NORDIS WEEKLY
August 28, 2005

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Anakbayan-Kalinga, nanawagang bumaba si GMA

TABUK, Kalinga (Agosto 22) — Nanawagan kamakailan ang 157 kabataang dumalo sa asembleya ng Anakbayan-Kalinga sa pagpapatalsik kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at pagbubukas ng transition council mula sa iba’t-ibang sektor ng lipunang Pilipino.

Dinaluhan ng mga kabataan galing sa iba’t-ibang uri ng lipunan ang matagumpay na pagdaraos ng kanilang ika-anim na asembleyang panlalawigan ng Anakbayan noong Agosto 20-21 sa Dagupan, Tabuk.

Sa nasabing pagtitipon, kinondena ng grupo ang mga programa at kampanya ni GMA na umano ay lalong nagpapahirap sa bayan gaya ng pagpasok ng mga dambuhala at dayuhang kumpanyang minahan na kinabibilangan ng kasalukuyang mining exploration sa Magnao dito na isinasagawa ng Wolfland Resources, Inc., na may 26 aplikasyon ng pagmimina sa probinsiya at ang muling pagbubukas sa Batong Buhay Mines.

Kinondena rin ng grupo ang tuluy-tuloy na militarisasyon at lalong sumisidhing paglabag ng karapatang pantao na umano’y parte ng “war on terror”. Ayon sa panayam, sa buong rehiyong Cordillera ang Kalinga ang may pinakamalaking bilang ng mga sundalong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) at mga paramilitar gaya ng Cordillera People’s Liberation Army (CPLA). Bukod sa hindi maresolba ng mga militar ang mga krimen sa probinsya, may mga aktibidad pa sila na pumipigil sa regular na pagtatrabaho ng taumbayan gaya ng mga sunud-sunod na operasyon sa kanayunan. Kabilang rin dito ang hanggang sa kasalukuyang kawalan ng hustisya para sa pagpatay ng mga militar kay Victor Balais dahil sa ito’y napagkamalang miyembro ng New People’s Army, ang iligal na pagpasok sa mga bahay, pwersahang interogasyon at iba pang uri ng pananakot sa mamamayan.

Maliban dito, kinondena rin ang pagpapalala ng estado sa tribal war at tribal conflicts sa Kalinga para hati-hatiin ang mga tao. Ito ay paraan umano upang magamit ang mga tao sa patuloy na pangangamkam sa yaman ng probinsya. Isinisi rin ng Anakbayan-Kalinga ang walang tigil na pagbaba ng presyo ng mga produkto ng mga magbubukid at pagtaas naman ng presyo ng mga farm inputs sa bulok na pamamamalakad ng gubyerno sa ating ekonomya. # Liberty Balnao for NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next