MIGRANTE MONITOR
Nordis Weekly, February 20, 2005
 

Home | To bottom

Previous | Next
 

OFWs hindi ligtas sa bigwas ng VAT

BAGUIO CITY (Peb. 17) — Ayon sa Migrante-Cordillera hindi ligtas ang mga overseas Filipino workers (OFW) sa bigwas ng panukalang dagdag sa Value Added Tax (VAT).

Ito ang inihayag ng Migrante-Cordillera sa isang panayam ng Nordis. Ayon kay Flora Belinan spokesperson ng Migrante-Cordillera lalong dadami ang mga Pilipinong magpapakaalipin sa ibang bansa kung sakaling maipasa ang dagdag VAT sa senado. Aniya, kapag nagkatotoo ang dagdag na VAT bababa ang halaga ng perang ipapadala nila sa kanilang mga pamilya dahil tataas ang presyo ng mga batayang pangangailangan.

Dagdag pa ni Belinan, kung noon ay sapat na ang isang miyembro ng pamilya na nangingibang-bayan upang matugunan ang pangangailangan ng pamilya, baka dalawa na o tatlo ang kailangang umalis ng bansa kapag naipasa na ang dagdag VAT.

Nangangamba si Belinan na kapag dumami ang bilang ng mga OFW, dadami rin ang bilang ng mga mamamaltrato at mamamatay na kababayan natin sa ibang bansa. Mas marami naman ang magiging bulnerable sa illegal recruitment at ilegal na gawain tulad ng prostitusyon.

“Naging pabaya na nga ang gobyerno sa karaingan ng ating mga OFW magpapataw pa sila ng tax na lalong magpapahirap sa kanila,” pahayag ni Belinan.

Ayon sa datos ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) 3,500 Pilipino ang umalis sa bansa noong 2004. Sa bilang na ito anim hanggang 10 OFW ang namamatay araw-araw. # Kim Quitasol for NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next