<script type="text/javascript"
language="javascript"
src="http://www.webstat.net/java.php?user=15312"></script><noscript>
<a href="http://www.webstat.net/v/" target="_blank">
<img src="http://www.webstat.net/webstat.php?user=15312"
alt="Webstat Free Counter Tracker"

NORDIS WEEKLY
July 31, 2005

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Araw ng SONA, inulan ng protesta

BAGUIO CITY (July 26) — Napuno ng kilos protesta ang buong araw ng State of the Nation Adress (SONA) ni Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) noong Hulyo 25 dito sa lungsod ng Baguio.

Noong umaga, mahigit 300 katao ang nagmartsa mula Post Office, pababa ng Session Road, patungong Magsaysay Avenue at nagtapos sa Igorot Park kung saan ipinakita ng mga mamamayan ng Baguio at Cordillera ang tunay na kalagayan ng bansa. Isang effigy ni GMA na anyong tuko ang isinama sa martsa at kalauna’y sinunog pagkatapos ng programa.

Ayon sa mga tagapagsalita, nakikita ang tunay na kalagayan ng bansa sa kalakhan ng mga mamamayang nahihirapang mabuhay sa araw-araw. Sinabi ni Atty. Gina Alvarez, convenor ng Gloria Step Down Movement-Metro Baguio (GSM-MB) na ang mga namumuno sa bansa ay magnanakaw, mandaraya at sinungaling.

Ayon kay Atty. Randy Kinaud, hindi nararapat ang impeachment kay GMA dahil ito ay para sa mga opisyal na nanalo sa eleksyon. Aniya, si GMA ay hindi nanalo sa eleksyon dahil siya ay nandaya.

Ipinaliwanag ni Manny Loste ng Bayan Muna sa nasabing kilos-protesta ang panukalang alternatibo ng naturang partylist na magkaroon ng transition council na siyang maghahanda para sa isang tunay na eleksyon.

Siningil ng mga kinatawan ng mga residente ng Cordillera si GMA sa hindi pa naaaayos na welga ng mga manggagawa ng Lepanto Consolidated Mining Company sa Mankayan, Benguet, at kawalan ng sapat na trabaho, maliit na sweldo at kakulangan sa pabahay para sa maralitang taga-lungsod.

Isinisi din kay GMA ang pagsali ng Pilinas sa GATT-WTO, na anila ay dahilan ng pagbagsak ng presyo ng mga produktong agrikultura at pagpasok ng imported na gulay.

Ang pagkilos ay pinangunahan ng GSM, at nilahukan ng mga propesyunal tulad ng mga abogado at taong-simbahan, mga estudyante mula sa Youth Demanding Arroyo’s Removal (Youth DARe), mga manggagawa ng Lepanto, at ilang grupo ng mga magsasaka at Innabuyog-Gabriela. Sumama din ang United Guardians at ang Philippine Movement Against Poverty (PMAP) at FPJ Movement.

Sa hapon, mahigit 300 estudyante mula sa iba’t ibang mga kolehiyo at unibersidad dito sa lungsod ang nagwalk-out sa kani-kanilang mga klase at nagmartsa upang ipakita ang pagkadismaya sa SONA at ipananawagan ang pagbaba ni PGMA sa pwesto. Sa pangunguna ng Youth DARe, sumama maging ilang mga guro mula sa University of the Philippines Baguio, University of the Cordilleras-Baguio Colleges Foundation, University of Baguio, Baguio Central University at Saint Louis University.

Natapos ang nasabing kilos-protesta sa isang maiksing programa sa People’s Park kung saan muling siningil ng mga lider estudyante at ilang guro si GMA sa kakulangan ng mga batayang serbisyo sosyal, lalung-lalo na sa edukasyon.

Idinaos ang Ballangbang, isang cultural night na umabot hanggang hating gabi na may temang “Adios Gloria” bilang huling aktibidad ng mga grupong nananawagan sa pagpapatalsik kay GMA sa araw ng SONA. Mahigit 200 katao ang dumalo sa aktibidad na ito.

Ibat’t ibang grupong pangkultura, banda, indibidwal, at organisasyon na sumusuporta sa panawagang pagpapababa kay GMA sa pwesto ang nagtanghal. Ang nasabing gabi ng pangkulturang pagtatanghal ay pinangunahan ng Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera (DKK) at Progressive Igorots for Social Action (PIGSA).

Nagdaos din ng kilos-protesta na tinaguriang SONA ng Bayan ang sa iba pang lalawigan sa buong bansa noong Hulyo 25. # Lyn Ramo with reports from Angelica Ocampo and Mark Rimorin for NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next