NORDIS WEEKLY
October 30, 2005

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Cagayanos tutol sa mining, cassava projects

TUGUEGARAO, Cagayan (Okt. 21) — Tinuligsa ng mga magsasaka ang sapilitang pagpapatupad ng anti-mamamayan at mapangamkam ng lupa na coal mining project, cassava plantation project at iba pang dambuhalang minahan tulad ng Arimco-Australasian Philippines sa isang rehiyonal na koordinadong pagkilos na inilunsad ng mga magsasaka at iba pang sektor dito sa lungsod at sa Ilagan, Isabela noong Oktubre 19.

Nanawagan sila na patalsikin at panagutin ang administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) sa mga krimen nito sa mga magsasaka at mamamayan; itayo ang Transition Council; at isulong ang agenda ng mga magbubukid.

Binatikos din ng mga ralyista ang pagbubukas ni GMA sa kabang yamang mineral at lakas paggawa ng rehiyon sa pandarambong at pamiminsala ng mga dayuhang korporasyon sa pagmimina. Iginiit ng Danggayan-CV na hindi ang naturang mga proyekto ang makakalutas sa matinding krisis sa kabuhayan na kinakaharap ng mga magsasaka at krisis sa agrikultura sa Lambak Cagayan bagkus ay magreresulta ang mga ito sa malawakang pang-aagaw ng lupa, pinsala sa kapaligiran at kalusugan ng mamamayan ng rehiyon.

Mahigit 300 ang nagrali sa Tuguegarao sa harap ng Hotel Delfino, sa pamumuno ng Kagimungan habang may 150 katao na nagdaos ng martsa-rally sa Bonifacio Park, Ilagan, Isabela na pinangunahan naman ng Dagami at Danggayan Dagiti Mannalon ti Cagayan Valley. Ang naturang mga pagkilos ay nilahukan din ng mga kabataan, kababaihan, taong simbahan, mala-manggagawa at katutubo mula sa Bagong Alyansang Makabayan, Anakbayan, League of Filipino Students, Gabriela, Amihan, Kadamay, Taripnong, Lakbay-CV, Clergy and Laity Formation Program, UCCP, Bayan Muna, Karapatan - Cagayan Valley at ang Gloria Step Down Movement - Cagayan Valley.

Ang mga magsasaka ay nagmula pa sa mga bayan ng Baggao, Amulung, Gonzaga sa Cagayan at sa San Mariano, Ilagan, Benito Soliven, Naguilian, Cauayan, Cordon, San Mateo, Echague, Angadanan, Jones, Roxas sa Isabela, Solano sa Nueva Vizcaya, at iba pa.

Matapos ang koordinadong pagkilos ay nagsalubong sa Eveland College sa San Mateo, Isabela ang delegasyon mula sa tatlong probinsya ng Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya kung saan nagkaroon ng film-viewing ng mga progresibong bidyo at prayer-fellowship na pinangunahan ni Rev. Arnold Pascasio ng UMC. Ika-10 ng gabi nang simulan na ang CARAVAN patungong Maynila. Ang delegasyon ng Cagayan Valley ay binuo ng dalawang bus, isang jeep at isang van. Nakadugtong ito sa delegasyon ng Aurora at Nueva Ecija sa Cabanatuan sa umaga ng Okt. 20.

Naglunsad ng maikling programa sa Cabanatuan City ang delegasyon ng CV, Aurora Province at Nueva Ecija. Nagsimula na ang matinding harassment mula sa mga pwersa ng PNP at ng militar sa ilalim ng pamumuno ni Maj. Gen. Jovito Palparan ng 7th ID-PA. Mula sa Cabanatuan City ay patuloy na binuntutan na ang caravan ng mga mobile ng PNP at pagdating sa Jaen, Nueva Ecija ay hinarang na ito. Nakalusot ang mga magsasaka at iba pang rallyista na umabot na sa 500 katao sa unang checkpoint. Subalit pagdating sa tulay ng San Isidro, N.E. sa ruta papuntang Pampanga ay muling hinarang ito ng PNP at dalawang tanke mula sa 7th ID Phil. Army. Pinagitnaan ang caravan ng 2 tanke, habang hinalughog ang mga sasakyan at pilit kinukuha ang lisensya ng mga driver at mga rehistro ng mga sasakyan. Matapos ang mainit na negosasyon sa munisipyo ng San Isidro ay nakalusot muli ang caravan sa ikalawang checkpoint. Muli na naman itong hinarang ng PNP sa Cabiao, Nueva Ecija at muli sa Arayat, Pampanga kung saan halos apat na oras na nakipagnegosasyon ang mga lider-magsasaka bago nakalusot.

