<script
type="text/javascript" language="javascript" src="http://www.webstat.net/java.php?user=15312"></script><noscript> <a href="http://www.webstat.net/v/" target="_blank"> <img src="http://www.webstat.net/webstat.php?user=15312" alt="Webstat Free Counter Tracker" |
NORDIS
WEEKLY July 3, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Dakilang ama sa pagawaan |
||
MANKAYAN, Benguet (June 23) — Matapos ang isang buong araw na trabaho, ang mga manggagawa ng Lepanto Consolidated Mining Co. (LCMC) ay sinasalubong ng kani-kanilang pamilya sa pag-uwi. Ngunit sa kabilang dako, may mangilan-ngilang mga manggagawa, na dahil sa kahirapan, ay hindi nakakapiling ang kanilang mga pamilya. Isa na rito si Mang Hilario Fontanilla. Si Mang Hilario, o Larry, ay nagtratrabaho sa gilingan ng nasabing minahan. Doon, isa siya sa mga nagproproseso ng mga bato o nabang nabubungkal ng mga nagtratrabaho sa underground. Ginigiling nila ang mga ito upang ihiwalay ang mga gintong nakakapit sa mga bato. Maaaring mas madali ang trabaho rito, ngunit gaya ng iba pang trabaho sa minahan, pare-parehong lakas, pawis at dugo ang kanilang puhunan para kumita at may maipantustos sa mga pangangailangan ng pamilya. Ito ang dahilan kung bakit nawalay si Mang Larry sa kanyang pamilya. Sa araw-araw na pagkayod ni Mang Larry, hindi sumasapat ang kanyang kinikita para masustena ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya. Sapat-sapat lamang ang perang ito na pangkain. Walang perang mailaan si Mang Larry para sa pag-aaral ng kanyang mga anak na hangga’t maari sana’y sa siyudad niya mapag-aral upang magkaroon ng mas mabuting edukasyon. Kung kaya’t negdesisyon ang kanyang maybahay na maghanap na rin ng trabaho upang may maipangdagdag sa gastusin. Ang naturang trabaho naman ang naging dahilan upang magkawalay, pansamantala, si Mang Larry at ang kanyang pamilya. Sa kanyang pag-uwi mula sa trabaho, walang pamilyang sumasalubong sa kanya. Walang pagkaing nakahapag at walang mga kwentuhang pagsasaluhan. Ito ay isang masaklap na katotohanang bunga ng kakulangan sa sahod at sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ang pamilya ni Mang Larry ay nasa ibang lugar. Ang kanyang asawa at isang anak ay kasalukuyang naninirahan sa Bontoc, Mt. Province dahil naroon ang trabaho. Samantala, ang dalawa pang anak ni Mang Larry ay tumutuloy sa siyudad ng Baguio dahil sa kagustuhan niya na mabigyan ang mga ito ng mas mabuting edukasyon. Ayon, kay Mang Larry, ang asawa niya ay nagtratrabaho sa munisipyo ng Bontoc bilang isang clerk. Maganda na aniya ito dahil nakapagtapos naman ang kanyang misis. Ngunit gayun pa man, maging sa trabahong iyon ay mababa rin naman ang sweldo. Kung kaya’t kahit pareho ng nagtratrabaho ang mag-asawa, kung minsan ay kumukulang pa rin ito. “Kasla a kurang pay kitdi. Ta daytoy ngarud kinapaspas ti increase iti magatgatang ken kinabassit met ngarud iti sweldo tayo, uray inayon diay kinni baket ko, awan e, bassit laeng ti sweldo na. Isu nga kunada nga anos lang.” ( Parang kulang pa rin dahil nga sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at liit ng sahod natin, kahit na isama pa ang sinasahod ng misis ko, talagang hindi sapat. Kung kaya’t tiis talaga,) aniya. Sa kanyang 19 taong pagseserbisyo sa LCMC, nairaos niya ang kanyang panganay para makapagtapos ng kolehiyo. Kayod nang kayod para sa mithiing mabigyan ng mabuting kinabukasan ang kanyang anak. Lahat ng pagod at sakripisyo ay tiniis para lamang sa mga mahal sa buhay. Ngunit sa mga taon ding iyon at magpahanggang ngayon, ang mga manggagawa ay tunay na nakararanas ng “unfair labor practices” at kababaan ng sahod. Pinakamabigat na rito ang paglabag sa “ Collective Bargaining Agreement” o CBA, kung saan ang mga benepisyong nararapat sanang kasama na sa kanilang trabaho ay hindi naibibigay ng management tulad ng medical insurance. Isang benepisyo na tunay nilang kinakailangan lalo pa sa klase ng kanilang mga trabaho. Kung kaya’t tunay siyang nahikayat upang makiisa sa welgang nagaganap ngayon. Kahit na mag-iisang buwan nang hindi pumapasok si Mang Larry sa trabaho dahil sa kanilang welga at walang perang naipapadala, todo suporta pa rin aniya ang kaniyang pamilya lalo na ang kanyang asawa. Alam ng kanyang maybahay na para sa kanila ang ipinaglalabang ito ng kanilang mga asawa. Mahalaga lamang di umano ang pagkakaisa at ang pagtutulungan nilang mga manggagawa. Dagdag pa ng asawa ni Mang Larry, na kung maaari sana’y iwasan o sugpuin ang mga bumabalimbing. Nang tanungin si Mang Larry kung ano ang pagtingin niya kung sakaling tumagal pa ang kanilang welga, para sa kanya, mas mainam pa diumano ang umuwi na lang at umalis sa minahang ito kaysa tiisin ang pagsasamantala ng kumpanya. Marahil din daw sa ganitong paraan, mapaparalisa ang operasyon ng kumpanya. Sa mga ganitong panahon kung saan wala pang siguridad kung ano man ang mangyayari sa hinaharap, tunay na nakakapangamba ito lalo na sa mga may pamilya. Sa mga panahong ito, marahil, mas kinakailangan ang kalinga ng isang pamilya na sana’y magkakasama. Ngunit dahil sa prinsipyo at hangad sa mas mabuting pamumuhay, maraming manggagawa ang tinitiis kahit anuman para sa kanilang pamilya. At tunay na isa rito, si Mang Larry.# Ge-ann Malicdem for NORDIS |
||
Previous | Next |