CORDILLERA
NEWSBRIEFS |
NORDIS
WEEKLY October 9, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Pulis Kordilyera may 22 kaso BAGUIO CITY (Okt. 5) — Nakapagtala ang National Police Commission (NaPolCom) ng dalawampu’t dalawang (22) kasong kinasangkutan ng mga pulis sa rehiyon ng Kordilyera simula noong Enero hanggang Agosto ngayong taon. Ito ay mas mababa sa naitalang 11 kaso sa buong taong 2004. Batay sa naturang talaan ng mga kaso, ang mga ito ay sa anyo ng arbitrary detention, physical injuries, rape, grave threats at negligence of duty. “Dalawampu’t isa (21) sa mga kasong naitala ay personal na idinulog ng mga nagrereklamo. Ang isa ay agarang inireklamo sa tanggapan ng Ombudsman para sa kaukulang aksyon,” ani Romeo Pascua ng NaPolCom-CAR. # Jhong Munar/DZEQ * * * * * Senior citizens humiling mailuklok BAGUIO CITY (Okt.5) — Patuloy ang pagdulog ng Federation of Baguio Senior Citizens Association (F-BASECA) sa tanggapan ni Congressman Mauricio Domogan para sa pagsasabatas ng panukalang magluklok sa kanilang presidente bilang miyembro sa Sangguniang Barangay. Ayon sa panukala ng F-BASECA, kung ang pangulo ng Sanngguniang Kabataan sa barangay ay itinuturing na ganap na miyembro ng Sangguniang Barangay, nararapat din lang na maging miyembro rito ang pangulo ng asosasyon ng senior citizens. Inihayag ni Dr. Nini Rusgal, Pangulo ng F-BASECA na marami rin namang maibabahaging serbisyo at karunungan ang mga senior citizens sa pangangasiwa sa Sangguniang Barangay. # Rowena Caccam/DZEQ * * * * * Panagbenga sa BFFA pa rin BAGUIO CITY (Okt. 5) — Idinepensa ni Mayor Braulio Yaranon ang kanyang naunang desisyon na muling pangasiwaan ng Baguio Flower Festival Association (BFFA) ang nakatakdang pagdaraos ng Panagbenga 2006. Ang BFFA pa rin ang hahawak ng naturang aktibidad sa kabila ng kawalan ng financial audit report hanggang sa ngayon. Mahigit tatlong buwan na lamang ang nalalabi bago magsimula ang Panagbenga ngunit wala pa rin ang hinihintay na audit report mula sa mga organisador ng okasyon ng nakaraang taon. Ang nakaraang Panagbenga ay sa pamumuno ni Nelia Cid. Ayon naman sa panig ng organizing committee, naaantala ang audit report dahil sa kawalan ng kooperasyon ng mga namuno ng iba’t-ibang komite na i-liquidate ang kanilang mga nagastang pondo. Sa kabila ng gayong sitwasyon, pinili pa rin ni Yaranon na ang BFFA ang humawak ng nalalapit na okasyon dahil hindi na kailangan pang maglabas ng pondo ng gobyerno di tulad sa mga nakaraang taon. # Robert Tabay/DZEQ * * * * * Mag-ingat sa fixers — NAPOLCOM BAGUIO CITY (Okt. 5) — Nagbabala ang National Police Commission Cordillera (NaPolCom CAR) sa mga nagnanais na kumuha ng eksaminasyon sa naturang kagawaran na mag-ingat sa mga fixer na nangangakong mas madali silang makakapasa sa pagsusulit. Kinilala ang suspek na si Edwin Jusafat, nagpapanggap bilang isang police major at dating miyembro ng NaPolCom CAR. Mula P5,000 hanggang P10,000 ang sinisingil ni Jusafat sa mga aplikante. At mas mataas pang halaga para sa mga pulis na may mataas na ranggo. Tatlong aplikante sa pagiging pulis ang kaniyang nabiktima. Isang warrant of arrest ang ipinalabs ni Judge Maria Tabin laban sa suspek alinsunod sa tatlong kaso ng falsification na inihain ng NaPolCom at ng mga naging biktima nito. # Jhong Munar/DZEQ |
||
Previous | Next |