Pagdating sa bayan ng Mexico sa Pampanga ay hinarang na naman, gayundin sa Sta. Ana, Pampanga kung saan malapit na sanang makadugtong ang bulto sa main contingent ng Gitnang Luson na naglulunsad na ng programa sa San Fernando, Pampanga. Gabi na nang malusutan nila ang panghaharang sa Sta. Ana at makarating sa San Fernando, Pampanga kung saan mas malaking pwersa ng PNP ang nakabantay. Hatinggabi na nang makalabas sila sa Pampanga. Pagpasok sa North Luzon Expressway, mga mobile ng PNP ang muling bumuntot sa kanila hanggang sa in-overtake na ang caravan at pinigilang muli ang mga rallyista ng tatlong rehiyon (CV, Central Luzon at Ilocos) na makapasok sa Metro Manila. Nang nalampasan nila ito, alas dos na ng madaling araw. Tinangka pa silang pigilan ulit ng mga pulis ng Quezon City pagdaan sa opisina ng NHA sa Elliptical road kaya bumaba na ang delegasyon at minartsa na lamang ang daan patungong DAR kung saan mainit silang sinalubong ng mga nauna nang hanay mula sa Southern Luzon at National Capital Region.

Ayon kay Reginald Ugaddan nang tanungin ukol sa mga panghaharang, “Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang layunin lamang ng mga pulis na ito ni Gloria, gayundin ng mga sundalo ni Jovito Palparan ay i-delay ang pagdating ng mga delegasyon mula sa Gitna at Hilagang Luzon patungo sa naghihintay na mga kasamahan nating nauna na sa Maynila. Mayroon kaming kaukulang permit at kumpletong papeles ng mga sasakyan. Purong harassment at pananakot lang ang kaya nilang gawin, subalit hindi sila nagtagumpay.”

Aniya pa, damang-dama ng delegasyon ang suporta ng mga mamamayan ng Cagayan Valley noong naghahanda pa lamang para sa mobilisasyon. May mga pulitiko, kawani ng gubyeno, pari ng simbahang Katoliko at iba pang taong simbahan ang nagbigay ng tulong materyal at pinansya. Maging habang inilulunsad ang programa sa Tuguegarao City at Ilagan hanggang sa pagdaan ng caravan sa ruta patungong Maynila ay mainit ang pagtanggap ng mamamayan. Marami ang nag-abot ng donasyon, pagkain at tubig.

Umaga ng Oktubre 21, matapos ang maikling programa sa DAR ay tumungo na sa Welcome Rotonda kung saan naghihintay ang dalawang malalaking pulutong ng mga PNP at RMG na naglalayong humarang sa anumang tangkang pagmartsa ng mga magsasaka patungong Mendiola. Dumiretso pa rin ang mga sasakayan patungong Espana at doon na nagsimula ang paglalakad ng lahat ng mga lumahok sa caravan.

Hinarang muli ang martsa sa kanto ng Morayta at Recto. Sa layuning makatuntong ng Mendiola, nagkaroon ng tulakan at maraming mga rallyista na bahagi ng composite force ang pinagpapalo ng truncheon at mga shield ng mga pulis. Napapunta sa harapan ang delegasyon ng Cagayan Valley matapos ang naganap na karahasan. Makaraan ang negosasyon, inilunsad ang pangkalahatang programa hanggang alas-kwatro ng hapon. Ramdam ang ahitasyon ng lahat ng kalahok sa naturang pagkilos ng mamamayan at magbubukid. Sa gitna ng matinding karahasan ng estado ay lalong nag-aalimpuyo ang kagustuhan ng taumbayan na sama-samang kumilos para patalsikin ang tuta ng imperyalistang si GMA at lumaban para sa makabuluhang pagbabago. Walang pagod, init, gutom, uhaw at puyat ang makapagpapatamlay sa diwang palaban ng naghihikahos na mamamayan.

Matapos ang programa sa C.M. Recto ay nagpahinga saglit at naghapunan ang delegasyon ng Cagayan Valley sa tanggapan ng UCCP sa EDSA bago bumyahe na muli pabalik ng probinsya. # via NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next