CORDILLERA NEWSBRIEFS
NORDIS WEEKLY
June 12, 2005

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

CAR unemployment rate, bahagyang tumaas

BAGUIO CITY (Hunyo 10) — Umangat nang bahagya ang unemployment rate sa rehiyon ng Cordillera base sa pinakahuling resulta ng labor force survey ng National Statistics Office (NSO) dito.

Ayon sa tantya ng tagapagsalita ng NSO na si Adrian Cerezo, humigit-kumulang 61,000 manggagawa ang kasalukuyang walang hanapbuhay sa rehiyon. Ito ay kumakatawan sa 9.2% ng kabuuang workforce sa rehyon, mas mataas sa naitala noong huling kwarto ng 2004.

Umaasa si Cerezo na tataas ang bilang ng mga may trabaho sa pagbabalik ng mga estudyante sa rehyon lalo na sa lungsod ng Baguio. Inaasahan nitong magkakaroon ng dagdag na hanapbuhay sa sector ng edukasyon.

Sa pambansang saklaw, 11.0% o 4.3 milyong Pilipino ang walang trabaho, sa kasalukuyan. Ayon kay Cerezo, mas mataas ng 2% ang pambansang tantos ng walang trabaho kumpara sa panrehyong tantya. # Rowena Caccam/DzEQ

* * * * *

Susog sa Konstitusyon, iminungkahi ni Kabayan

BAGUIO CITY (Hunyo 9) — Tuwirang sinabi ni Bise Presidente Noli de Castro na panahon na upang pagdebatihan kung nararapat nang susugan ang Konstitusyon. Si de Castro ay bumisita sa syudad noong Hunyo 8.

Sinabi ni de Castro na nais niyang malaman ang tunay na sentimyento ng mamamayan hinggil sa pagbabago ng saligang batas at kung anu-ano ang dapat mabago rito. Matatandaang noong senador pa ang bise-presidente ay isa ito sa mga lumagda sa isang resolusyon ng Senado na pumabor sa pagbubuo ng isang Constitutional Convention.

Ninais ni de Castro na masusugan ang 40% dayuhang pamumuhunan sa anumang korporasyon sa bansa. Aniya, kailangang luwagan pa ang naturang probisyon upang makahimok ang bansa ng mas maraming dayuhang mamumuhunan. Sa kanyang palagay, ang dayuhang puhunan ang siyang magbibigay ng mas maraming oportunidad sa ating mga kababayan na makahanap ng trabaho. Sa kabilang banda, tinutulan ito ng mga makabayang mga Senador at Kongresista. # Joseph Cabanas/DzEQ

* * * * *

Benguet Cold Chain, di totoong white elephant

LA TRINIDAD (Hunyo 11) — Pinabulaanan ng pamunuan ng Benguet cold chain facility ang balitang hindi na ito nagagamit at isa na lang itong white elephant. Ang naturang pasilidad ay kasalukuyang pinapatakbo ng Department of Agriculture, Benguet Farmers’ Federation, Inc. at ng lokal na pamahalaang panlalawigan ng Benguet.

Nakita umano ni Bise-Presidente Noli de Castro na wala itong lamang gulay nang bumisita ito noong Miyerkules. Ipinaliwanag ni Sheilamae Molitas, tagapanasiwa, na sapat-sapat lang umano ang inaani ng mga magsasaka ngayon kaya’t deretso na ang mga ito sa pamilihan.

Ayon kay Molitas, piling gulay lamang ang pwedeng ilagay sa freezer tulad ng lettuce, strawberry at iba pang perishables na kailangang i-preserve ang moisture. Mahaba, aniya ang lifespan ng patatas, repolyo at carrots at din a kailangang ilagay sa freezer. # Joseph Cabanas/DzEQ


Home | Back to top

Previous | Next