NORDIS WEEKLY
April 17, 2005

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Tigil-pasada, inanunsyo ng PISTON

BAGUIO CITY (Abril 15) — “Matagal nang nakatambay ang jeep ko, hindi na makapamasada dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo”.

Ito ang kwento ni Carlito Wayas, drayber, at pangulo ng lokal na tsapter ng PISTON (Pagkakaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide) dito sa syudad.

“Ang kikitaing P1,200 sa loob ng 12 hanggang 14 oras ng pamamasada ay makakaltasan pa ng gastusin sa krudo na aabot naman ng P600 hanggang P700. Nariyan pa ang boundary na kakain ng halos P400, depende sa ruta. Sa kalauna’y nasa P100 hanggang P150 na lamang naiiwan para sa amin”, aniya.

Marami naman sa mga kasamahang drayber ni Fernando Eukan, treasurer ng PISTON at kasapi ng PPCODA ang nag po-por dia para sa karagdagang sahod.

Ito na ang kalagayan ng mga drayber sa lungsod na Baguio sanhi ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Mula Enero ngayong taon, pitong beses tumaas ang presyo ng langis na umabot umano sa P3.50 kada litro ng diesel, gasoline, kerosene at Liquefied Petroleum Gas (LPG), ayon sa PISTON.

Kaugnay nito, inihayag ng PISTON dito na maglulunsad ng isang tigil-pasada sa Abril 18 bilang bahagi ng isang pambansang kilos-protesta laban sa pagtaas ng presyo ng langis.

“Hindi tayo mananawagan ng fare increase dahil hindi na ito kakayanin pa ng mga mamamayan”, banggit ni Wayas. Idiniin ng lider ng PISTON na gobyerno ang dapat managot sa suliraning ito, kung saan ipinanawagan nilang dapat nang ibasura ang Oil Deregulation Law.

Ipinaliwanag ni Wayas na sa kabila ng fare increase ng P1.50 nitong nakaraang taon, kinain naman ito ng pagtaas ng presyo ng langis.

Tinatayang 14 na mga kasaping asosasyon ng PISTON ang sasama sa tigil-pasada. Magsisimula ito ng alas-9 ng umaga. Sa minimum, tatlong oras ng tigil-pasada ang tina-target ng PISTON. Posibleng maparalisa ang mga ruta ng Pacdal, Beckel, Mines View, Ma. Basa, at Navy Base sa lungsod at mga ruta ng La Trinidad-Bokawkan at Magsaysay.

Sasabayan ito ng isang martsa-rali ng mga maralitang taga-lungsod sa pangunguna ng Organisasyon Dagiti Nakurapay nga Umili ti Syudad (ORNUS) na magmumula sa City Post Office patungong Igorot Park.

Magsasagawa rin ng tigil- pasada ang ibang tspater ng naturang organisasyon sa iba pang probinsya.

Nanawagan ang PISTON ng pagsasabansa ng industriya ng langis at pagbasura ng Oil Deregulation Law, sapagka’t ito umano ang nagsilang ng paghihirap ng mga drayber, maging ang publiko.

Sa Kongreso, ipinasa naman ng Anakpawis Partylist ang House Bill 1065 kaugnay ng pagbabasura ng Oil Deregulation Law.

Nitong nakaraan, nagpasa na rin ng mga petisyon ang PISTON sa gobyerno upang harapin nito ang problema ng oil deregulation. Sa kabila nito, walang naging tugon ang pamahalaan.

Inihayag ni Wayas na dahil nananatiling bingi ang pamahalaan sa kabila ng ating mga hinaing at protesta, nararapat lang na dalhin sa mas mataas na antas ng pagkilos ang isyu ng Oil Deregulation at mga epekto nito di lamang sa mga konsyumer, drayber, at operator kundi sa mga mamamayang Pilipino. Nagpahayag din ang pagtutol ang PISTON sa nakaambang pag-apruba ng 12% value added tax. # ATB para sa NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next