<script type="text/javascript"
language="javascript"
src="http://www.webstat.net/java.php?user=15312"></script><noscript>
<a href="http://www.webstat.net/v/" target="_blank">
<img src="http://www.webstat.net/webstat.php?user=15312"
alt="Webstat Free Counter Tracker"

NORDIS WEEKLY
May 22, 2005

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

BWSP, lantarang tinutulan

BAGUIO CITY (May 17) — Tumataginting ang boses ni Maura Almoza nang humarap ito sa mga opisyales ng Baguio Water District (BWD). Aniya, “Galing ako mismo sa affected community. Kakaunti na nga lang ang tubig sa amin, kukunin pa ninyo dito sa Baguio? Kung sinasabi ninyo na hinihintay ninyo ang rainfall, bakit hindi ninyo itayo [ang reservoir] dito mismo sa Baguio?”

Ito rin ang ilan sa mga hinaing ng mga residente ng Itogon at Baguio sa ginanap na pagdinig hinggil sa Bulk Water Supply Project (BWSP) na pinangunahan ng Committee on Public Utilities, Transportation and Traffic Legislation ng lungsod noong Martes, Mayo 17. Dumalo ang mga kinatawan ng BWD mga miyembro ng Pro-Consumers at Tongtongan ti Umili, at mga residente ng Baguio at Itogon.

Isinumite ni Chie Galvez, tagapagsalita ng Pro-Consumers ang nakalap nilang 1500 na lagda mula sa mga residente ng Itogon at maging dito sa Baguio laban sa BWSP. Bukod dito, inihain din ng Pro-Consumers ang mga dahilan ng pagtutol nila sa BWSP. Una na rito ang hindi magandang resulta sa isinagawang pagsusuri sa tubig. Ayon umano sa pagsusuring inilabas ng University of the Philippines Natural Sciences Research Institute (UPNSRI), ang tubig ay nagtataglay ng mga mineral na makakasama sa kalusugan tulad ng lead at mercury.

Ilan pa sa mga punto ng Pro-Consumers sa paglaban sa BWSP ay ang hindi abot-kayang presyo ng tubig. Ayon kay Galvez, kung matutuloy ang proyekto, maaaring tumaas ang presyo ng tubig nang mahigit pa sa 100% sa kabila ng walang katiyakang makararating ito sa mga tahanan. Hindi pa umano handa ang mga pasilidad ng BWD upang magamit nang maigi ang bulk water. Kinukwestiyon ng Pro-consumers pati na rin ang pampinansiyal na kakayahan ng BWD na linisin ang tubig bago gamitin ng mga tao.

Sinabi pa ni Galvez na walang maasahan sa pondong manggagaling sa Local Water Utilities Administration (LWUA) dahil hindi na diumano ito nakatatanggap ng suporta mula sa pamahalaan.

Matapos ang mahabang paghihintay upang makuha ang panig ng BWD, hindi tuwirang sinagot ng mga kinatawan nito ang mga isyung iniharap ng Pro-Consumers. Ngunit iginigiit nila na ang BWSP lamang ang sagot sa malaking problema sa tubig na kinakaharap ng Baguio.

Hindi rin nakadalo ang mga kinatawan ng Benguet Corporation (BC), inhinyero at mga health officials na inaasahang makapagpapaliwanag sa teknikal na aspeto ng BWSP.

Dismayado ang mga miyembro ng Pro-consumers sa kinalabasan ng public hearing dahil hindi nito natugunan ang mga katanungan. Inasahan ng mga itong magpaliwanag ang BWD at BC ngunit tumanggi ang mga kinatawang ipaliwanag ang mga isyu na anila ay masyadong teknikal.# Charissa D. Gonzales and Kristine Marie V. Torres, UP Baguio interns for NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next