Nordis Weekly, March 20, 2005
 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Iginigiit ng kawani ng gubyerno P3,000 dagdag pasahod

BAGUIO CITY (Mar.17) — Iginiit ng mga kawani ng gubyerno dito sa Baguio at Kordilyera ang panawagang P3,000 across the board nationwide bilang bahagi ng isang pambansang kilos protesta nitong linggo. Taong 1998 nang simulan ang panawagang ito. May mga inaning tagumpay ang mga kawani ng pamahalaan noong maitaas ng 10% (P440) ang sahod noong 2000, at 5% (P242) noong 2001.

Gayunpaman, sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at mga batayang serbisyo, ipinaliwanag ng mga empleyado na makatarungan lamang ang panawagang P3,000 karagdagang pasahod.

Pinangunahan ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE), Alliance of Concerned Teachers (ACT), at Alliance of Health Workers (AHW) ang isang press conference dito sa syudad upang igiit ang naturang mga panawagan. Dinaluhan ito ng mga kawani mula sa Department of Education (DepEd), Department of Labor and Employment (DOLE), National Irrigation Authority, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Baguio Water District, at mga guro mula sa Baguio City National High School.

Makatarungang panawagan

Sa isang pagbabahagi hinggil sa pambansang kalagayan at epekto nito sa mga empleyado ng gubyerno, ipinaliwanag ni Ces Peta ng COURAGE-Cordillera ang krisis pang-ekonomya at ang batayan ng panawagang karagdagang pasahod.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), ang minimum na sahod na tinatanggap ng mga utility personnel ay P5,082, habang P9,939 naman ang tinatanggap ng mga propesyunal at Teacher 1 sa mga pamantasan. Ayon naman sa datos ng DOLE noong 2004, P17,820 ang kinakailangan ng isang pamilyang may anim na kasapi upang mabuhay nang maayos sa isang buwan.

Aabot sa P54.6 bilyon ang kakailanganin ng gubyerno upang tugunan ang karagdagang pasahod ng 1.4 milyon kawani ng gubyerno, na wala pang 20% sa mungkahing pambansang badyet, ani Peta.

Gayunpaman, nakalaan na ang P301.69 bilyon para sa pagbabayad ng utang panlabas ngayong 2005 mula sa mungkahing badyet na P907.5 bilyon. Baon sa utang ang pamahalaan kaya nananatiling prayoridad nito sa pambansang badyet ang debt servicing. Sa bawat pisong kinikita ng gubyerno, P.90 ang nakalaan para sa debt servicing.

Ayon sa COURAGE, P4 bilyon ang kakailanganing panustos ng gubyerno ngayong taon sa pamamagitan ng pangungutang.

Pinuna rin ng COURAGE at ng mga kaalyadong organisasyon nito ang mga hakbangin ng gubyerno sa pagresolba ng pagkabaon sa utang at pagtugon sa krisis pang-ekonomya.

“Nariyan ang pagbebenta ng private assets, malawakang human export, at pagpapataw ng buwis bilang solusyon sa pagtugon sa pambansang krisis”, ani Peta.

Ibinahagi naman ni UP Baguio faculty member Marian Caampued ng ACT na may pangangailangan para sa 49,000 na guro sa buong bansa. Sa kasalukuyan, ang ratio ng guro sa bilang ng mag-aaral ay nasa 1:40, 1:65, o 1:80.

“Sa kabila ng sakripisyo ng mga guro para isulong ang kagalingang pang-akademiko ng kabataan, sa amin pa rin bumabagsak ang mga sisi ng gubyerno”, aniya.

Ibinahagi niya na hanggang ngayon, hindi pa rin nila natatanggap ang kanilang “love bonus” at clothing allowance. “Maski hate bonus na iyan, sana ibigay pa rin”, biro niya.

Malawakang tanggalan ang kinakaharap ng mga kawani ng gubyerno sa ilalim ng Executive Order (EO) 366 kung saan 420,000 kawani ang posibleng mawalan ng trabaho.

Sa ilalim naman ng EO 102, nakaamba ang pag-phase out ng National Center for Mental Health (NCMH), ang pribatisasyon ng Philippine Heart Center at ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital. Sa isang pakikipag-usap ng AHW kay Civil Service Commission (CSC) Chair Karina David, posibleng limang Center for Health and Development ang matira bilang epekto ng EO 366.

Sa pagtatapos ng press conference, isang declaration of unity ang pinirmahan ng mga kawani ng gubyerno. Isang noise barrage ang idinaos naman ng mga manggagawa sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU)-Kordilyera kaugnay ng kanilang panawagang P125 across the board na karagdagang sahod. # Abi Taguba Bengwayan/NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next