|
NORDIS
WEEKLY September 4, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Welgista, kapanalig niyanig ang Lepanto |
||
Welga sa Lepanto 3 buwan na BAGUIO CITY (Set. 2) — “Ang manggagawa kapag humawak ng maso, kahit gaano katibay na pader kaya niya itong wasakin.” Muling niyanig ng kilos protesta ang Lepanto Consolidated Mining Company (LCMCo) noong Agosto 30 nang dumagsa ang halos 3,000 manggagawa, kasama ang kanilang mga pamilya at taga-suporta upang muling igiit ang kanilang kahilingan. Sa ilalim ng nakakasunog na init ng araw, nagmartsa ang mga manggagawa mula sa mill site ng nasabing minahan hanggang sa harap ng general office nito kung saan nagkaroon ng isang programa. Nagtagal nang ilang oras ang programa dahil maraming taga-suporta ang nagbigay ng mensahe ng pakikiisa sa mga naka-welgang manggagawa. Tatlong buwan na ang welga sa LCMCo sa pangunguna ng Lepanto Employees Union (LEU) subalit hindi pa rin natitinag ang mga manggagawa sa kabila ng sunud-sunod na marahas na dispersal na isinagawa ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP). Matatag pa rin ang kanilang paninindigan na hindi bubuwagin ang piket hangga’t hindi ibinibigay ng pamunuan ng LCMCo and kanilang kahilingan. Ayon kay Ronald Maslian, auditor at tagapagsalita ng LEU, hindi na sana umabot sa welga at tumagal pa ng tatlong buwan kung ibinigay ng LCMCo ang kahilingan ng mga manggagawa. Aniya kayang-kaya namang ibigay ng LCMCo ang hinihinging dagdag-sahod ng mga manggagawang ayaw lang nitong mabawasan ang kaniyang kita kaya nagmatigas ito. Sinabi ni Maslian na maliit lang naman ang hinihingi ng mga manggagawa kumpara sa kinikita ng LCMCo. “Kung tutuusin nga kulang pa ang hinihinging dagdag sahod ng mga manggagawa upang makasabay sa patuloy na pagtaas ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo ngayon,” giit ni Maslian. Dagdag pa niya kung susumahin mas malaki ang nawala sa kompanya ngayon dahil umaabot sa P5 milyon kada araw ang nalulugi dito dahil sa welga o mahigit sa P450 milyon sa tatlong buwan. Samantalang kung susumahin umano ang dagdag sahod na hinihingi ng mga manggagawa para sa tatlong taon ay mahigit P93 milyon lamang. Ayon din kay Junita Farrong, isang opisyal ng TBML (Samahan ng mga Kababaihan sa Minahang Lepanto), ang pamunuan ng LCMCo ang susi para sa pagwawakas ng welga. Aniya, bukas naman ang LEU at TBML sa muling pagbubuo ng maayos na ugnayan ng mga welgista at ng kompanya pero nagmamatigas ang LCMCo. “Ang gusto ng kompanya ay tanggalin ang mga opisyal ng unyon. Hindi pwede yon, lahat ng organisasyon kailangan may pinuno. Kung tatanggalin sila (ang mga opisyal) sino ang magiging kinatawan ng mga manggagawa sa negosasyon?” giit ni Farrong. Mariin namang pinabulaanan ni Ninian Lang-agan, pangulo ng LEU ang sinasabi ng pamunuan ng LCMCo na may 1,200 manggagawa ang pumapasok at nagtatrabaho na sa minahan. Aniya kulang-kulang 100 lang ang pumapasok at pagmamantine lang ang nagagawa nila. Ayon kay Lang-agan, ang mahigit isang libong manggagawang dumalo sa kilos protesta noong Agosto 30 ay patunay na nagsisinungaling ang pamunuan ng LCMCo. Malawak na suporta Daan-daang taga-suporta mula sa iba’t ibang probinsya ng Cordillera, at mga komunidad na apektado ng pagmimina ng LCMCo na nakikilahok sa kilos protesta. Kasama sa pagkilos ang ilang kinatawan ng mga simbahan, lokal na pamahalaan ng Mankayan at karatig bayan, at mga progresibong organisasyon dito at ibang bansa. Sa nasabing kilos protesta pinasalamatan ni Lang-agan ang lahat ng grupo, organisasyon at indibidwal na nagbigay ng moral, materyal at pinansyal na suporta sa welga ng LEU mula sa unang araw na itinayo nila ang mga piket line. Ayon kay Lito Ostares, ang national vice chair ng Kilusang Mayo Uno (KMU), kasabay ng kilos protesta ng mga manggagawa noong Agosto 30, ang kilos protesta ding pinangunahan ng KMU sa Metro Manila na ginanap sa harap mismo ng opisina ng LCMCo sa Makati. Dagdag pa, aniya, ang mga kongresista ng mga progresibong party list ay naghain ng panukala sa kongreso upang maglunsad ng imbestigasyon sa kasalukuyang welga. Sinaluduhan ni Ostares ang mga mga manggagawa sa matatag na piket at matibay na paninindigan nila. Hinikayat din niya ang mga ito na ipagpatuloy ang laban at huwag mawalan ng loob dahil marami ang sumusuporta sa kanila. Hinamon din ni Ostares ang pamunuan ng LCMCo na subukang mamuhay ng P300 kada araw tulad ng ginagawa ng mga manggagawa para malaman nila kung gaano ito kahirap. Ayon naman kay Leonida Tundagui ng KMU naihapag na rin ang kalagayan ng mga manggagawa sa piket, partikular ang paglabag ng PNP sa karapatang pantao ng mga ito sa People’s Tribunal ng katatapos na International Solidarity Mission, kung saan nahatulan na “guilty” ang mga PNP kasama si Gloria Macapagal-Arroyo bilang commander-in-chief. # Kim Quitasol para sa NORDIS |
||
Previous | Next |