<script type="text/javascript"
language="javascript"
src="http://www.webstat.net/java.php?user=15312"></script><noscript>
<a href="http://www.webstat.net/v/" target="_blank">
<img src="http://www.webstat.net/webstat.php?user=15312"
alt="Webstat Free Counter Tracker"

NORDIS WEEKLY
July 10, 2005

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

GMA, layas! — KMU, ORNUS

BAGUIO CITY (Hulyo 8) — Isang martsa-rali ang pinamunuan ng Kilusang Mayo Uno (KMU)-Cordillera at Organisasyon dagiti Nakurapay nga Umili ti Syudad (ORNUS)-Kadamay dito sa lungsod noong Hulyo 7 sa isang pambansang welga ng paniningil at pagtatakwil ng mga manggagawa at maralitang tagalungsod kay Gloria Macapagal-Arroyo (GMA).

Bahagi umano ito ng “people’s countdown to SONA (State of the Nation Address)” ni GMA sa Hulyo 25.

Ayon kay Nida Tundagui ng KMU-Cordillera, ang naturang pagkilos ay kanilang pakikiisa sa sambayanang Pilipino sa panawagang magbitiw na sa pusisyon si Arroyo.

Nagsimula ang aktibidad sa pamamagitan ng piket sa Department of Labor and Employment (DoLE)-Cordillera, kung saan kinondena ng Lepanto Employees Union (LEU) ang maka-kumpanyang paninindigan ng naturang ahensiya.

Iginiit ni Ronald Maslian, tagapagsalita at auditor ng LEU na hindi makatarungan ang diumano’y pagpapabor ng DoLE sa Lepanto Consolidated Mining Company sa welga ng mga manggagawa sa Mankayan, Benguet.

Gayundin, hinamon ng mga kababaihan ng Mankayan, na sina Junita Farrong at Victoria Afangka si DoLE Regional Dir. Jalilo de la Torre na ipaliwanag kung bakit pinahintulutan nito ang malakihang deployment ng pulis sa mga piketlayn na nagresulta umano sa karahasan at pananakit sa mga nagwewelgang minero at kanilang mga pamilya.

Matapos ito, nagmartsa ang naturang grupo patungong Bureau of Internal Revenue (BIR) upang kondenahin ang Expanded Value Added Tax (E-VAT) na nagpapanggap umanong maka-mamamayang polisiya.

Dito, ipinaliwanag ni Chie Galvez ng Tongtongan ti Umili, ang lokal na balangay ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang paninindigan ng mga kaalyado nitong grupo sa E-VAT.

Tangan ang mga plakard na nanawagan ng pagbitiw ni GMA sa pagkapangulo, binaybay ng mga raliyista ang kahabaan ng Session Road tungong Malcolm Square kung saan tinapos ang aktibidad sa isang programa. Dito, ang mga kinatawan ng iba’t-ibang sektor ay nagpahayag ng kanilang mga paninindigan at batayan sa pagpapanawagan ng pagpapatalsik kay GMA.

Nagdaos din ng mobilisasyon ang KMU sa Central Luzon, Southern Tagalog, Bicol region, Cebu, Negros Island groups, Panay, Eastern Visayas, Davao City, Surigao City at CARAGA region.

Sa isang pahayag, sinabi ni Elmer Labog, pambansang pangulo ng KMU, na hindi aatrasan ng taumbayan ang pakikibaka para sa katarungan at pagbabago.

“Ipinapakita lamang ng mga sunud-sunod na mobilisasyong anti- Arroyo na hindi totoo ang ipinangangalandakan ng mga reaksyunaryo na ‘people power fatigue”, aniya.

Dito sa syudad, nagtapos sa isang pattong ang pagkilos ng KMU at ng iba pang militanteng sektor. # AT Bengwayan para sa NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next