NORDIS WEEKLY
September 18, 2005

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

PISTON nanawagan ng pagpapatalsik kay GMA

Sa araw ng tigil pasada

BAGUIO CITY (Sept. 12) — Nanawagan ng pagpapatalsik kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Metro-Baguio PISTON (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide). Bigo umano ang pangulo sa pag-ampat sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at sa nakaambang pagtaas ng presyo ng iba pang mga gastusin dahil sa napipintong epekto ng expanded value added tax (E-VAT).

Sumali sa pambansang panawagan na tigil-pasada ngayong araw na ito ang PISTON-Metro-Baguio bilang pagsuporta sa mga karaingan ng mga tsuper at maliliit na operator ng pampasaherong sasakyan sa buong bansa.

12 taon sa kalsada

Si Lakay Jose, 59, drayber ng rutang Baguio-La Trinidad, ay 12 taon nang namamasada. Aniya, maliit lang na sakripisyo ang kanyang ambag sa pangkalahatang tigil-pasada. “Baka-sakaling pakinggan ng mga awtoridad ang hinaing naming mga drayber,” ani Lakay Jose. Dating minero ng Benguet Corporation, nakabili si Lakay Jose ng dyipni nang maretrench ito noong 1993. Mula noon, pagiging tsuper na ang pinagkunan niya ng ikabubuhay ng kanyang pamilya.

“Mas tiyak ang kita ng mga empleyado. Kahit papaano, may hinihintay para sa pamilya,” patuloy ni Lakay Jose. Nasa alanganin ang pagiging drayber. Kapag nahuli sa smoke-belching, pati pang-boundary, limas.” Kumikita ng P250-P300 ang mga drayber ng dyipni ngayon, ayon kay Lakay Jose. Ang krudo ay kumakain ng P700 o mahigit 2/3 ng kabuuang kita nila sa 12 hanggang 14 oras na pamamasada ng mga tsuper sa maghapon.

Ang P32.29 na presyo ng krudo sa Baguio sa ngayon ay tataas pa dahil sa napipintong E-VAT. Noong 2000, ito ay P18.00 lang, ayon sa isa pang drayber.

Mahirap ang buhay ng drayber

“Maliban dito, ang presyo ng mga materyales at spare parts ay gaya rin ng ibang pangunahing bilihin na tumataas sa bawat pagtaas ng presyo ng langis,” ayon kay Danny Yapyap, 49, auditor ng La Trinidad Jeepney Operators and Drivers’ Association (LATJODA).

Pinoproblema diumano ng mga drayber at operator ang tila walang monitoring ng presyo ng spare parts. Ayon kay Yapyap, hindi pare-pareho ang presyo ng mga ito sa iba’t-ibang bilihan, di gaya ng presyo ng gasolina at krudo.

Si Yapyap ay drayber mula pa noong 1978. Aniya, “May naiiwan pa noon, kahit papaano para sa pamilya. Ikinumpara niya ang kita noong P18.00 pa ang bawat litro ng krudo at ngayong P32.29 na. Aniya, kahit mura pa ang pamasahe noon, may naiuuwi pa siya sa apat na anak. Ngayon, aniya, kahit tumaas ng P2 ang pamasahe, di na mapagkasya ang kita.

“Domino effect na iyan ng Oil Deregulation Law, at ng iba pang polisiya ng gobyerno gaya ng E-VAT,” ani Carlito Wayas, chairperson ng PISTON-Metro-Baguio. Sinabi niya sa programa sa People’s Park na dahil sa wala nang naiuuwi sa pamilya ang mga tsuper at maliliit na operator ng dyipni, naging kolektor na lang ang mga driver ng buwis para sa gobyerno at ng ganansya para sa mga pandaigdigang kartel ng langis. Dahil dito, nanawagan ang PISTON ng pagpapatalsik kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Tinagurian ni Wayas na anti-drayber at anti-mamamayan ang pangulo ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Associations in Baguio, Benguet and La Union (Fejodabblu) sa Rehiyon na si Perfecto Itliong, Jr. Ayon kay Itliong, di lumahok sa tigil-pasada ang kanyang asosasyon dahil ito ang payo ng kanilang pambansang organisasyon, ang Fejodap.

Bagama’t di sumali sa tigil-pasada ang Fejodabblu, lahat ng 12 asosasyong-driver at operator na kasapi sa PISTON ay sumali sa naturang kilos-protesta. Tumigil sa pagpasada ang mga drayber/operator ng ala-siyete ng umaga. Nag-ipon ang mga ito sa harap ng Baguio City Post Office at nagmartsa paikot sa Session Road at Magsaysay Avenue bandang alas-nuwebe ng umaga at naglunsad ng programa sa People’s Park hanggang alas-dose ng tanghali.

Sumuporta sa tigil-pasada ang iba’t-ibang grupong progresibo na nagpahayag din ng kanilang mga kalagayan sa ilalim ng administrasyong Macapagal-Arroyo. # Lyn V. Ramo para sa NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next