<script
type="text/javascript" language="javascript" src="http://www.webstat.net/java.php?user=15312"></script><noscript> <a href="http://www.webstat.net/v/" target="_blank"> <img src="http://www.webstat.net/webstat.php?user=15312" alt="Webstat Free Counter Tra |
NORDIS
WEEKLY May 8, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Kababaihan, nakiisa sa Mayo Uno protesta |
||
BAGUIO CITY (May 1)— Kasabay ng mainit na pagsalubong ng mga militanteng grupo sa isang malawakang kilos-protesta noong Mayo 1 upang kondenahin ang kalunus-lunos na kondisyon ng mga manggagawa, hindi nagpahuli ang ilang grupo ng mga kababaihan sa pagsigaw ng kanilang mga karapatan bilang isang mahalagang sektor ng paggawa. Sa isang pahayag, sinabi ni Innabuyog-Gabriela Secretary-General Vernie Yocogan-Diano na ito ang panahon upang gunitain ang mahalagang partisipasyon ng mga kababaihan sa hanay ng pang-ekonomiyang pag-unlad. Idinagdag niya na sa kabila ng iba’t- ibang problemang kinakaharap ng mga babae tulad ng kakulangan sa sweldo, benepisyo, seguridad sa paggawa at ilang uri ng pang-aabuso, dapat paigtingin pa rin ang pagkakaisa ng mga babae upang kumilos at labanan ang mga nasabing salot na ito. Ayon sa pinakabagong pag-aaral noong Abril 27 ng National Statistical Coordination Board (NSCB) dito sa rehiyon, 128,178 ang kabuuang populasyon ng mga kababaihan sa lungsod ng Baguio kung saan 41.9% nito ang aktibong nakikilahok sa sektor ng paggawa ngunit hindi pa rin maitatanggi na may 15.9% ang walang trabaho. Nasaksihan din ni Manang Betty ang pakikibaka ng mga minero ng Lepanto Consolidated Mining Company (LCMCo). Sa bawat protestang itinaguyod ng mga minero, nasa likod si Manang Betty upang suportahan ang pakikibakang pinili ng kanyang asawang si Ka Matthew, dating minero ng Antamok Mines na noon ay isang organisador sa hanay mga minero sa LCMCo. Yumao noong 2000 si Ka Matthew ngunit ito’y hindi naging hadlang sa pamilya ni Manang Betty upang ituloy ang maka-manggagawang simulain. “Nung mamatay ‘yung asawa ko, mas lalo kaming nagkaisa. Syempre, itinuloy pa rin namin yung pinaglalaban namin. Kahit wala na siya parang lagi lang siyang nandiyan, tumutulong pa rin,” dagdag ni Manang Betty. Simula noon, taun-taon ng nakikilahok si Manang Betty sa mga kilos-protesta upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Naniniwala siya na ito ay isang mahalagang aksyon upang ipahayag ang mga saloobin at hinaing sa mga kinauukulan. Dagdag ni Manang Betty na sa bawat paglahok sa mga ganitong gawain, marami siyang natutunan at ito ang hindi niya malilimutan. Ang nasabing pakikilahok ay ibinukas din niya sa kanyang mga anak at mga apo upang maimulat din sila sa kasalukuyang sitwasyon ng lipunan. Sa ngayon, si Manang Betty ay naglilingkod sa isang cultural training center. Siya ay masaya, payapa at walang pagsisisi. Habang naghahanda ang mga manggagawa ng LCMCo sa nalalapit na welga, nariyan ang isang magiting na maybahay ng isa ring minero na si Victoria Afangka, mas kilala bilang Manang Vicky. Sa isang pahayag, iginiit niya na sana’y magkaisa ang mga maybahay tulad niya na suportahan ang desisyon ng kanilang mga asawa laban sa korporasyon. Ito’y hindi lamang sa kanilang sarili kundi para na rin sa lahat ng mga nangangailangan. Idinagdag din ni Manang Betty na sa ngayon, mahirap ang mabuhay dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin at ilang pangunahing pangangailangan. Pilit niyang ipinagkakasya ang kapiranggot na sweldo ng asawa upang sustentuhan ang kanilang dalawang anak na sina Aimeleen at Ronald. “Sana maintindihan ng mga anak namin ang aming sitwasyon. Dapat magtipid dahil baka bukas wala na kaming makain. Buti na lang may mga organisasyong tumtulong upang malaman talaga namin yung tunay na kalagayan ng pinaglalaban namin,” dagdag ni Manang Vicky. Tugon ng DOLE Sa kabila ng protesta ng mga manggagawa, iginiit ng bagong Department of Labor and Employment (DOLE) Regional Director Jalilo O. dela Torre na tinutugunan nila umano ang mga isyung kinakaharap ng mga manggagawa. Kaugnay ng karagdagang pasahod, binanggit ni Dela Torre na alam na ng lahat na kailangan ng magtaas ng sahod pero hindi pa sigurado kung magkano ang puwedeng ipagkaloob. Inaasahang makakabuo ng desisyon ang Regional Wage Board ukol dito. Magsasagawa ang DOLE ng mga hearing at wage consultations sa iba’t ibang panig ng Cordillera mula May 13-18. Ang nasabing pagtitipon ay isang mahalagang tugon ng gobyerno upang solusyunan ang problema ng manggagawang sektor. Inaanyayahan din ang publiko na ipahayag ang kanilang mga posisyon tungkol sa isyung ito. Sa usapin ng diskriminasyon sa paggawa ng mga kababaihan, ipinahayag ni dela Torre na ito ay hindi sinasang-ayunan ng batas. Nangako siyang aaksyunan ang mga hinaing na idinudulog sa kanyang tanggapan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng inspeksyon sa mga kompanyang inirereklamo. Hihingan din ng masidhing paliwanag ang mga may-ari ng mga kompanyang sangkot sa isyung ito. Sa kasalukuyan, bibigyang pansin at prayoridad ng administrasyon ni dela Torre ang employment generation sa buong rehiyon. # Maria Rica Alminiana Lumangcas/UP Baguio Intern for NORDIS |
||
Previous | Next |