|
NORDIS
WEEKLY September 11, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Domogan kinondena ng GSM |
||
BAGUIO CITY (Set. 7) — Kinondena ng mga militanteng sektor dito sa lungsod si Congressman Mauricio Domogan sa pagboto niya pabor sa pagbabasura sa impeachment complaint laban kay Gloria Macapagal-Arroyo (GMA). Sa isang martsa-rali na nagtapos sa isang noise barrage sa pangunguna ng Gloria Step Down Movement (GSM) at Youth Demanding Arroyo’s Removal (Youth DARE) noong Setyembre 6, sinabi ni Chie Galvez ng GSM na binigo ni Domogan at ng iba pang kongresista ng Cordillera ang mga mamamayan ng rehiyon. Aniya hindi ang tunay na posisyon ng mga mamamayan ng lungsod ang naging boto ni Domogan sa nakaraang pagdinig hinggil sa impeachment. Wala diumanong nailunsad na konsultasyon sa mga mamamayan. Ayon din kay Atty. Gina Alvarez, isa sa mga convenor ng GSM, mabuti na rin ang nangyari sa botohan sa kongreso upang matapos na ang panloloko sa mamamayan ng mga kongresista at pamunuan ni GMA. Aniya, imbes na mawalan ng loob dapat ay magkaisa ang mamamayan na dalhin ang laban sa lansangan dahil wala sa senado, kongreso at mga kongresista ang kasagutan sa kasalukuyang krisis pampolitika sa bansa. Nasa kamay umano ito ng mamamayan. “Sobrang kapal ng mukha ni GMA. Nabili niya ang mga kongresista pero tayo hindi niya mabibili. Ipagpatuloy natin ang laban,” giit ni Alvarez. Ayon naman kay Pastor Bill Mariano ng Regional Ecumenical Council in the Cordillera (RECCORD) tinanggal ng kongreso ang karapatan ng mamamayang malaman ang katotothanan. Hinikayat niya ang sambayanan na magkaisa sa paglaban para sa katotohanan. Aniya, lahat ay dapat tumungo sa kalsada at makiisa sa mga kilos protesta para sa pagpapatalsik sa isang sinungaling na pangulo. Ayon naman sa pangulo ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON)-Metro Baguio na si Carlito Wayas, walang napala ang mamamayan sa pamumuno ni GMA kung hindi pahirap at sapat na itong dahilan upang patalsikin siya sa pwesto. Aniya ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at ang napipintong implementasyon ng Expanded Value Added Tax (EVAT) ay hindi kayang pigilan ni GMA bagkus ay ipinupursige pa niya at wala siyang pakialam sa mamamayang naghihikahos na. “Nagsisilbing tagakolekta na lamang ng kita ng mga kompanya ng langis at buwis ng gobyerno ang maliliit na tsuper at operator ng dyip dahil sa mga patakaran ni GMA kaya dapat na siyang patalsikin sa pwesto,” giit ni Wayas. Ang nasabing kilos protesta ay dinaluhan ng mga kabataan, propesyunal, taong simbahan, manggagawa, maralitang taga-lungsod, manggagawang pangkalusugan, kababaihan at magsasaka dito sa lungsod. Ayon din sa mga militanteng grupo, maglulunsad sila ng noise barrage tuwing alas dose ng tanghali sa Km. 0 araw araw para sa pagpapatalsik kay GMA sa pwesto. # Kim Quitasol para sa NORDIS |
||
Previous | Next |