|
NORDIS
WEEKLY April 24, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Tsuper at operator sa Baguio, nakiisa sa tigil-pasada |
||
BAGUIO CITY (April 18) — Tinataya ng Pagkakaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide-Metro Baguio (PISTON-MB) na 50% ng transportasyon dito sa lungsod ang naparalisa sa tigil pasadang idinaos noong Abril 18 kaugnay ng pambansang araw ng protesta laban sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis. Ayon kay Lito Wayas, pangulo ng PISTON-MB, dalawa sa apat na trunk line ang naparalisa ang biyahe samantalang may slow down sa dalawa pang linya. Ang naparalisa ay ang red trunk line, na kinabibilangan ng mga jeepney na bumibiyahe sa rutang Mines View, Navy Base, Pacdal at Beckel. Naparalisa rin ang biyahe ng mga jeep na bumibiyahe sa rutang Baguio-La Trinidad na dumadaan sa Bokawkan road at may slow down sa mga dumadaan ng Magsaysay Avenue. Sinabi ni Wayas na mas marami pa sana ang sumama sa kilos protesta kung hindi nagbanta si Perfecto Itliong Jr., pangulo ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association in the Philippines-Baguio-La Union (FEJODAP-BLU) na makakansela ang prankisa ng mga sasali sa tigil pasada. Nagtataka ang pamunuan ng PISTON-MB sa hindi pagsali ng FEJODAP-BLU sa tigil pasada ngayong araw dahil nagpahayag sila ng pakikiisa sa nasabing kilos protesta. Maliban sa tigil pasada, isang martsa-rali na nagtapos sa isang maikling programa ang isinagawa ng mga driver at ilang militanteng sektor dito sa lungsod sa pangunguna ng PISTON-MB. Nagmartsa ang nasabing grupo sa kahabaan ng Session Road at Magsaysay Avenue patungo sa Igorot Park, dito sa central business district. Hindi na humingi ng dagdag na pasahe ang grupo ng PISTON dahil kailangan umanong isa-alang-alang ang kalagayan ng mga pasahero. “Ang gobyerno na ang dapat kumilos at gumawa ng paraan upang maibsan ang paghihirap ng mga driver at mamamayan,” aniya. Pag-roll back sa presyo ng langis at pagbasura sa Oil Deregulation Law ang mga partikular na panawagan ng PISTON. Dagdag pa ni Wayas, sinusuportahan din ng PISTON ang hinihinging dagdag sweldo ng mga manggagawa at kawani ng pamahalaan para kung sakaling humingi ang grupo nila ng karagdagang pasahe ay hindi magiging mahirap para sa mamamayan. Aniya kung hindi tutugunan ng pamahalaan ang kanilang kahilingan, malamang ay dagdag pasahe ang kanilang huling option. Hiningi rin ng mga driver sa mga pasahero at kapwa drivers na unawain ang kanilang ginawang kilos protesta. Ayon kay James Pay-an, pangulo ng La Trinidad Jeepney Operators Association, ang kanila lang ay public service at hindi negosyo. Aniya sa taas ng presyo ng langis ay hindi na nila mapagkasya ang kanilang kinikita kaya sila sumama sa strike para mapabuti ang kanilang kalagayan. Hinikayat din ni Pay-an ang ibang asosasyon ng tsuper sa lungsod na makiisa sa kanilang hangarin at kilos protesta. Nangangamba ang PISTON na maaring umabot sa P40 kada litro ang langis bago magtapos ang taong ito kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo nito. Ayon sa datos ng grupo, pitong beses nang tumaas ang presyo ng langis nitong unang kwarto pa lamang ng taon. Ayon pa sa grupo ang kartel ng langis na kinabibilangan ng Petron, Caltex at Shell ay walang habas na sinisipsip ang natitirang dugo, pawis at luha ng mga tsuper at maliliit na operator. Sinasabi rin ng grupo na walang ginagawa ang pamahalaan upang protektahan ang mga tsuper. # Kim Quitasol para sa NORDIS |
||
Previous | Next |