<script type="text/javascript"
language="javascript"
src="http://www.webstat.net/java.php?user=15312"></script><noscript>
<a href="http://www.webstat.net/v/" target="_blank">
<img src="http://www.webstat.net/webstat.php?user=15312"
alt="Webstat Free Counter Tracker"

NORDIS WEEKLY
June 12, 2005

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Karagdagang badyet sa edukasyon, ngayon na! — ACT

BAGUIO CITY (Hunyo 3) — Nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers-Metro Baguio (ACT-MB) sa pamahalaan na wakasan na ang bangungot na taun-taong bumabagabag sa mga magulang, guro at mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.

Sinabi ni ACT-MB Coordinator Irene Nabunat, taun-taon na lang ay pinoproblema ang kakulangan sa guro, silid-aralan, upuan at iba pang pasilidad sa mga pampublikong paaralan.

Idiin ni Nabunat na mapupunan lamang ang kakulangang ito kung dadagdagan ang badyet para sa edukasyon. Aniya, ang kakulangan ng pondo ang puno’t dulo ng kakulangan sa pasilidad sa mga pampublikong paaralan.

Dagdag pa ni Nabunat, lalong lalaki ang kakulangang ito dahil inaasahang tataas na naman ang bilang ng mga mag-aaral ngayong pasukan. Nadaragdagan umano ng tatlong porsyento ang bilang ng mga mag-aaral dito sa lungsod kada taon.

Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) Baguio City Division Office tumataas ang bilang ng mga mag-aaral taun-taon.

Ayon kay DepEd City Planning Officer Robert Gonzales, 2-5 porsyento ang itataas ng bilang ng mga mag-aaral na papasok sa elementarya at 4-6 porsyento naman sa sekondarya ngayong taon.

Aminado rin si Gonzales na nangangailangan pa rin ng mga karagdagang guro, upuan at silid-aralan. Aniya, hindi gaanong magiging problema ang mga aklat ngayong taon dahil bukod sa alokasyon mula sa DepEd-Central Office ay may donasyon mula sa lokal na pamahalaan. Subalit sinabi niyang 2:3 ang ratio ng aklat noong nakaraaang taon.

Ayon sa ulat ng DepEd noong school year 2004-2005, kulang ng 1,080 upuan sa elementarya at 583 sa sekondarya. Kulang din ng 35 silid-aralan sa elementarya at 67 sa sekondarya sa school year ding nabanggit.

Hindi naman matiyak ni Gonzales kung ilan ang kulang na guro noong nasabing taon at kung ilan ang kakailanganin ngayong pasukan.

Subalit ayon sa ACT nangangailangan ng mahigit 500 karagdagang guro para sa elementarya at sekondarya ang buong rehiyon ng Cordillera. Nakabase umano ito sa ulat ng DepEd noong nakaraang school year.

Bukod pa dito, ang mga guro ay nahaharap sa limitado, kulang at makalumang mga sanggunian, pasilidad at laboratoryo.

Samantala, inirereklamo naman ng mga magulang ang mga babayarin sa mga pampublikong paaralan at ilang programa ng DepEd.

Ayon kay Myra Caguioa, convenor ng Movement for Quality Education (MQE) at may tatlong anak na nag-aaral sa pampublikong paaralan, ipinapasa ng pamahalaan ang responsibilidad nito sa mga magulang sa pamamagitan ng mga babayarin sa eskwela at ilang programa ng DepEd.

Sabi ni Caguioa, ang taun-taong binabayaran para sa Philippine National Red Cross at anti-TB ay responsibilidad pangkalusugan umano ng gobyerno at hindi dapat ipinapasa sa mga magulang. Aniya maging ang kontribusyon para sa ilang gastusin sa mga paaralan tulad ng para sa suweldo ng gwardiya at iba pang non-teaching personnel ay sa DepEd din dapat manggagaling.

“Kahit ang pagkukumpuni ng mga gamit at paglilinis sa mga paaralan bago magpasukan ay ipinapasa sa mga magulang,” dadag pa ni Caguioa.

Ang kakulangan pa rin sa badyet para sa edukasyon ang itinututuring na dahilan ayon kay Caguioa, kung bakit kinakailangang gumastos ng malaki ang mga magulang. Aniya, kung mas malaki ang badyet para sa edukasyon, matutustusan ng DepEd ang mga pangangailangang ito ng mga mag-aaral at hindi na kailangang problemahin pa ng mga magulang. # Kim Quitasol para sa NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next