<script type="text/javascript"
language="javascript"
src="http://www.webstat.net/java.php?user=15312"></script><noscript>
<a href="http://www.webstat.net/v/" target="_blank">
<img src="http://www.webstat.net/webstat.php?user=15312"
alt="Webstat Free Counter Tracker"

NORDIS WEEKLY
July 24, 2005

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Anti-GMA kami — magsasaka ng CV

TUGUEGARAO CITY (July 18) — Mariing kinondena ng Kagimungan, ang alyansa ng mga magbubukid sa Cagayan Valley, ang deklarasyon umano ni Silvestre Bello III na ang Lambak Cagayan at buong Hilagang Luzon ay sumusuporta kay Gloria Macapagal-Arroyo. Nagbanta rin umano si Bello ng food blockade kung ipagpapatuloy ng mamamayan sa Metro Manila ang pagsuporta sa mga mobilisasyong anti-GMA.

Si Bello III ay dating kasama sa panel ng gobyerno ng Republika ng Pilipinas sa peace negotiation nito sa National Deocratic Front (NDFP)

Sa isang pahayag, iginiit ng Kagimungan na hindi pro-GMA ang mga magbubukid ng Cagayan, at hindi umano kinakatawan ni Bello ang tunay na sentimiyento ng mamamayan dito.

“Hindi kailanman pinaunlad ng gubyerno ni GMA ang aming pagkabaon sa kumunoy ng kahirapan. Bagkus, pinalala pa nito ng mga mapagpanggap at anti- magsasakang proyekto at programa katulad ng Quedancor,” ani Isabelo Adviento, pangkalahatang kalihim ng Kagimungan. Ang Quedancor ay isang lending agency na di umano’y isang sindikatong kooperatiba na naglalayong pagkakitaan at pahirapan lalo ang mga magsasaka dito, ayon sa Kagimungan.

Wala umanong makitang batayan ang Kagimungan upang suportahan pa si GMA.

“Paano namin susuportahan ang pangulong pasista? Hindi na mabilang ang haba ng listahan ng mga magsasakang dinukot, ininteroga, pinahirapan at pinatay ng berdugong pamamahala ni Arroyo. Patuloy ang mga panghaharas at pagsubaybay sa mga lider magbubukid na kumikilos para sa kagalingan at interes ng malawak na bilang ng mamamayan,” giit ng Kagimungan.

Anti-magsasakang polisiya

Sa pahayag nito, inilahad ng Kagimungan ang anti-magsasakang programa ni GMA.

“Kung tutuusin, ang mga programa ni GMA na anti- magsasaka katulad ng mga malawak na land conversion, pag-foreclose ng mga Certificate of Land Titles (CLT) at Certificate of Land Ownership Award (CLOA), mga proyektong pagmimina, komersyalisasyon ng binhi at iba pang mga mapaminsalang mga programa ay matingkad na anti-magsasaka at porma ng economic embargo sa hanay ng mamamayan,” paliwanag ng Kagimungan.

Sa pamumuno ni Arroyo, lalong naghirap ang mga magsasaka, ayon sa Kagimungan. Ang abono ay umabot na sa mahigit sa P1,000 liban pa sa patong nito kung ito’y uutangin, ganundin na ang binhi ay pumapalo na sa P3,000 kada sako. Hindi pa kasali rito ang samu’t-saring dagdag sa pangangailangan sa produksyon. Laganap pa rin umano sa malalaking bahagi ng Cagayan ang napakataas na interes ng pagpapautang ng mga komersyante- usurero na umaabot mula 10% kada buwan at/o 35% kada anihan.

Usapin sa lupa

Pinapaboran pa umano ni GMA ang pang- aagaw ng lupa ng malalaking panginoong maylupa, kagaya ng Hacienda Madrigal sa mga bayan ng Enrile, Solana, Cagyan at Rizal, Kalinga; Hacienda Hawkins sa mga bayan ng Piat at Amulung, Cagayan; Arranz Estate, Pallagao Estate at marami pang sakahan sa Cagayan.

Kinondena rin ng Kagimungan ang kawalang kibo ni GMA sa 26,000 ektaryang lupain na kinamkam ng Cagayan Special Economic Zone ang Free Port (CEPZA). Idineklara ng Bureau of Lands na abandonado at tiwangwang ang lupang ito na matagal nang pinagyaman ng mga magsasakang Iloko, at mga minoridad na nagmula sa Kordilyera magmula pa noong 1970.

Nililinlang umano ng Department of Land Reform (DLR), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Land Bank of the Philippines (LBP) ang mga magsasaka sa pakanang Voluntary Offer to Sell (VOS) at pag-survey sa mga lupain ng mga magsasaka. Nangako umano ang mga naturang ahensya na bibigyan nito ng titulo ang mga magsasaka, magbayad lamang sila ng P500 kada buwan sa loob ng 30 taon.

Sa Aparri, nakaamba ang demolisyon ng 27 ektaryang lupain na sasakupin ng International Port. Inisyal na 60 metro ang paunang i- dedemolish upang makapasok ang mga mabibigat na equipment. Sa nakatakdang demolisyon, itatayo ang mga opisina, bodega, imbakan ng langis at iba pang establismento. # via NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next