|
NORDIS
WEEKLY May 8, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Tigil-paggawa inilunsad sa Bataan economic zone |
||
MARIVELES, Bataan (Mayo 3) — Sa loob ng mahigit sampung araw, patuloy ang protesta ng mga manggagawa ng Phil Korea Sports Inc., isang paggawaan ng kasuotang pang-sports sa Bataan Economic Zone (BEZ) laban sa pamunuan nito at sa diumano’y di makataong pagtrato sa mga empleyado. Matapos tanggalin sa pwesto si Noel de Mesa, pangulo ng unyon ng mga manggagawa nang walang kaukulang proseso, tumigil sa pagtatrabaho ang iba pang opisyal ng unyon at ang ilan sa mga manggagawa bilang protesta. Dahil dito, ibinaba ng pamunuan ng Phil Korea ang preventive suspension para sa 180 kataong sumali sa tigil-paggawa. Ayon kay Normelita Reano, ang tumatayong tagapagsalita ng unyon, pinigil rin ng may-ari ng kompanya na si Ji Do Park ang paglalabas ng sahod ng mga manggagawang sumali sa protesta. Kabilang ang berbal at pisikal sa pang-aabuso, diskriminasyon, pahirapang pagkuha ng sick leave, at mababang pasahod sa iba pang mga idinadaing ng mga empleyado. Ayon kay Reano, sila ay sumasahod ng P224.50 kada araw. Ang dagdag na P20 na matagal nang naibaba ng gobyerno ay napigil ng pagsusumite ng kompanya ng exemption sa Regional Wage Board dahil ito umano’y nalulugi. Noong nakaraang ika-24 ng Pebrero, naghain ng Notice of Strike ang unyon sa National Conciliation and Mediation Board laban sa unfair labor practice na ipinatutupad ng Phil Korea. Sa naganap na mga pagdinig sa kaso, umasa ang mga manggagawa na haharapin ng kompanya ang mga reklamo ngnit ayon sa mga empleyado, lalo pang lumala ang pagtrato sa kanila ng may-ari. Ayon sa kanilang inilabas na pahayag, ang Phil Korea Sports Inc. Employees Association (PKSIEA) ay limang taon nang nakarehistro sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE). Sa loob ng limang taon, walang naitalang Collective Bargaining Agreement (CBA) dahil pinipigil umano ito ni Park. Ang mga negosasyon ay naganap lamang sa pagitan ni Park at ng Labor Management Committee kung saan napagkasunduang maglabas ng memorandum ukol sa kahilingan ng mga manggagawa. Ngunit ayon na rin kay Reano, wala umanong natupad isa man sa mga ito. Ngunit ayon kay Digna Torres, tagapamahala ng BEZ, ang lahat ng mga mga reklamo ng mga manggagawa ay puro alegasyon lamang at patuloy pa ring pinasusubalian ni Park. Ang Philippine Economic Zone Authority ay tumatayong tagapamagitan ng mga investor at mga empleyado kung kaya’t ang anumang hiling ng unyon ay matagal na diumanong naipaabot sa pamunuan ng Phil Korea. Ngunit hindi umano sila maaaring makialam sa imbestigasyon dahil ito at ang mga kaukulang desisyon ay nakasalalay sa kamay ng DOLE. Upang tuluyang ikonsidera ang pagbabalik sa nabinbing trabaho, hinihiling ng unyon na ibalik sa posisyon ang mga manggagawang tinanggal at sinuspinde. Nais din nilang itigil ang harassment, diskriminasyon at tangkang pagbubuwag sa unyon. Bukod pa dito, nais nilang makuha na ang pinigil na sahod ng mga manggagawa at ihinto ang malawakang pagsuspinde. Sa pangkalahatan, ibig nilang igalang ang kanilang mga lehitimong karapatan, hindi lamang bilang trabahador kundi bilang tao. # Charissa Gonzales, UP intern for NORDIS |
||
Previous | Next |