BAGUIO
CITY NEWSBRIEFS
|
NORDIS
WEEKLY September 25, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Panukala ng Ifugao SP sinuportahan ng Benguet BAGUIO CITY (Sept. 20) — Sinuportahan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Benguet ang panukalang resolusyon ng SP ng Ifugao na humiling sa National Power Corporation (NPC) na babaan ang singil sa kuryente sa rehiyon dahil ito ang host ng apat na electric hydro-plant. Ayon sa SP, dapat lamang sa bigyan ng kompensasyon ang rehiyon dahil sa patuloy nitong pagpreserba sa mga watershed na siyang pangunahing component sa operasyon ng mga planta. Ang hinihiling na pagbabawas sa presyo ng kuryente sa rehiyon ay maliban pa sa ipinagkaloob na insentibo sa host communities sa pamamagitan ng national wealth tax. Matatandaang isa pang resolusyon ang ipinasa ng SP kamakailan na humihiling kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na isalin sa local na pamahalaan ng Benguet ang operasyon ng Ambuklao at Binga dam dahil sa kabiguan ng NPC na tugunan ang obligasyon nito sa lalawigan. # Joseph Cabanas/DzEQ * * * Re-organisasyon di nakatulong BAGUIO CITY (Sept. 21) — Walang positibong epekto ang naganap na re-organisasyon sa iba’t ibang departamento sa city hall, bagkus ito ay nakadagdag sa suliraning kinakaharap ng lungsod. Sa isang panayam, sinabi ni City Human Resource Management Officer Jose Dacawi na marami siyang natanggap na kumento mula sa iba’t ibang sektor na bumabatikos sa re-organisasyon. Karaniwan umanong kumento ang hindi maayos na polisiya sa koleksyon ng basura, kalunus-lunos na estado ng mga parke at kawalang ayos ng architechtural design ng lungsod. Ayon kay Dacawi ang kawalan ng sistema sa mga nabanggit na sektor ay resulta ng pinag-isa ang mga departamento kung saan kulang ang kakayanan ng mga ito na harapin ang nasabing mga suliranin. Aniya, bagamat wala pang assessment na isinagawa sa naging paggampan ng mga departamentong nare-organisa ay kapansin-pansin ang kawalan ng maayos na plano sa implementasyon ng mga program nito. Di maiwasang kondenahin ni Dacawi ang mga nakaraang lider ng lungsod sa pagpasa ng ordinansa para sa re-organisasyon. # Joseph Cabanas/DzEQ * * * Vehicles for hire di pa rin ligtas sa huli BAGUIO CITY (Sept. 22) — Di pa rin makakaligtas sa posibleng pagkahuli ang ilang operator ng “vehicles for hire” na bumibyahe mula sa lungsod ng Baguio patungo sa ibang lalawigan kahit inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang legalisasyon ng kanilang operasyon. Ito ang binigyang-diin ni Atty. Brenda Poclay, officer-in-charge ng Land Transportation and Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Cordillera. Sinabi niya na karamihan ay madalas mahuli sa kanilang inspeksyon dahil sa “out of line” at ang iba nama’y ginagamit sa regular na pamamasada na katulad ng mga bus at dyip. Nilinaw niya na ang prangkisa ng mga ito ay para sa pagpaparenta ng buong sasakyan at hindi katulad ng bus na mayroon silang regular na ruta. Ayon pa kay Poclay, karamihan sa mga ito ay di dapat nakikita sa Baguio, dahil ang center of operation ay sa ibang lalawigan. Gayunman, maari aniyang maayos ito kung mababago ang kanilang prankisa. Dagdag pa aniya, karamihan pa rin sa mga van ay walang papeles kahit may tatak sa tagiliran ng mga sasakyang ito ang “vehicles for hire”. # Robert Tabay/DzEQ * * * Pagpaslang kay Campol mareresolba—Nerez BAGUIO CITY (Sept. 23) — Nangako si Baguio City Police Director Isagani Nerez na positibo ang magiging resulta ng imbestigasyon ng kapulisan hinggil sa pagpaslang kay Atty. Eugenia Campol ng Public Attorneys Office (PAO). Sinabi ni Nerez sa isang panayam na makakamtan din ng mga kaanak ni Campol ang hustisya. Samantala, hindi rin umano tumitigil ang kapulisan sa imbestigasyon hinggil sa bombing natagpuan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong nakaraang linggo. Ayon kay Nerez posibleng isang propesyunal ang gumawa nito dahil hindi biro ang paggawa ng bomba kung walang sapat na pagsasanay. # Jhong Munar/DzEQ |
||
Previous | Next |