NORDIS WEEKLY
October 9, 2005

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Minahan sa Cagayan, kinondena

SANCHEZ MIRA, Cagayan (October 07, 2005) — Kinondena ng mga residente dito ang pagmimina ng manganese ng United Phils. and China Mining Corporation (United Phils.) dahil sa pinsalang maari nitong idulot sa kalikasan at sa mga mamamayan sa baybayin.

Isang kilos-protesta ang isinagawa noong ika-5 ng Oktubre, sa harap mismo ng munisipyo ng lokal na pamahalaan ng Sanchez Mira, na dinaluhan ng mahigit 500 tao mula sa mga lugar na maapektuhan ng nasabing pagmimina mula sa Pamplona, Sanchez Mira at Claveria, Cagayan.

Sa pangunguna ni Atty. Rolando Ruiz at iba pang anti-mining na mamamayan, kinondena ang maniobra ng lokal na pamahalaan ng Sanchez Mira tulad nang pag-apruba sa naturang proyekto ng pagmimina.

Nangangamba ang mga residente na masira ang coastal area, ang mga palaisdaan sa baybayin at bunganga ng Ilog Sanchez maging ang dagat mismo na pinagkukunan ng mamamayan ng kanilang ikinabubuhay, dahil sa operasyon ng minahan.

Ayon kay Balgamel Domingo ng United Phils. mayroon silang Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Nagtataka naman ang mga residente kung paano nakakuha ang United Phils ng ECC mula sa DENR gayong walang nangyaring konsultasyon hinggil sa nasabing proyekto.

Naninindigan ang mga mamamayan na haharangin nila ang operasyon ng pagmimina sa kanilang lugar.

Kaugnay nito, nakapaglunsad ng isa pang kilos-protesta na dinaluhan ng mahigit sanlibong katao noong Setyembre. # Aldrine Baggayan/Radyo Cagayano


Home | Back to top

Previous | Next