<script
type="text/javascript" language="javascript" src="http://www.webstat.net/java.php?user=15312"></script><noscript> <a href="http://www.webstat.net/v/" target="_blank"> <img src="http://www.webstat.net/webstat.php?user=15312" alt="Webstat Free Counter Tracker" |
NORDIS
WEEKLY May 29, 2005 |
||
Previous
| Next |
|||
Ang tinubong ng Ilokos |
|||
BAGUIO CITY (Mayo 25) — Kung
sikat sa Katagalugan ang kanilang puto-bumbong, masarap na tinubong na ginagawa
sa Vigan City naman ang bida sa Ilokandia.
Ang tinubong ay isa sa mga paboritong kakanin ng mga Ilokano. Noon, ito’y matitikman lamang tuwing may espesyal na okasyon tulad ng pista, kaarawan, Pasko at Bagong Taon Ayon kay Manang Cesarina Miranda, 51 taong gulang ng Sto. Tomas, Sto. Domingo, Ilocos Sur, ang tradisyonal na pagluluto ng tinubong ay gaya ng pagluluto ng litson na iniikot sa nagbabagang uling hanggang sa ito ay maluto. May dalawang uri ng tinubong – maliban sa kakanin, puwede ring kanin at ulam ang nasa loob nito gaya ng dati nang ginagawa ng mga nagpipiknik sa bundok at ilog. Sabi pa ni Manang Cesarina, para sa mga Ilokano, ang paggawa ng tinubong ay tuwing may importanteng okasyon lamang. Pero sa paglipas ng panahon at pahirap nang pahirap ang kabuhayan, unti-unti itong naging negosyo sa ilan. Malaking tulong ito sa mga Ilokano lalo na sa mga walang trabaho. Karamihan sa kanila ay iniluluwas ito sa mga syudad at probinsya gaya ng La Union, Abra, Pangasinan, Nueva Ecija, Baguio City, Isabela, Nueva Vizcaya, at Cagayan. “Ako ay nag-umpisang gumawa ng tinubong sa 30 piraso sa taong 2000 katulong ang aking dalawang anak. Ito ay naging 50 piraso hanggang sa nagkaroon na ako ng puwesto sa amin at nang lumaon ay nagkapuwesto rin sa Vigan dahil dumami na ang mga kumukuha sa akin,” aniya. Kinagigiliwan din ito ng mga turista na nagmumula sa ibang probinsya. Kuwento pa ni Manang Cesarina, marami na sa kanila sa Vigan ang nagtitinda ng tinubong lalo na sa mga tourist spots tulad ng Pagburnayan, kung saan ginagawa ang mga Ilokano clay jars na pinag-iimbakan ng mga lokal na suka at alak tulad ng basi. Pinaglalagyan din ng bagoong at ginagawang mga dekorasyon sa bahay. Nagtitinda rin sila sa may Crisologo Museum na pag-aari ng mga kilalang pamilya Crisologo, at sa Plaza Burgos Museum na may mga Ilokano artifacts at sining ng mga Tinggians at iba pa. Ayon naman kay Manang Sally Banayton, 37, taga-Tayum, Abra, tatlong taon na siyang nagtitinda ng tinubong sa iba’t-ibang lugar at ito’y kinukuha niya sa Three Sisters sa Vigan City. “Nag-umpisa rin akong magbenta ng 35 piraso, mahirap maubos sa una, hanggang sa umaabot sa 60 piraso sa limang araw,” kuwento ni Manang Sally. “Ipinapasa sa akin ang isang tinubong sa halagang P25 at ibinebenta ko ng P35 o tatlo sa P100. Kapag Linggo, nakakapagbenta ako ng 25 hanggang 30 piraso. Sa nakaraang Panagbenga, nakabenta lang ako ng 150 piraso dahil walang gaanong bisita. Hindi kagaya sa mga nakaraang taon na nakabenta ako ng 350 hanggang 400 piraso,” aniya. Taong 2002 nang mag-umpisa siyang magtinda sa Baguio. Galing na siya sa Nueva Ecija, Pangasinan at La Union. Kagaya ng ibang sidewalk vendors, palipat-lipat si Manang Sally sa Session Road at Harrison Road. “Wala kang dapat ikabahala sa tinubong dahil ang shelf life nito ay limang araw at isang linggo naman sa espesyal na order kaya may pag-asa pa rin na maitinda lahat bago mapanis ang mga ito,” dagdag ni Manang Sally. May plano siyang gumawa ng tinubong para mas malaki ang kita. Aniya, sa panahon ngayon, dapat umasa sa sariling kakayahan at huwag lang sa gobyerno dahil wala rin silang magagawa para matulungan ang mga mahihirap. Naranasan na rin ni Manang Cesarina na makisali sa mga trade fair ng Department of Trade and Industry (DTI) na inilulunsad sa iba’t-ibang lugar. Maraming mga maliliit na negosyante ang gustong mag-export ng tinubong dahil sa katunayan, maraming turista sa ibang bansa ang gustong umorder. Limang araw lang ang shelf life nito kaya di puwedeng i-export. “Ang masasabi ko sa mga gustong magnegosyo, hindi dapat pinababayaan
ang pamamalakad nito malaki man o maliit na negosyo. Dito natin naipapakita
sa ating gobyerno na dahil sa sarili nating kaalaman at kakayahan ay kaya
nating mabuhay,” pagtatapos ni manang Cesarina. # Johnny Fialen
para sa NORDIS |
Ang paggawa ng tinubong Ang ibig sabihin ng tinubong ay ang paglalagay at pagluluto ng kakanin sa loob ng tubong o kawayan. Ito ay mula sa pinaghalong sangkap ng buko, asukal, mantikilya, keso at giniling na malagkit. Sa paggawa ng tinubong, inihanda muna ang mga sangkap (gaya ng giniling na malagkit, kinayod na buko,keso, mantikilya at asukal.) Inihahanda rin ang mga tubong o kawayan. Kailangang linisin itong mabuti tulad ng paglilinis sa feeding bottle na ginagamit ng sanggol. Pinaghahalo ang mga sangkap at inilalagay ito sa tubong.
Iwasang mapuno ang kawayan dahil kailangang maglaan ng one-fourth na espasyo
para sa pag-alsa ng malagkit. |
||
Previous
| Next |
|||