|
NORDIS
WEEKLY September 11, 2005 |
|
Previous | Next |
||
PISTON kakasa sa tigil-pasada |
||
Bilang pagtutol sa EVAT BAGUIO CITY (Set. 9) — Isang malawakang transport strike ang isasagawa ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON)-Metro Baguio sa Lunes, Setyembre 12 upang kondenahin ang napipintong pagpapatupad ng expanded value added tax (E-VAT). Ang isasagawang transport strike umano ay tugon sa pambansang strike na pangungunahan ng PISTON at Kilusang Mayo Uno (KMU). Ayon kay Carlito Wayas, pangulo ng PISTON-MB, sa nakaraang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis pa lang ay ubos na ang kita ng maliliit na tsuper at operator. Kapag ipinataw na ang E-VAT sa industriya ng langis, wala nang aasahang kita pa ang mga tsuper at operator. Sabi ni Wayas, sa napipintong 10% EVAT na ipapataw sa industriya ng langis, P2.75 ang direktang ipapatong sa presyo ng disel na lalong magpapahirap sa naghihikahos nang mga tsuper at operator. Dagdag pa aniya, hindi lang ang transport sector ang apektado ng E-VAT, kundi maging ang mga pangunahing bilihin at serbisyo na tataas din ang presyo, tulad ng liquefied petroleum gas (LPG). Ayon naman kay Gerry Diano, secretary general ng PISTON-MB, kulang-kulang P206.75 lamang ang kadalasang naiuuwi ng mga tsuper sa 12 oras nilang pasada kada araw dahil malaking bahagi ng kanilang kita ay napupunta sa panggasolina. Sa kasalukuyan aniya, P31.75 kada litro ang disel dito sa lungsod. Aniya, umaabot naman sa 25 litro ang nakukunsumo nila sa 12 oras na pasada.kaya P793.25 (25 x P31.75) ang napupunta sa gasolina lamang. Sinabi ni Diano na mahigit kumulang P1,500 (200 pasahero x P7.50) ang average na kinikita ng mga tsuper sa 12 oras na pasada sa isang araw. Aniya kung ikakaltas dito ang panggasolina at boundary na P500 ay mahigit P200 lang ang maiuuwi ng tsuper. Hindi pa umano naikakaltas dito ang pananghalian ng tsuper. “Kung ngayon nga ay kulang na kulang ang kita ng mga tsuper para mabuhay nang disente ang kanilang pamilya, lalo pa kapag naipatupad na ang EVAT,” dagdag ni Diano. Sinisi naman ni Ignacio Pangket, regional coordinator ng PISTON ang pamunuan ni Gloria Macapagal-Arroyo sa tuluy-tuloy na pagtaaas ng presyo ng langis. Aniya kung hindi sana ipinasa ang oil deregulation law noong 1998, hindi sana nawalan ng kontrol ang pamahalaan sa pagtatakda ng presyo ng langis. “Si GMA ang isa sa mga pangunahing nagsulong ng batas na ito noong siya ay senador pa lamang, at ngayon na naman ay isinulong ng kanyang administrasyon ang pagpasa ng EVAT. Ito ay ilan lamang sa mga anti-mamamayang programa ni GMA,” sabi ni Pangket. Dagdag pa ni Pangket, sobra-sobrang pahirap ang naranasan ng transport sector sa ilalim ng pamunuan ni GMA kaya nakikiisa ang PISTON sa panawagang pagpapatalsik sa kanya. Hinikayat ni Wayas ang lahat ng tsuper at operator maging ang taongbayan na sumuporta at sumama sa strike sa Lunes. Aniya sana maintindihan ng mga komyuter ang isasagawang kilos protesta ng PISTON dahil kung magtatagumpay ang kanilang protesta ay makikinabang ang lahat. Inaasahan ng PISTON na sasama sa tigil-pasada ang 15 samahan ng mga tsuper at operator ng Baguio-Benguet sa nasabing kilos protesta. # Kim Olmaya Ngabit-Quitasol para sa NORDIS |
||
Previous | Next |