|
NORDIS
WEEKLY September 11, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Kababaihan nag-ingay laban kay GMA |
||
BAGUIO CITY (Sept. 7) — “Resign! Impeach! Patalsikin si Gloria!” Ito ang naging sigaw ng iba’t ibang organisasyon na pinangunahan ng kababaihan dito sa Metro Baguio matapos ibasura ng kongreso ang kasong impeachment laban kay President Gloria Macapagal-Arroyo. Sa pangunguna ng Innabuyog-Gabriela, Gabriela Women’s Party, at ng Migrante-Metro Baguio, noong Set. 7 ay umikot sa ilang piling lugar at nagsagawa ng serye ng pag-iingay ang mga kababaihan upang ipahayag ang kanilang nararamdaman sa nangyaring pagpatay sa nasabing kaso. Ayon kay Leonora Membrot, ang Regional Chairperson ng Innabuyog-Gabriela, “Dapat lamang na patalsikin si Gloria di lamang dahil sa kanyang pandaraya noong nakalipas na eleksyon, kundi dahil rin sa mga patakaran at polisiya ng kanyang rehimen na lalong nagpapatindi sa kahirapan ng sambayanan tulad na lamang ng pagpapasa ng Expanded Value Added Tax o EVAT.” Kasama ang ilang lider-masa ng PISTON-Metro Baguio at ng ilang organisasyon ng kabataan, inikot ng grupo ang ilang mga pangunahing paradahan ng mga jeepneys, mga unibersidad, at ilang pangunahing kalye ng syudad upang himukin ang mga drivers, operators, estudyante, mamimili at lahat ng mamamayan ng lungsod na lumahok sa mga isinasagawang kilos-protesta laban sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at sa pagbabasura sa oil deregulation law, sa pagpapatupad ng EVAT, at sa pagpapatalsik kay GMA. Nagkaroon ng isang maikling programa sa terminal ng La Trinidad jeepneys sa Magsaysay at dito nagsalita ang mga lider-masa ng Innabuyog-Gabriela, PISTON, at Migrante. Tinapos ang programa sa pamamagitan ng pag-iingay sa loob ng limang minuto. # Cyrene Reyes for NORDIS |
||
Previous | Next |