Nordis Weekly, February 13, 2005
 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Kongreso ng Anakbayan sa Cagayan matagumpay

ILAGAN, ISABELA (Feb 12) — Matagumpay na inilunsad ng Anakbayan – Cagayan Valley ang kanilang ikalawang panrehiyong kongreso nitong nakaraang Enero 29 hanggang Enero 30, 2005 sa Sta. Victoria, Ilagan, Isabela. Sa temang “Kabataan magkakaisa! Ipaglaban ang karapatan sa lupa, edukasyon at trabaho. Ibayong magpalawak at magpakatatag para sa tuluy-tuloy na paglilingkod sa sambayan”, nagtipon ang 60 lider ng Anakbayan mula sa iba’t-ibang balangay nito sa mga baryo, eskwelahan at maging sa antas munisipalidad na kumakatawan sa apat na libong kasapian nito sa rehiyon.

Ayon kay Jess Marie Acoba, kasalukuyang tagapagsalita ng Anakbayan-CV, “Sadyang napapanahon ang paglulunsad ng aktibidad na ito upang lalo pang palakasin ang aming hanay para sa ibayong pagpapalawak at pagharap sa mga laban ng kabataan sa buong rehiyon.”

Nangunguna ang Anakbayan-CV sa pagharap sa sari-saring isyu ng mga kabataan sa mga sakahan, eskwelahan at mga komunidad. Mula sa unang kongreso nito noong 2001, ibayong pagpapatibay ng hanay ang hamon ngayong ikalawang kongreso sa lahat ng mga kasapi. Isa sa mga resolusyon ng kapulungan ang mas malalim na pag-aaral sa tunay na reporma sa lupa.

Sa loob naman ng mga eskwelahan ay nananatili pa rin ang mga problema sa mataas na matrikula at iba pang mga bayarin. Usapin pa rin ng mababang badyet ang kinakaharap ng mga nag-aaral sa mga state colleges & universities gayundin sa iba pang pampublikong paaralan.

Sinabi pa ni Acoba na pasan-pasan ng mga pag-asa ng bayan ang napakaraming suliranin. Sa ngayon, aniya, ang lupa, trabaho, edukasyon at serbisyong panlipunan na mga lehitimong karapatan ay kailangan pang limusin mula sa pamahalaan. Ang ganitong uri ng gubyerno ng kasalukuyang rehimeng US-Arroyo ay hindi na dapat pinagtatagal sa pwesto, sabi pa ni Acoba.

Kabilang sa mga plano ng Anakbayan CV ang pagbubuo ng “Save Mother Earth Youth Movement” na naglalayong umani ng pinakamalawak na suporta para sa pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at sa kabuhayan ng mamamayan. # via NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next