<script type="text/javascript"
language="javascript"
src="http://www.webstat.net/java.php?user=15312"></script><noscript>
<a href="http://www.webstat.net/v/" target="_blank">
<img src="http://www.webstat.net/webstat.php?user=15312"
alt="Webstat Free Counter Tra
NORDIS WEEKLY
May 8, 2005

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Araw ng Paggawa sa Cagayan Valley, inulan ng protesta

TUGUEGARAO, Cagayan Valley (Mayo 3) — Sa kabila ng pasismo ng militar sa Isabela at init ng sikat ng araw, hindi napigilan ng mamamayan dito na tumungo sa lansangan para makiisa sa pambansang protesta bilang paggunita sa Araw ng Paggawa noong Mayo 1. Mahigit 500 katao ang nakiisa sa naturang pagkilos.

Kinondena ng mga raliyista ang pagwawalang-bahala ng Malacañang sa pagtugon sa mga batayang pangangailang ng mga mamamayan at pagdinig sa demokratikong kahilingan nila.

Ayon kay Allan Parica ng NAFLU-KMU dito, hanggang ngayon ay malabo pa rin ang matagal na nilang hinihinging P125 across-the-board nationwide dagdag pasahod. Kasabay umano ng pagiging sunud-sunuran ng kasalukuyang administrasyon sa Estados Unidos ay ang lantaran nitong pagpapabaya sa kanyang mamamayan.

Ayon naman kay Melchor Batalla, tagapangulo ng Danggayan Ti Mannalon iti Isabela, hindi na kayang sikmurain ng mamamayan ang krisis na kanilang nararanasan at ang patuloy na pagbibingi-bingihan ng gobyernong Arroyo sa kahilingan ng mga magsasaka,

Idinagdag pa ni Batalla na hindi na makaagapay ang mga maliliit na magsasaka sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga bilihin. Sinabi pa nitong imbes na tugunan ng pamahalaan ang kanilang kahilingan ay kabaliktaran ang nangyayari dahil sa puro kontra- mamamayan ang mga programa na lalong naglalagay sa kanila sa kumunoy ng kahirapan.

Sa pahayag ni Delai Padilla ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) dito, iisa lamang ang kahilingang ng lahat ng mga sektor ng lipunan na dumalo sa naganap na kilos protesta ay patalsikin sa poder ang rehimeng Arroyo. Ayon sa Bayan, si GMA ay sagadsaran ang pagkatuta sa mga dayuhang namumuhunan. Hindi niya umano isinasa-alang-alang ang kalagayan ng mga mamamayan.

Tinuligsa ng Bayan ang mga anti-mamamayang programa ng pamahalaan kagaya ng karagdagang value added tax (VAT) at national ID system. Kinondena rin ng naturang organisasyon ang kawalan ng kibo ng pamahalaan sa pagpatay sa mga miyembro at lider ng mga progresibong organisasyon na tumutuligsa sa pamahalaan.

Pinangunahan ng Bayan Muna, Anakpawis, NAFLU-KMU, Kagimungan , Dagami, Danggayan Ti Mannalon iti Isabela, Karapatan, Gabriela, Gabriela Women’s Party, Piston, Anakbayan, League of Filipino Students, Anak ng Bayan at ng Student Christian Movement of the Philippines sa Cagayan Valley ang kilos-protesta noong Mayo 1. # Michael Agonoy para sa NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next