NORDIS WEEKLY
January 30, 2005

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Sigwa ng Unang Kwarto: isang balik-tanaw

(NORDIS is running a special section on the First Quarter Storm (FQS), or that period in the early 70’s before the declaration of Martial Law. We invite all those who have memories of the FQS or what the NORDIS staff calls the FQS vets, to write about their recollection and send it to us.)

Ni Manny Loste

Marami ang lumahok sa makasaysayang pangyayari noong unang kwarto ng 1970 - mga tatlong buwan din ng sunud-sunod, tuluy-tuloy na malawakang kilos protesta sa mga lansangan ng Maynila at karatig- pook. Laman ng dyaryo, telebisyon at radyo ang mga nangyayari sa halos araw-araw, mga kaguluhan na di ko lubos maunawaan noon.

Marami din ang inabot ng mga nagtatagisang ideya at emosyon na wala sa Kamaynilaan sa mga panahong iyon. May mga panawagang makibaka at paalaalang huminahon; may mga pagtuligsa sa ugat ng kahirapan at may mga pangako ng reporma at mapayapang pagbabago. Ito ang ibinabandera sa mga rali’t martsa, ipinipinta sa mga pader at sa mga sementong harang sa kalsada.

Parang tambol na umaalingawngaw, yumayanig sa buong kapuluan ang mga sigaw at panawagan ng mga demonstrador ma “Makibaka! ‘Wag matakot!” Madalas ay susundan ito ng habulan kung saan-saan, kundi man ng mga putok ng baril, ay mga pagsabog ng pillbox at pagkalat ng teargas. Marami ang nagtatanong kung ano nga ba ang mga kaganapang ito, kung bakit may mga ganitong pangyayari. Isa na ako sa mga nagtatanong.

Wala ako sa Kamaynilaan noon. Ang mga pangyayari ay nasusubaybayan ko lang sa dyaryo at radyo. Napapakingan ko sa radyo ang live coverage ng paglusob ng mga demonstrador sa Malacanang at pagkatapos, kung paano sila pinaghahabol ng mga sundalo’t pulis sa mga iskinita at sulok ng Sampaloc. Pamilyar sa akin ang lugar dahil doon ako tumira noong nag-aaral pa ako sa kolehiyo. Matutunghayan ko sa mga darating na araw ang buhay-na-buhay na pagkukuwento ng mga gabi’t araw na iyon sa reportage ni Jose F. Lacaba sa Philippine Free Press. “Days of Disquiet, Nights of Rage” ang pamagat ng mga artikulong sinulat niya, kung hindi ako nagkakamali.

Nasa Baguio ako noon, malayo sa kaguluhang nangyayari sa Maynila. Isang tenyente ako sa Philippine Army at may mga dalawang taon na ring nagtuturo sa Philippine Military Academy. Di maiwasan na mapag-usapan ang mga pangyayaring nagaganap lalo na sa departamento namin ng social sciences. Di rin maiiwasan marahil ang nangibabaw na pagtingin sa aming mga militar ay: “kagagawan ng mga komunista ang kaguluhan sa Kamaynilaan. Infiltrated ang ranks ng mga estudyante. At ang mga isyu ng kahirapan, ng imperyalismo, pyudalismo at iba pang ismo na isinisigaw ng mga aktibista ay gawa-gawa lang yan.” “Mag-poker na lang tayo” yaya ng isa kong kaibigang opisyal. Mga larong baraha ang madalas na pampalipas oras naming mga batang opisyal.

May mga kadete na nagtatanong din kung ano at bakit nga ba talaga ganoon ang nangyayari? Minsan ay nagkaroon ng diyalogo sa pagitan ng mga kadete at aktibista dito sa Baguio. Naging mainit ang naging palitan ng kuro-kuro ng magkabilang panig, na bagamat kapwa mga kabataan ay nagmumula sa nagtutunggaling pananaw at paninindigan. “Magkita na lang tayo sa barikada” ang naaalala kong pabirong hamon ng isang aktibista sa kainitan ng talakayan. Mga bata, talaga. Mapusok. Mapangahas.

Beinte-tres anyos ako noon, binata. Tinapos ko ang undergrad sa UST at nagtuloy ako sa law school, habang nagtuturo sa araw. Minsa’y niyakag ako ng isang kaklase na mag-apply kaming magturo sa PMA at sa Baguio na lang namin itutuloy ang pag-aaral ng abogasya. Nagpa-commission na rin kami sa AFP at nagsimula kaming magturo nuong June 1968. Walang problema sa pagtuturo namin. Magaan ang teaching load at masipag namang mag-aral ang mga kadete. Para kaming isang hiwalay na komunidad na walang gaanong pakialam sa labas na mundo. Hanggang dumating ang sigwa ng unang kwarto 1970.

Niyanig ang dati kong mga pagtingin at pagsusuri sa lipunan at kasaysayan ng ating bansa. Kahit sa mga issues of the day, ‘ika nga. Pilit ipinapauna sa pangaraw-araw na agenda ng bawat isa ang mga usapin na umaapekto sa sambayanang Pilipino. Parang hindi makapaghintay at gustong bigyan ng kagyat na pansin ang mga isyung inihahapag. At sa aking pagbabasa at pagtatanong, nabubuo ang isang pagsang-ayon sa antas intelektuwal sa mga isyu na ipinaglalaban ng mga aktibista. Pero may mga katanungan pa rin ako.

