|
Nordis
Weekly, February 20, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Militanteng sektor nagmartsa, nag-ingay kontra VAT |
||
BAGUIO CITY (Peb. 16) — Isang martsa rally na nagtapos sa isang noise barrage ang isinagawa ng mga militanteng grupo dito, bilang pagtugon sa pambansang kilos protesta laban sa isinusulong na panuklang 20% dagdag sa Value Added Tax (VAT). Hindi ininda ng halos 200 residente ang matinding init ng araw. Nagmartsa sila sa kahabaaan ng Session Road hanggang sa Magsaysay Avenue sa central business district ng lungsod, upang irehistro ang pagtutol nila sa panukalang dagdag VAT. Matapos ang martsa, nagkaroon sila ng maiksing programa sa Kilometer Zero sa paanan ng Session Road kung saan inisa-isa ng grupo ang mga basehan nila sa pagtutol sa naturang dagdag VAT. Nagwakas ang programa sa isang tatlong minutong noise barrage at panununog ng poster ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (PGMA). Ayon kay Geraldine Cacho, Vice chairperson ng Tongtongan ti Umili-Cordillera Peoples Alliance (TTU-CPA), “masahol pa sa mga nakaraang pambobomba sa Metro Manila at Mindanao ang magiging epekto ng panukalang dagdag VAT kung sakaling maisabatas ito”. Dagdag pa aniya, “kung noon isang kahig isang tuka, ngayon kahig nang kahig wala namang matuka, pero kapag naipasa na sa senado ang dagdag na VAT, baka hindi na makakahig ang kalakhan ng mga mamamayan dahil wala nang lakas.” Kinundena naman ni Ignacio Pangket, chairperson ng Organisasyon dagiti Nakurapay nga Umili ti Siyudad (ORNUS), ang pitong kongresista ng rehiyong Cordillera sa pagboto nila pabor sa dagdag na VAT. Ayon sa grupo, hindi isinaalang-alang ng kanilang mga kongresista ang kapakanan at interes ng nakararami. Ang mga nasabing kongresista ay sina Mauricio Domogan ng Lungsod ng Baguio, Samuel Dangwa ng Benguet, Victor Dominguez ng Mt. Province, Solomon Chungalao ng Ifugao, Luis “Chito” Bersamin ng Abra, Lawrence Wacnang ng Kalinga at Elias Bulot Sr. ng Apayao. Kinundena rin ni Pangket ang panukalang pagpapataw ng VAT sa mga produktong petrolyo dahil bigwas nanaman ito sa maralitang Pilipino. Giit nila, malaking perwisyo na nga ang walang katapusang pagtaas ng presyo ng langis at gasolina ngayong wala pa itong VAT. Binatikos naman ni Vernie Yocogan-Diano secretary general ng Innabuyog-Gabriela, si PGMA sa lantarang pagsuporta at pagsusulong nito sa dagdag VAT. Aniya kabilang ang dagdag VAT sa sampung pangunahing programa ni Arroyo na binanggit niya sa kanyang naunang State of the Nation Address (SONA). Iginiit naman ni Anthoni Karl Riva, chairperson ng Anak Bayan-Metro Baguio na malaki rin ang hagupit ng dagdag na VAT sa mga kabataan. Aniya, maraming kabataang manggagawa at magsasaka ang lalo pang malulubog sa kahirapan. Bukod pa dito mas marami na namang kabataan umano ang titigil sa pag-aaral o hindi makakapagtapos dahil hindi na sila matutustusan ng kanilang mga magulang. Kinundena din ni Bayan Muna National Vice-Chairperson Manny Loste ang hindi pagdaan sa tamang proseso sa pagdinig sa panukalang dagdag VAT sa Kongreso. Paliwanag ni Loste, marahil natakot ang mga nagpanukala ng nasabing batas na iharap sa masusing pagsusuri ang VAT dahil mapapatunayang wala itong ibang idudulot kundi dagdag na pahirap sa sambayanan. Karugtong nito, sa isang statement sinabi ng Promotion of Church People’s Response (PCPR) na dapat ibasura ng senado ang panukalang dagdag VAT dahil ang kalakhan ng pondong malilikom ng pamahalaan kung sakaling maaprobahan ito ay hindi mapupunta sa serbisyong kailangan ng mamamayan kundi sa pagsusulong ng gera sa Mindanao at pambayad sa utang. Ayon sa PCPR ginagamit ng pamahalaan na dahilan ang kampanyang kontra terorismo upang gamitin ang pera ng sambayanan sa karagdagang badyet militar. Giit ng grupo na maraming sibilyan ang napapalayas, nagugutom, naghihirap at namamatay dahil sa tumitinding operasyon ng militar sa bansa. Ang PCPR ay nanguna sa isang inter-faith rally sa Rajah Soliman Park sa Manila para sa kapayapaan at hustisya sa Mindanao at mga lugar na apektado. Itinuloy ang kilos-protesta sa isang martsa patungong senado. Naglarga naman ng petisyon at nangalap ng pirma kontra sa dagdag VAT ang Anakpawis Party-List sa Lungsod ng Quezon ngayong linggo. Sa isang statement na natanggap ng Nordis, sinabi ng Anakpawis na ang mga pirmang makakalap nila ay ihahapag nila sa senado bilang patunay ng pagtanggi ng mamamayan sa pagpapalawig ng VAT. Kinondena rin ng Anakpawis ang “pabalat-bungang” panukala ng kongreso na papatawan ng mas maliit na 6% VAT ang mga independent power producers (IPP) at kompanya ng langis upang mapaliit umano ang epekto sa babayaran ng konsyumer. Sa parehong statement, sinabi ni Anakpawis Secretary General Cherry Clemente na income tax at hindi VAT ang dapat ipataw sa mga IPP at kompanyang langis upang hindi nila ito maipasa sa mga konsyumer. Samantala, ang Ecumenical Women’s Forum (EWF) na binubuo ng mga madre, diyakonesa at mga babaeng simbahan ng mga kongregasyong Katoliko at Protestante ay nagdaos ng isang prayer rally noong araw ng mga puso sa may Welcome Rotonda sa Metro Manila laban sa dagdag VAT. Sa kanilang statement sinabi ng grupo na ang nasabing dagdag VAT ay lalong magpapababa sa purchasing power ng mga mamimili. Dagdag ng grupo, ang matinding kahirapang idudulot ng pagtaas ng VAT ay magpalala sa mga kaso ng karahasan laban sa kababaihan at kabataan. Nanawagan ang grupo sa senado na bigyang prayoridad ang kapakanan ng mahihirap. # Kim Quitasol para sa NORDIS |
||
Previous | Next |