at pagpapalawak ng organisasyon. Ayon sa pahayag ni Margarita Killip, secretary-general ng SAMAKANA, ang isang organisasyon ay nabubuo upang tumulong sa mga miyembro sa anumang problema na hinaharap nila at hindi nito pinagkakaperahan ang mga maralita. Ang SAMAKANA ay may 150 miyembro kasama na rito ang mga “street sweepers”, magbobote at maghahabi. Mahigit kalahati o walumpo sa kanila ay mga street vendors na laging nakakaranas ng habulan sa mga grupo ng demolisyon. Sa pagtindi ng krisis pang-ekonomya, maraming residente sa lungsod at mga karatig probinsya ang dumadayo rito upang maghanap ng trabaho gaya ng paglalako sa mga lansangan, dagdag ni Killip. Ayon pa kay Killip, mula pa sa panahon ni dating Mayor Mauricio Domogan hanggang kay Mayor Braulio Yaranon ay tumatakbo ang mga tindera mula sa mga Pulis at mga demolition team. Ayon sa mga vendor, pagud na pagod na sila at galit sa ating gobyerno dahil sa tagal ng panahon na wala pa ring pinagbago ang sitwasyon. Mas binibigyang proteksyon pa ang mga malalaking negosyo kaysa ang mga totoong nangangailangan. Ang totoo, aniya, maraming vendor ang gustong kumuha ng permit sa City Hall kahit umutang pa sila para lang hindi na sila hinahabol araw-araw at makapagbenta na rin nang maayos. Pero sa maraming karanasan, iilan lang ang nabibigyan ng permit sa dahilang bawal daw ang pagtitinda sa mga side walk. Ang totoo, kung may kakilala ka sa City Hall ay makakakuha ka ng business permit. Ito ang isang halimbawa ng pagpapakita ng di pantay na trato sa mga naglalako, sabi pa ni Kilip Ayon naman kay Linda Ottao, 53 years old, vendor at residente ng Pinget, ang patuloy na demolisyon ay pag-alis sa karapatan nilang mabuhay. “Ang mga dayuhan ang dapat paalisin, hindi kami na taga-rito na maliliit na tao na naghahanap-buhay nang maranga,” dagdag pa niya. “Hindi talaga kami makabenta nang maayos dahil sa ginagawang demolisyon kaya kaunti lang ang aming tinutubo araw-araw at kulang pa para sa gastusin ng pamilya. Saan min nga ammo ti aramiden mi iti kastoy a kasasaad, kanayon a kamkamaten dagiti pulis ken demolisyon a kasla kriminal, tao kami met ken karbengan mi met nga agbiag a disente uray kas-kasano,” (Hindi na namin alam ang aming gagawin sa sitwasyong ganito na palagi kaming itinataboy at hinahabol na parang kriminal, tao rin kami na may karapatang mabuhay nang disente kahit papaano,) dagdag ni Ottao. Ayon pa kay Ottao, alas-onse ng umaga hanggang ala-una ng hapon at alas-tres ng hapon hanggang alas-sais ng gabi ang ginagawang pagdedemolish sa mga palengke, pero ito’y hindi nasusunod kung minsan kaya lagi pa rin silang alerto sa lahat ng oras. Kung dati ay P200 ang kailangang pantubos, ngayon ay umaabot na sa P1,000 kaunti man o marami ang nakukuha ng mga nagdemolish. Samantala,binatikos naman ng SAMAKANA ang resolusyon ni Councilor Perlita Rondez na nagbabawal sa mga tao na bumili sa mga street vendor at may multa pang P500 sa sinumang di tumupad nito. Ito ang resulta ng pagrereklamo ng mga malalaking establisyemento na nalulugi raw sila dahil sa pagdami ng mga vendor na mas-mura ang tinda at wala pang upa sa puwesto. Nanawagan naman sina Killip at Ottao na itigil ang pagdedemolish sa mga vendor dahil hindi rin mapipigil ng gobyerno ang pagdami nila hangga’t walang kongretong solusyon sa nagaganap na krisis sa bansa. “Ti kitaenda koma ket no kasano a maibirukan dagitoy a tattao iti puwestoda wenno pagtrabahoan tapno maawan dagiti aglaklako kadagiti kalsada, ken karbenganda met nga maikkan iti trabaho ken dadduma pay a serbisyo ta obligasyon garud dayta ti gobyerno,” (Ang tingnan sana ng gobyerno ay kung paano ihanapan ng puwesto ang mga street vendor o kaya’y mabigyan sila ng trabaho para wala nang magbenta sa mga lansangan. Karapatan din naman nilang mabigyan ng trabaho at iba pang serbisyo dahil obligasyon nga ito ng gobyerno) hiling ni Killip. # Isagani Libongen para sa NORDIS |
||
Previous | Next |