At iba rin naman ang pinagkakaabalahan ng emosyon ko. Naghahanda ako para sa aking pagpapakasal sa isang magandang dilag na taga-Bontoc, Mt. Province. Nagtuturo siya sa pampublikong paaralan sa loob ng Ft. Del Pilar at nagkakilala kami nang minsa’y nagkatabi kami sa upuan sa shuttle bus ng PMA na siyang hatid-sundo sa aming naninirahan sa Camp Allen. Hindi naging mahigpit na usapin sa aking personal na buhay ang mga ipinaglalaban ng mga aktibista, na nakita kong minsa’y nagpupulong sa bahay na tinutuluyan ng mapapangasawa ko. Ang tagal nilang magpulong, at ang lalakas pa man din manigarilyo.

Tapos na ang unang kwarto, tapos na ang summer break at tapos na rin ang pagpapakasal ko noong June 1970. Nagsimula na ang pasukan at may bagong instruktor na naidagdag sa departamento namin. Siya si 1st Lt. Victor Corpuz, miyembro ng PMA Class ’67 at kagagaling lang mag-escort sa mga biktima ng panununog ng Ora East, Bantay, Ilocos Sur. Masigla at matikas siya, at marami siyang mga bagong ideya. Minsa’y inimbitahan niya ako sa kanyang quarters at ipinakita niya sa akin ang marami niyang mga libro na akda nina Marx, Lenin, Mao, Che Guevarra at Ho Chi Minh at kung sinu-sino pang mga radikal at progresibong manunulat—mga librong matagal ko nang gustong basahin. Ipinahiram nya ang ilan sa akin at mula noo’y madalas kaming magtalakayan at magpalitan ng pagtingin sa samu’t saring bagay kaugnay ng subjects na itinuturo namin. Philippine history ang itinuturo nya at Asian history naman ang hawak ko. Marami siyang nailinaw at naipaliwanag sa akin hinggil sa pakikibaka ng mamamayang Tsino at Byetnames. Nasa kasagsagan noon ang pakikidigma ng mga Byetnames laban sa gyerang agresyon ng US. Kaya nalaman ko ang mga tagumpay ni Gen. Nguyen Vo Giap laban sa mga Pranses sa Dien Bien Phu, ang Long March nina Mao Zedong at Gen. Chu Te at mga pakikidigmang gerilya nina Che Guevarra at Fidel Castro. Lahat niyan at marami pa.

Mukhang hindi yata nagustuhan ng aming mga superiors sa PMA ang pagtuturo namin ng kasaysayan ng Pilipinas at Asya, dahil pagpasok ng second semester ay pareho na kaming walang teaching load. Siya ay na-assign bilang mess officer, at ako naman ay naging administrative officer sa opisina ng dekano. Pero patuloy pa rin ang mga talakayan at diskusyon namin. Wala akong kamuwang-muwang na meron palang gagawing pakulo itong si Corpuz bago magtapos ang 1970 na yayanig sa PMA, maging sa AFP. Nuong Disyembre 29, ni-raid nila ang armory ng PMA at nag-defect sya sa NPA. Syempre, sabit ako sa ginawa nya, kayat naimbestigahan ako pero dahil sa wala naman talaga akong kaalam-alam sa balak nya, ay nalipat lang ako ng ibang destino, sa 2nd Brigade ng Philippine Army na naka-istasyon sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal.
Bago ako malipat ng destino, nakausap ko ang isang aktibista na taga-Baguio. Tinanong ko siya: “Anong garantiya na ang ipapalit ninyong sistema ay di rin manunumbalik sa bulok at luma na inyong gustong palitan?” Ang sagot nya: “Wala. Pero bakit di ka tumulong para mas matiyak natin na di babalik ang luma at bulok na sistema, kapag napalitan na natin?” Hindi ko agad nasagot ang tanong nya, pero alam ko na nagbabago na ang aking mundo. Hawak ko na ang kasagutan sa maraming tanong na iniluwal ng Sigwa ng Unang Kwarto bago ko lisanin ang Baguio. #

(Umalis rin sa Philippine Army si Manny noong Mayo 1971 at nagturo siya sa PCC na ngayon ay PUP. Naging founding member siya ng Katipunan ng Mga Gurong Makabayan (KAGUMA) nuong 1972. Nakulong siya ng halos apat na taon nang siya’y arestuhin matapos ideklara ang martial law. Paglaya niya noong 1976 ay nagpatuloy siyang magturo sa iba’t ibang kolehiyo sa Maynila at Quezon City. Bumalik siya sa Baguio kasama ang kanyang pamilya noong 1985 at naging aktibo sa “parliament of the streets” Nanilbihan din sya muli sa gobyerno sa Philippine Tourism Authority sa administrasyon ni Ramos. Siya ang kasalukuyang Regional Coordinator ng Bayan Muna sa Cordillera at nahalal na national vice-chairman ng nasabing partylist.)


Home | Back to top

Previous | Next