|
Nordis
Weekly, March 13, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Kababaihan ng Cagayan, nag-martsa laban sa VAT |
||
TUGUEGARAO, Cagayan Valley (Mar. 10) — Mahigit 200 kababaihan ng Cagayan Valley ang nagmartsa kaugnay ng paggunita ng International Working Women’s Day (IWWD) dito noong Marso 8 at pagkondena sa isinusulong sa 2% dagdag na Value Added Tax (VAT) ng pamahalaan. Sa pamumuno ng Gabriela-Cagayan, nagmartsa ang mga kababaihan kasama ang iba pang progresibong organisasyon mula sa sentro ng lungsod hanggang Rizal Park kung saan nagdaos sila ng programa. Ayon kay Maris Garcia ng Gabriela National, “hindi solusyon sa kinakaharap na krisis ng bansa ang panukalang VAT.” Aniya, ang dagdag na VAT ay nangangahulugan lamang ng pagtaas uli ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Ibig sabihin umano, mas matinding kagutuman at kahirapan ng mamamayan ang karagdagang VAT kung maipapasa ito. Dagdag pa ni Garcia, “tayong mga kababaihan ang higit na nakakaranas ng papatinding krisis pang-ekonomya, lalo’t tayo ang pangunahing nagbabadyet ng pangangailangan ng ating pamilya.” “Maraming suliranin ang mamamayan na di tinutugunan ng gobyerno. Nananatiling bulag at bingi sa hinaing ng taong bayan kaya ganito kainutil ang pamahalaan sa ating mamamayan,” banggit niya. Kinondena rin ni Isabelo Adviento, secretary general ng Alyansa Dagiti Mannalon ti Cagayan ang pagpataw ngVAT sa mga produktong petrolyo dahil bigwas na naman umano ito sa mga magsasaka. Giit nila, malaking perwisyo na ang walang katapusang pagtaas ng presyo ng langis at gasolina ang dahilan umano sa walang katapusang pagtaas sa presyo ng mga farm input. Inihayag naman ni Charles Valencia ng Karapatan na dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng bilihin, wala nang mai-badyet ang mga ina sa mga pangangailangan ng pamilya. Iginiit naman ni Mildred Goyagoy ng Anakbayan na kailangan ng patuloy na pagsulong sa hanay ng kabataan para sa pagtataguyod ng makatarungang pamumuhay. Dahil sa pagtaas ng mga presyo ng mga batayang pangangailangan at serbisyo, maraming kabataan ang tumitigil sa pag-aaral, aniya. # Radyo Cagayano |
||
Previous | Next |