|
Nordis
Weekly, March 20, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Hacienda Luisita picket di matinag sa kabila ng sunud-sunod na pagpaslang |
||
BAGUIO CITY (March 11) — Sa kabila ng sunud-sunod na pagpatay sa mga lider magsasaka at manggagawa sa Hacienda Luisita, hindi pa rin natitinag ang libu-libong manggagawa at manggagawang bukid sa kanilang piket. Ito ang pahayag ni Rene Tua, adviser ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union (CATLU) sa isang forum noong Marso 11 sa University of the Philippines Baguio (UPB). Tuloy ang laban Ayon kay Tua, ang pagpaslang sa mga lider at tagasuporta sa piket ay lalong nagtutulak sa mga manggagawa na ipanalo ang laban. Ani Tua, ilang dekada nang lugmok sa hirap ang mga manggagawa samantalang milyun-milyon ang kinikita ng mga Cojuangco mula sa pagod at dugo ng mga ito. Dagdag pa niya, nagbibingi-bingihan ang mga Cojuangco sa hinaing at kahilingan ng mga manggagawa. Aniya, matigas pa ring tinanggihan ng mga Cojuangco ang hinihinging dagdag na arawang sahod ng mga manggagawa kahit na ibinaba na nila ang halaga nito –mula sa P100 tungong P32. Nagmatigas ang pamunuan ng Hacienda sa gusto nitong P12 lamang. Ang mas masaklap pa umano ay ang desisyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) na paborable sa pamunuan. Maging ang kahilingan ng mga nagpipiket na ibalik ang 35 manggagawa na iligal na tinanggal ay tinanggihan din ng maneysdment dahil ang kondisyon ay sila ang pipili kung sino ang ibabalik sa trabaho. Habang hindi ibinibigay ng mga Cojuangco ang kahilingan ng mga manggagawa, hindi bubuwagin ang piket. Sunud-sunod na pagpaslang Mula nang itayo ang piket sa Hacienda, sunud-sunod na insidente ng pamamaslang ang naitala ng mga manggagawa. Ang pinakahuli ay ang pagpatay kay Fr. William Tadena nitong Marso 13 lamang. Sampung araw lang ang nakalipas mula nang paslangin si Tarlac City Councilor Abelardo Ladera. Sina Tadena at Ladera ay mga tagasuporta ng apat na buwan nang piket ng mga manggagawa ng CATLU at manggagawang bukid ng United Luisita Workers Union (ULWU) sa Hacienda. Si Tadena ay binaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin habang nasa loob ng kanyang owner type jeep bandang alas otso ng umaga. Ayon sa Iglesia Filipina Independiente (IFI), katatapos magpamisa ni Tadena at may 50 metro pa lamang ang layo niya mula sa simbahan ng IFI sa Barangay Guevara, La Paz, Tarlac nang paulanan ng bala ang sasakyan nito. Kasama ni Tadena sina Charlie Gabriel, isang sakristan, Ervina Domingo, parish secretary at Carlos Barsolazo, gitarista na patungo sa susunod na misang nakaiskedyul sa araw na iyon. Si Barsolazo ay nasa kritikal pa ring kondisyon. Si Gabriel ay binaril sa binti ngunit ligtas na sa tiyak na kamatayan. Samantala, bagamat si Domingo ay walang sugat nagtamo siya ng mga pasa sa binti at kamay at kasalukuyang tulala. Ayon sa isang statement mula sa IFI Diocese of Tarlac, ang pagpaslang kay Tadena ay isang paraan upang paralisahin ang mga organisasyon at institusyon na nagsusulong ng hustisya at kabutihan ng mga mahihirap. Si Ladera naman ay binaril bandang 12:00 ng tanghali noong Marso 3 habang pauwi. Isang balang tumama sa puso ang pumatay kay Ladera. Kinondena ni Tua ang pagpatay kay Ladera. Malaki umano ang tulong pinansyal at moral na dumarating sa piket ng mga manggagawa ng Hacienda. Mariin ding binatikos ni Tua ang umano’y sinasabi ni Congressman Benigno “Noynoy” Aquino Jr. na si Ladera ay pinatay dahil naglustay ito ng pera ng unyon ng mga manggagawa. “Paano lulustayin e wala kaming pera,” paliwanag niya. Sa ulat ng Bulatlat.com, sinabi ni Emily Ladera-Facunla, kapatid ni Ladera, na walang personal na kaaway ang biktima. Aniya ang angkang Cojuangco-Aquino at mga heneral ng Northern Luzon Command lamang ang may motibo at kakayahang patayin ang biktima. Ayon sa statement ng Promotion of Church Peoples Response (PCPR) ang pagpatay kina Tadena at Ladera ay patunay na ang pamilyang Cojuangco-Aquino, kasama ang kanilang mga armadong alagad ay desididong sindakin ang mga manggagawang nagpipiket sa Hacienda. Maliban kina Tadena at Ladera, pinatay din sina Marcelino Beltran, ang vice chairperson ng Alayansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon, Felino Briones, isang magbubukid , pagkatapos ng tinaguriang masaker sa Hacienda Luisita noong Nob.16, 2004. Sila ay sumuporta sa piket sa Hacienda. Paggunita sa masaker Hindi kailanman makakalimutan ng mga manggagawa ang araw nang pinagbabaril sila ng walang kalaban-laban at pito sa kanilang mga kasamahan ang namatay, ayon kay Tua. “Pinagbabaril kaming parang mga hayop ng mga AFP at PNP. Nagpagulung-gulong ako sa creek. Nang nakatayo ako ay tumakbo ako … mula noon ay hindi na kami nagkita ng aking anak.” Masakit man para kay Pastor Gabriel Sanchez na gunitain ang mga pangyayari ay inilahad niya sa mga mag-aaral ng UP Baguio ang sinapit ng kanyang anak na si Juancho, 20 taong gulang, noong paulanan ng bala ng mga pinagsanib na elemento ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang mga nagpipiket sa Gate 1 ng Hacienda Luisita noong Nob. 16. Aniya, noong araw na iyon, maagang iginarahe ni Juancho ang kanyang sasakyan upang sumuporta sa piket. “Tinanong pa niya ako kung pupunta ako, ang sabi ko’y susunod na lamang ako.” Ala-una nang tumungo sa piket si Juancho. Bandang alas-tres ay sumunod si Pastor Gabriel. Inabutan ni Pastor Gabriel ang paghagis ng mga sundalo ng tear gas at pagbomba ng tubig sa mga nakapiket na mga manggagawa. Ilang sandali pa’y umalingawngaw ang putok ng mga baril at nagtakbuhan na ang lahat. Nagkahiwalay ang mag-ama. Takipsilim na nang makaabot ang balitang patay na si Juancho. Martes nang mamamatay si Juancho, Huwebes na ng gabi nang makita ni Pastor Gabriel ang kanyang mga labi. “Napakasakit nang pagbintangan nila ang aking anak na NPA. Samantalang araw-araw siya ay namamasada at nag-graduate siya noong 2003 sa Tarlac State University.” Nagtapos ng Bachelor of Science in Information Technology si Juancho. # Kim Quitasol for NORDIS |
||
Previous | Next |