|
NORDIS
WEEKLY April 10, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Misa para sa katarungan at kapayapaan |
||
BAGUIO CITY (Apr.7) — Katarungan at mabilis na pagresolba sa kaso. Ito ang kahilingan ng pamilya, kaibigan at katrabaho ni Bayan Muna Ilocos Regional Coordinator Romy Sanchez na pinaslang noong Marso 9 dito sa syudad. Isang misa, wreath laying at candle lighting ceremony ang inialay ng mga kaanak at kaibigan ni Sanchez para sa kanya sa Kayang Street, sa mismong lugar kung saan siya binaril. Ang misang ito ay bahagi rin ng isang pambansang protesta laban sa tumitinding pagpatay at harassment sa mga lider at miyembro ng mga progresibong organisasyon. Ang misa ay pinangunahan ni Rev. Eddie Zuñiga, vice-president ng Ilocos Human Rights Advocates (IHRA), Rev. Fe Ramos ng United Church of Christ in Philippines (UCCP) at Fr. Benedict Rimando ng Missionaries of Jesus. Ayon kay Elvie Sanchez, asawa ng biktima, si Sanchez ay isang mabuting asawa at mapagmahal na ama. Aniya, hindi sila kailanman pinabayaan ni Romy. Umapila rin si Elvie sa mga tindero at mamimili sa naturang lugar na nakasaksi sa pagpaslang ng kanyang asawa na makipagtulungan sa imbestigasyon para sa mabilis na pagresolba ng kaso. Aniya, huwag sanang mangibabaw ang takot sa mga nakasaksi dahil hindi naman masamang tao ang kanyang asawa. Dagdag pa ni Elvie, nakipag-ugnayan na rin sila sa Baguio City Police Office (BCPO), National Bureau of Investigation (NBI) at Commission on Human Rights (CHR) para sa pagresolba sa kaso at pagkamit ng katarungan sa pagkamatay ng kanyang asawa. Dumalo sa misa ang kinatawan at miyembro ng mga progresibong organisasyon at party list dito sa lungsod. Nakiisa rin ang ilang tindero at mamimili. Samantala, kamakailan lamang ay ibinunyag ng Cordillera Police Regional Office na isang Alvin Binuya ang suspek sa pagpasalang kay Sanchez. Subalit hanggang ngayon ay wala pang warrant of arrest na inilalabas para sa nasabing suspek. Paliwanag ni Philippine National Police Director General Arturo Lumibao kailangang magsampa muna ng complaint ang pamilya ni Sanchez sa BCPO bago magpalabas ng warrant. Ayon din kay Lumibao, binuo na ang Task Force Romy Sanchez ng PNP at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dito sa rehiyon upang mapabilis ang pagresolba sa kaso ng pinaslang na lider ng Bayan Muna. Ayon naman kay Atty. Manja Bayang ng CHRA, hindi kinakailangan ng formal complaint ng pamilya sa paglalabas ng warrant of arrest dahil pwede umanong ang pulisya mismo ang magsampa ng reklamo laban sa nasabing suspek. Ayon sa mga lider Bayan Muna at CHRA dito, bago pa man paslangin si Sanchez ay nakakatanggap na ng death threats ang biktima. Dagdag pa ng IHRA, patuloy pa rin ang mga death threats at paniniktik sa mga lider at miyembro ng mga progresibong organisasyon sa Ilocos. Ayon pa sa IHRA, tumindi ang nasabing paniniktik matapos ang Abra 14 case. Ang Abra 14 ay ang 14 na church at non-government organization workers na isinangkot ng Inteligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) sa pagpatay kay Conrado Balweg. Napawalang bisa ang kaso sa kawalan ng ebidensiya. Si Sanchez ay kabilang sa nasabing 14, na siyang pinakamatinding torture ang tinamo. # Kim Quitasol for NORDIS |
||
Previous | Next |