<script type="text/javascript"
language="javascript"
src="http://www.webstat.net/java.php?user=15312"></script><noscript>
<a href="http://www.webstat.net/v/" target="_blank">
<img src="http://www.webstat.net/webstat.php?user=15312"
alt="Webstat Free Counter Tracker"

NORDIS WEEKLY
July 24, 2005

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Dinukot na Anakbayan sa Isabela, nakauwi na

TUGUEGARAO, Cagayan (Hulyo 21) — “Akala ko mga kasama ko sila kaya sumakay ako sa van, nagulat na lang ako nung makita ko ang tatlong lalaki sa loob (kasama ang driver). Pagkasakay, piniringan nila ako at dinala ako sa lugar na di ko alam,” ito ang kuwento ni Rowena Bulan,19, third year high school ng San Mariano, Isabela at aktibong miyembro ng Anakbayan Isabela.

Matatandaang nabulabog ang pamilya ni Bulan matapos nilang malaman na nawawala ang kanilang anak noong Hulyo 11.

Ayon sa mga naunang ulat, palabas na si Bulan noong araw na iyon bandang alas-onse ng umaga. Nakita umano ng ibang mga estudyante si Bulan na sumakay sa isang van at narinig umano ng mga ito ang pagtanggi ni Bulan sa loob ng nasabing van.

Dahil dito agad namang iniulat ng pamilyang Bulan sa KARAPATAN-Isabela ang pangyayari at agad ding pinayuhan ang mga magulang nito na ipa-blotter ang pangyayari sa pulisya ng San Mariano. Ayon pa sa mga magulang ni Bulan, inamin umano ng pulisya ng San Mariano na alam nila kung nasaan ang dalaga ngunit hindi nila ito sinabi sa kanila. Laking pasasalamat na lamang ng mga magulang ni Bulan nang pagkaraan ng limang araw ay lumitaw ito noong Hulyo 17.

Kahit ninenerbiyos ay buong tapang na ikinuwento ng dalaga ang nangyari sa kanya. Ayon sa kanya, bandang alas onse ng umaga noong Hulyo 11, habang pauwi siya ay may nagtanong umano sa kanya sa labas ng paaralang pinapasukan nito kung pupunta siya sa rally sa Ilagan, Isabela. Sa pag-aakalang kasamahan niya ang mga nagtanong ay buong tiwala siyang sumakay sa van na kinalululanan ng mga nagtanong sa kanya. Laking gulat na lamang nito nang makitang tatlo lang ang laman ng van at pagkasakay niya ay agad siyang piniringan at dinala sa lugar na hindi niya alam. Ayon sa kanya ay malayo raw ang kanilang binyahe.

Ayon sa salaysay ni Bulan pilit na inaalam sa kanya kung ano ang gawain ng kanyang mga magulang at kung ano ang kaugnayan ng mga ito sa kilusan ng mga rebolusyunaryong New Peoples Army (NPA). Pilit umano siyang pinapaamin ng nagpakilalang Major Albnuro na siya ay isang taga-suporta ng NPA.

Ito ang pangalawang pagkakataon na si Bulan ay napasakamay ng militar. Ang una ay noong Mayo 27 kung saan hinuli si Bulan ng mga elemento ng 45th Infantry Batallion ng Philippine Army (PA) dahil sa pakikilibing sa isang magsasaka na pinaghihinalaang kasapi ng NPA.

Samantala, ayon naman kay Christopher Barcena tagapagsalita ng Anakbayan-Isabela, ang ginawa ng militar na pagdukot kay Bulan ay isang desperadong hakbang para takutin ang mga kabataan na sumali sa kanilang organisasyon.

Ayon kay Barcena, lalong lumalawak at lumalakas ang kasapian ng Anakbayan kaya pilit itong sinusupil ng mga militar. Idinagdag pa niya na isa rin itong sistematikong paraan para ilihis ang atensyon ng mga tao kasama ang mga organizer sa lumalakas na panawagan ng mamamayan ng Cagayan Valley sa pagpapatalsik kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

“Kahit anong gawin pa ng gobyerno, hindi nito mapagtatakpan ang kanyang baho at di na mapipigilan ang poot sa kasalukuyang administrasyon. Sa ginagawang ito ng administrasyon ni GMA ay lalo lamang nitong ginagatungan ang galit ng mamamayan at pinapabilis nito ang kanyang pagbagsak,” pahayag ni Barcena. # Michael Agonoy para sa NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next