|
NORDIS
WEEKLY April 24, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Tigil-pasada sa Cagayan, matagumpay |
||
TUGUEGARAO CITY (Abril 19) — Isang malaking tagumpay ang tigil-pasada dito sa Cagayan Valley noong Abril 18 laban sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis na pinamunuan ng PISTON-Cagayan Valley (PISTON-CV). Naglunsad ng koordinadong kilos protesta ang PISTON sa apat na estratehikong sentrong urban upang igiit ang kagyat na pagpapatigil sa pagtaas ng presyo ng langis, pag rollback sa presyo nito noong 2003, pagbabasura ng Oil Deregulation Law at pagsasabansa sa industriya ng langis. Sa Ilagan, Isabela naglunsad ng piket-rali sa Bonifacio Park ang mahigit 100 jeepney drivers na suportado ng Kadamay, Bayan-CV, Dagami, Karapatan at Social Action Center ng Diocese ng Ilagan. Nagtipon-tipon ang mga nakaparadang jeepney sa parke at hindi na namasada bilang pakikiisa sa pagkilos. Matapos ang rali, naglunsad ng caravan ang 15 na dyip sa sentro ng Ilagan. Napatigil ang 80% ng biyaheng Sentro-Ilagan. Sa bayan ng San Mariano, paralisado ang transportasyon at lubusang nakiisa sa tigil-pasada ang mga tsuper ng mga sasakyang papasok at papalabas dito. Sa Santiago City, nagkaroon ng piket-rali at noise barrage ang mahigit 50 magsasaka, estudyante at kawani ng gobyerno sa palengke. Nakiisa sa noise barrage ang mga tricycle at jeepney drivers na nakahimpil sa kanilang paradahan. Sa Tuguegarao City, mahigit 70 magsasaka, estudyante at iba pang sektor na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis ang nagpiket-rali sa Don Domingo bago nagmartsa papuntang plaza, Rizal Park, at paradahan ng Carig. Nakiisa rin sa noise barrage ang napakaraming drivers sa dinaanang mga paradahan ng tricycle at dyip. Mahigit 100 din ang nag-rali sa Heroes Park sa Solano, Nueva Vizcaya bago nagmartsa-caravan ang 14 dyip sa Sentro Solano. Nagpiket din ang mga driver sa mga interseksyon at paradahan ng papuntang Kiangan at Bayombong. Sinuportahan ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) at United Methodist Church (UMC) ng Solano ang naturang pagkilos. Sa pambansang saklaw, nagresulta umano ng 90-100% paralisasyon ang tigil-pasada ng PISTON. Ayon kay Nardito Franada ng PISTON-CV, naghuhudyat ito ng papatindi, papalakas at papalawak na pagtutol ng mamamayan sa pagpiga ng Petron, Caltex, at Shell sa nakalugmok na kabuhayan ng mamamayan. Sa isang pahayag, pinuna ng PISTON-CV ang pamahalaang Arroyo sa pakikipagsabwatan nito umano sa oil cartel sa paghuthot sa kita ng mga tsuper.” Kinondena rin ng PISTON-CV ang alok ng gobyernong fare hike, dahil “bagamat karapatan ito ng mga tsuper, hindi nito tinutugunan ang mas malawak na suliraning kinakarap nila”. # NORDIS-Cagayan Valley |
||
Previous | Next |