BAGUIO NEWSBRIEFS
NORDIS WEEKLY
June 5, 2005

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Pangunahing suliranin sa kapaligiran, tinukoy

BAGUIO CITY (Hunyo 3) — Tinukoy ni Baguio City Mayor Braulio D. Yaranon ang tatlong pangunahing suliraning kinakaharap ng lungsod sa isang press conference kaugnay ng selebrasyon ng World Environment Day ngayong taon dito.

Ang in-migration, kawalan ng sapat na tubig at problema sa basura ang binigyang-diin ni Yaranon, sa hangarin nitong pangalagaan ang kapaligiran.

Sinabi niya na malaking salik ang pamumulitika sa pagpigil ng mabilis na pagdagsa ng mga tao mula sa ibang lalawigan.

Tinukoy din ni Yaranon ang malaking banta ng problema sa kawalan ng sapat na malinis at ligtas na suplay ng tubig. Ayon din sa kanya, di kailangan ang Bulk Water Supply Project dahil sasapat na, aniya, ang deep-well drilling.

Ang lumalalalang problema sa basura, ani Yaranon, ang isa sa mga prayoridad ngayon ng syudad. Naumpisahan sa lungsod, kamakailan ang paghihiwalay ng mga basurang nabubulok sa di nabubulok.

Nilinaw rin ng alkalde ang tayo nito laban sa iligal na pamumutol ng mga punong-kahoy sa syudad. Sinabi niyang ang mga patay nang puno ang maaaring putulin para maiwasang ang pagkaubos ng mga pine tree sa lungsod. # Robert Tabay/DzEQ

* * * * *

1,000 demolition order, di naipatupad

BAGUIO CITY (Hunyo 3) — Hindi naipatupad ang humigit-kumulang 1,000 demolition order mula pa sa nakaraang administrasyon ng lungsod ng Baguio sa di pa maipaliwanag na mga dahilan.

Inamin ni Mayor Braulio D. Yaranon na malaki ang backlog ng syudad sa implementasyon ng mga naturang order, partikular sa mga lugar na bahagi ng lupaing publiko na pinasok na ng mga iligal na istruktura.

Nahirapan umano ang mga magpapatupad sa naturang mga order dahil ang ilan sa mga residente ay nakakuha ng temporary restraining order (TRO), habang ang ilan ay nakakuha ng patunay na ang mga ito ay nakatira sa lupaing ninuno. # Joseph Cabanas/DzEQ

* * * * *

Mga doktor, nanawagan laban sa Dengue

BAGUIO CITY (Hunyo 2) — Nanawagan kamakailan ang mga awtoridad ng Baguio City Health Services Office sa pamamagitan ni Dr. Florence Reyes laban sa sakit na dengue. Pinangangambahan ng mga duktor ang posibleng pagkalat ng mga sakit gaya ng flu-like diseases, maliban sa dengue, lalo na’t nag-umpisa na ang tag-ulan.

Tinukoy ni Reyes ang kahalagahan ng paglilinis sa mga estero, kanal at gutter at sa loob ng bahay at kapaligiran para maiwansan ang pamumugad ng mga lamok.

Bagama’t paisa-isa ang mga kaso ng dengue sa syudad, possible aniyang dumami ang mga ito dahil sa maagang tag-ulan.

Nanawagan si Reyes na ipagpatuloy ang clean-up drive sa mga barangay, maliban sa paglilinis sa mga bahay tuwing alas-kuwatro ng hapon. # Rowena Caccam/DzEQ


Home | Back to top

Previous | Next